31,964 total views
Martes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 16, 22-34
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3, 7k-8
Ligtas ako sa ‘yong piling,
lakas ko’y sa ‘yo nanggaling.
Juan 16, 5-11
Tuesday of the Sixth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 16, 22-34
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, dinaluhong sina Pablo at Silas ng mga tao, at matapos pahubaran ng mga pinuno, sila’y paulit-ulit na ipinahagupit, saka ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. Ipinasok sila ng batay sa kaloob-looban ng bilangguan at ipinangaw ang mga paa.
Nang maghahatinggabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga imno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. Di-kaginsa-ginsa’y lumindol nang napakalakas, anupat nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Pagdaka’y nabuksan ang mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng mga bilanggo. Napabalikwas ang bantay-bilangguan at nang makitang bukas ang mga pinto, hinugot ang kanyang tabak at tangkang magpakamatay sa akalang nakatakas ang mga bilanggo. Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!” Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. Inilabas niya ang mga ito at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako’y maligtas?” Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus, at maliligtas ka – ikaw at ang iyong sambahayan.” At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. Nang gabi ring iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat, at nagpabinyag siya pati ang buo niyang sambahayan. Pagkatapos, sila’y isinama niya sa kanyang tahanan at hinainan ng pagkain. Galak na galak siya at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila’y natutong sumampalataya sa Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3, 7k-8
Ligtas ako sa ‘yong piling,
lakas ko’y sa ‘yo nanggaling.
o kaya: Aleluya!
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Ligtas ako sa ‘yong piling,
lakas ko’y sa ‘yo nanggaling.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Ligtas ako sa ‘yong piling,
lakas ko’y sa ‘yo nanggaling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.
Ligtas ako sa ‘yong piling,
lakas ko’y sa ‘yo nanggaling.
ALELUYA
Juan 16, 7. 13
Aleluya! Aleluya!
Espiritung isusugo
totoo ang ituturo,
pangako ni Kristong Guro.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 5-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ngayo’y paroroon na ako sa nagsugo sa akin. Wala isa man sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako pupunta. At ngayong sabihin ko sa inyo, natigib kayo ng kalungkutan. Ngunit dapat ninyong malaman ang katotohanan: ang pag-alis ko’y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit kung aalis ako, susuguin ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan sa mga tao sa sanlibutan na mali ang pagkakakilala nila sa kasalanan, at ipakikilala niya kung ano ang matuwid, at kung ano ang kahatulan. Mali sila tungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila nanalig sa akin; tungkol sa matuwid, sapagkat ako’y paroroon sa Ama at hindi na ninyo makikita; tungkol sa matuwid, sapagkat ako’y paroroon sa Ama at hindi na ninyo makikita; tungkol sa kahatulan, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Bago umakyat sa Langit, ipinangako sa atin ni Jesus ang isa pang Katulong na makakapiling natin tulad niya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ipadala Mo sa amin ang iyong Espiritu.
Ang ating mga pastor nawa’y magtalaga nang lubusan ng kanilang buhay sa pangangaral ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at guro nawa’y maging mga buhay na halimbawa ng pananampalataya para sa mga taong nasa kanilang pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang pagsikapang mabuti na gawin ang anumang nararapat upang ang Salita ng Diyos ay maging isang buhay na kapangyarihang magiging kaakibat ng lahat ng ating ikikilos, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga matatanda, mga nangungulila, at mga may karamdaman nawa’y ating ipadama ang ating habag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapahingahan at bagong buhay sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, tagapagbigay ng lahat ng biyaya, masagana mong ipagkaloob sa amin ang iyong Espiritu upang makapamuhay kami nang may kabanalan at magsikap para sa pagdating ng iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.