31,867 total views
Biyernes sa Ika-6 ng Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Juan ng Avila, Pari at Pantas ng Simbahan
Mga Gawa 18, 9-18
Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Juan 16, 20-23a
Friday of the Sixth Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. John of Avila, Priest and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 9-18
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari’y huwag kang titigil, sapagkat ako’y sumasaiyo. Hindi ka maaano, sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” Tumigil siya roon sa loob ng isang taon at anim na buwan at nagturo ng salita ng Diyos.
Nang si Galion ang maging gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio na dakpin si Pablo at dalhin sa hukuman. “Hinihikayat nito ang mga tao na sumamba sa Diyos sa isang paraang labag sa batas!” wika nila. Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galion, “Kung ang usaping ito’y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatwirang pakinggan ko kayo. Subalit ang sakdal ninyo’y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya hindi ko kayo hahatulan sa bagay na iyan. Bahala na kayo! At sila’y pinalabas niya sa hukuman. Sinunggaban nila si Sostenes, ang taga-pamahala ng sinagoga, at binugbog sa labas ng hukuman. Ngunit hindi ito pinansin ni Galion.
Pagkatapos nito, ilang araw pang nanatili si Pablo sa Corinto, saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpaputol siya ng buhok sapagkat natupad na ang isang panatang ginawa niya. At naglayag siya patungong Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 4-5. 6-7
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
o kaya: Aleluya.
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Tayo’y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa’y namahala tayo;
siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,
hatid ng tambuling malakas ang tunog;
masayang sigawan ang ipinansuob.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya’y papurihan!
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Lucas 24, 46. 26
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y laang magtiis
nang tagumpay ay nakamit
at sumaatin ang langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 20-23a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan. Kapag nagdaramdam na ang isang babaing manganganak, siya’y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak, hindi na niya naaalaala ang hirap; siya’y nagagalak dahil sa ipinangangak na sa sanlibutan ang isang sanggol. Gayun din naman kayo: nalulumbay kayo ngayon, ngunit muli akong makikipagkita sa inyo at mag-uumapaw sa puso ninyo ang kagalakang hindi maaagaw ninuman.
Hindi na kayo kailangang magtanong sa akin sa araw na iyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Habang inaasam natin at hinihintay ang kaligayahan ng Langit, manalangin tayo na ipagkaloob sa atin ang lakas upang maisabuhay nang lubos ang ating pananampalataya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Puspusin Mo kami ng iyong kagalakan, O Panginoon.
Bilang Bayan ng Diyos, tayo nawa’y umako sa krus ni Kristo at maging buhay na mensahe ng pag-asa sa mga taong ipinagkatiwala sa pangangalaga natin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nawawalan ng pag-asa nawa’y pasiglahing muli sa kagalakang nagmumula sa makapangyarihang Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa nawa’y palakasin at mapagtiisan ang sakit na kanilang nadarama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng lakas at ginhawa ng kalooban sa pamamagitan ng ating pag-aalaga at malasakit sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y magpahingalay sa kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, palakasin mo kami sa pagharap sa mga pagsubok tulad nang ginawa ng iyong Anak. Tulungan mo kami, sa pamamagitan ng biyaya ng iyong Espiritu, na mapagtiisan ang mga paghihirap sa buhay na ito nang may kagalakan dahil sa pagkabatid na may kaligayahang naghihintay sa Langit para sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.