31,213 total views
Miyerkules sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 17, 15. 22 – 18, 1
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Juan 16, 12-15
Wednesday of the Sixth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 17, 15. 22 – 18, 1
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea, taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon. At si Pablo ay tumayo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong buhos na buhos ang inyong kalooban sa relihiyon. Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod at pagmamasid sa mga sambahan ninyo, nakakita ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘Sa Diyos na hindi nakikilala.’ Ang inyong sinasamba kahit hindi ninyo kilala ang siya kong ipinapahayag sa inyo. Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng naroroon ang siyang Panginoon ng langit at lupa, kaya’t hindi siya tumatahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi sa siya’y nangangailangan ng anuman kaya siya pinaglilingkuran ng tao; sapagkat siya ang nagbibigay ng buhay, hininga, at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. Mula sa isa’y nilikha niya ang lahat ng lahi sa balat ng lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at hangganan. Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Diyos, baka sakaling sa kanilang pag-aapuhap ay matagpuan siya. Ang totoo, hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin; sapagkat
‘Hawak niya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’
Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata,
‘Tayo nga’y mga anak niya.’
Yamang tayo’y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na siya ay tulad ng larawang ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at kamay ng tao. Mahabang panahong di pinansin ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng tao, ngunit ngayo’y iniuutos niya na magsisi sila’t talikdan ang kanilang masamang pamumuhay. Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan at ito’y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon!”
Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan ngunit sinabi naman ng iba, “Ibig namin kayong mapakinggan uli tungkol dito.” At umalis doon si Pablo. May ilang sumama sa kanya at sumampalataya sa Diyos; kabilang dito si Dionisio na isa sa mga bumubuo ng kapulungan ng Areopago. May sumama ring babaing nag-ngangalang Damaris, at mga iba pa.
Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 148, 1-2. 11-12ab. 12k-14a. 14bkd
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
o kaya: Aleluya
Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
kayo sa itaas siya’y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri’t magdiwang,
kasama ang hukbo roong karamihan!
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Pupurihin siya ng lahat ng tao,
hari at prinsipe, lahat ng pangulo,
babae’t lalaki, mga kabataan,
matatandang tao’t kaliit-liitan.
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Sa ngalan ng Poon lahat ay magpuri,
ang kanyang pangala’y pinakamaigi;
sa langit at lupa’y walang kasimbuti.
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
Siya’ng nagpalakas sa sariling bansa,
kaya pinupuri ng piniling madla,
ang bayang Israel, mahal niyang lubha!
Ang kadakilaan ng D’yos
sa lupa’t langit ay lubos.
ALELUYA
Juan 14, 16
Aleluya! Aleluya!
Hihilingin ko sa Ama
Espiritu’y isugo n’ya
upang sumainyo’t t’wina.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 12-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako, sapagkat sa aking magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules
Hindi tayo iniwang ulila ng ating Amang nasa Langit, bagkus ipinadala niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Sambitin natin ang ating sama-samang panalangin sa kapanyarihan ng Espiritu ng Katotohanan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Akayin nawa kami ng Iyong Espiritu ng Katotohanan, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y maging masigasig sa paghahatid ng mensahe ni Jesus sa lahat ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namamahala at maykapangyarihan nawa’y maghatid ng kapayapaan at katarungan sa mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hinahamak, mga itinatakwil o mga walang nagmamahal sa ating lipunan nawa’y makaranas sa kanilang buhay ng pangangalaga ng Diyos sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y makakita at makadama ng mapagmahal na presensya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y muling buhayin alang-alang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, loobin mong lalo pang ihayag sa amin ng Banal na Espiritu ang mga katotohanang inihayag ni Jesus na nabubuhay na kasama mo ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.