10,883 total views
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
1 Juan 4, 7-10
Juan 15, 9-17
Sixth Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 10, 25-26. 34-35. 44-48
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Sinalubong ni Cornelio si Pedro at nagpatirapa sa harapan nito at sumamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumindig kayo. Ako’y tao ring tulad ninyo. Ngayon ko lubusang natanto na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit saang bansa.”
Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga Hentil na nagsasalita sa iba’t ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila’y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino pa ang makahahadlang na binyagan sila sa tubig?” At iniutos niyang binyagan sila sa pangalan ni Hesukristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili roon ilang araw.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
o kaya: Aleluya!
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-10
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal: Mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 14, 23
Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal,
tutupad sa aking aral,
Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayon din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
May saysay lamang ang ating buhay kapag ito’y tigib ng pagmamahalang tulad ng pagma- mahal ng Banal na Santatlo para sa atin. Sapagka’t batid natin ang kahalagahan ng ganitong kaloob, manalangin tayo sa Panginoon:
Diyos ng pag-ibig, dinggin ang aming panalangin!
Para sa lahat ng Kristiyano: Nawa’y sa kanilang pagmamahal kay Hesus, ay makakita sila ng inspirasyong magmahalan tulad ng kanyang iniuutos at magsikap para sa pagkakaisang idinalangin ni Hesus. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa at lahat ng Obispo: Nawa’y manatili silang nagkakaisa sa buklod ng pagmamahalan kung paanong si Hesus ay kaisa ng Ama. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng tao sa mundo: Nawa’y maunawaan nilang tanging sa pangkapatirang pagmamahalang gaya ng kay Kristo, makapagtatamo sila ng tunay na pagsulong at pangmatagalang kapayapaan. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan at sa lahat ng bumubuo rito: Nawa’y magsikap tayong mapalago ang pangkapatirang pagmamahalan sa pamamagitan ng pagsugpo sa pagkamakasarili at lahat ng anyo ng kawalang katapatan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mananampalatayang nagdiriwang ng Flores de Mayo sa karangalan ni Mariang Kabanalbanalan: Nawa’y tumulad sila sa kaniyang katapatan at kalinisan ng pagmamahal para sa lahat. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng mga pari, mga relihiyoso at relihiyosa: nawa’y lumago sila sa kanilang bokasyon sa pamamagitan ng proseso ng paghubog at pagsasanay upang silang lahat ay maging mga kapani-paniwalang saksi at tagapagpatunay sa Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, nawa lahat ng aming gawa’y maging mapagmahal at alang-alang sa pagmamahal, at sa gayo’y papanaigin sa lupa ang pagmamahal na nagbubuklod sa iyo sa Ama at sa Espiritu Santo magpakailanman. Amen!