11,359 total views
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Mga Gawa 9, 26-31
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
1 Juan 3, 18-24
Juan 15, 1-8
Fifth Sunday of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 9, 26-31
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon: Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit ang mga ito ay takot sa kanya, at hindi makapaniwalang isa na siyang alagad. Subalit isinama siya ni Bernabe sa mga apostol. Isinalaysay niya sa kanila kung paano napakita ang Panginoon kay Saulo at nakipag-usap dito nang ito’y nasa daan. Sinabi rin niyang si Saulo’y buong tapang na nangaral sa Damasco, sa pangalan ni Hesus. At mula noon, si Saulo’y kasama-sama nila sa Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya’t itinangka nilang patayin siya. Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso. Kaya’t naging matiwasay ang simbahan sa buong Judea, Galilea at Samaria. Ito’y tumatag at lumaganap sa tulong ng Espiritu Santo at namuhay na may pagkatakot sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 21, 26b-27. 28 at 30. 31-32
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
o kaya: Aleluya!
Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,
ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,
aawit na pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;
buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
Sa dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,
ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
Mangangayupapang lahat ang palalo’t mayayabang,
ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,
ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay.
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
Maging lahing susunod pa ay sasamba’t maglilingkod,
ay mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
Sa lahat ng sisilang pa’y ganito ang ihahayag,
“Sa hinirang niyang bansa ay Panginoon ang nagligtas.”
Pupurihin kita, Poon,
ngayong kami’y natitipon.
IKALAWANG PAGBASA
1 Juan 3, 18-24
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Dito natin makikilalang tayo’y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo’y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos. Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Hesukristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Kristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili,
siya’y sa atin lalagi,
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga; at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang namumunga upang lalong dumami ang bunga. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno. Gayun din naman, hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay itatapon at matutuyo, gaya ng sanga. Ang gayong mga sanga ay titipunin at susunugin. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang salita ko, hingin ninyo ang inyong maibigan, at ipagkaloob sa inyo. Napararangalan ang Ama kung kayo’y namumunga nang sagana at sa gayo’y napatutunayang mga alagad ko kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Sa binyag, tayo’y naging kaisa ni Hesukristo at naging kabahagi ng kanyang banal na katawan. Siya ang puno ng ubas, at tayo ang mga sanga. Ang buhay natin ay nakasalalay sa ating pananatiling kaisa niya. Kung kaya’t tayo’y manalangin:
Bukal ng aming buhay, dinggin mo kami!
Nawa’y ang Simbahan ay laging maging mayabong na punong namumunga ng kabanalan, katarungan, at kapayapaan. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng binyagan ay manatiling kaisa ng Panginoon sa pamamagitan ng pamumuhay alinsunod sa mga turo at pagpapahalaga ng Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng mga tapat na laiko ay manatiling kaisa ni Hesus sa pamamagitan ng paghahandog ng kanilang pang-araw-araw na gawain at taimtim na panalangin. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng nagkokomunyon ay lumakas sa kanilang pakikiisa kay Hesus sa pamamagitan ng buhay-paglilingkod sa kapwa. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng nasa bingit na ng kamatayan ay manatiling nakakapit kay Hesus bilang natatanging bukal ng buhay at kaligtasan. Manalangin tayo!
Panginoong Hesus, bunsod ng aming pananalig sa tulong ng iyong biyaya, muli kaming matibay na nangangakong tatalikdan ang anumang maglalayo sa amin sa iyo at sa aming kapwa. Pana- tiliin mo kaming kaisa mo tulad ng iyong pakikiisa sa Ama at sa Espiritu Santo magpakailanman. Amen!