Biyernes, Oktubre 11, 2024

SHARE THE TRUTH

 4,301 total views

Biyernes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

o kaya Paggunita kay Papa San Juan XXIII

Galacia 3, 7-14
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Lucas 11, 15-26

Friday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of St. John XXII, Pope (White)

UNANG PAGBASA
Galacia 3, 7-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang siyang tunay na lahi ni Abraham. Hindi pa ma’y ipinakita na ng Kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya. At ipinahayag na kay Abraham noon pa ang Mabuting Balita: “Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Nanalig sa Diyos si Abraham at siya’y pinagpala kaya’t pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos.

Ang lahat ng nananangan sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.” Maliwanag, kung gayun, na walang taong ibibilang na matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan sapagkat “Ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Ngunit ang Kautusan ay hindi nasasalalay sa pananalig sa Diyos, sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang tumutupad sa hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan nito.”

Tinubos tayo ni Kristo sa sumpa ng Kautusan nang siya’y magdusa na parang isang sinumpa. Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, “Sinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Tinubos niya tayo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay kamtan ng mga Hentil sa pamamagitan ni Kristo Hesus, at sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay sumaatin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 3-4. 5-6

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

o kaya: Aleluya.

Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Lahat niyang gawa’y dakila at wagas,
bukod sa matuwid hindi magwawakas.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.
Ipinadama n’ya sa mga hinirang,
ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Pangako ng Poon nati’y
lagi nating gunitain.

ALELUYA
Juan 12, 31b-32

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay itinampok,
sa kanya tayo’y dumulog,
kasamaan ay natapos.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 15-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, matapos palayasin ni Hesus ang isang demonyo, nanggilalas ang mga tao. Ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.

“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi ang ari-ariang inagaw.

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.

“Kapag lumabas na mula sa tao ang isang masamang espiritu, ito’y gumagala sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kung walang matagpuan ay sasabihin nito sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ Pagbabalik ay matatagpuan niyang malinis na ang bahay at maayos. Kaya, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung masasama kaysa kanya, at papasok sila at maninirahan doon. Kaya’t sumasama kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Natitipon kay Kristong lumulupig sa lahat ng kasamaan, lumapit tayo sa Ama nang may pananalig dala ang ating idinadalanging mithiin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagtagumapayan nawa namin ang lahat kay Kristo, O Ama.

Ang Simbahan nawa’y mapanibago at magbigay ng tapat na pagsaksi sa mga tamang pinahahalagahan sa buhay upang makatulong na ibangon ang nalugmok na sandaigdigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyanong sumasampalataya nawa’y magkaroon ng tapang na magsalita nang hayagan sa ngalan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Buong puso nawa nating suportahan ang pagsulong ng katotohanan at labanan ang hindi hayagang impluwensya ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatanggap ng kasiyahan ng pag-ibig ng Diyos mula sa mga taong nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa, nawa’y tanggapin sa kaganapan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, habang itinataas namin ang aming mga panalangin, pinasasalamatan ka namin sa iyong Anak na lumupig sa kasalanan at kamatayan, siya na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Lights! Camera! Action?

 55,263 total views

 55,263 total views Mga Kapanalig, napunô ng comedy, drama, action, at suspense ang Senado noong isang linggo. Tila eksena sa game show ang pagtakbo ni Senador

Read More »

Ang fourth estate

 179,674 total views

 179,674 total views Mga Kapanalig, may apat na institusyong itinuturing na haligi o pillars of democracy. Kabilang dito ang tatlong sangay ng gobyerno—ang ehekutibo, ang lehislatura,

Read More »

Bantay ng bayan

 221,756 total views

 221,756 total views Mga Kapanalig, dahil na rin sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga nasa pamahalaan noong isinailalim ang Pilipinas sa batas militar o martial law,

Read More »

BAGSAK ANG MAHIHIRAP

 299,113 total views

 299,113 total views Kapanalig, sa mataas na halaga ng mga produktong petrolyo, sino ang pinaka-apektado? Kapanalig, sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Mayo 20, 2026

 2,892 total views

 2,892 total views Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Bernardino ng Siena, pari Mga Gawa 20, 28-38 Salmo 67, 29-30.

Read More »

Martes, Mayo 19, 2026

 2,892 total views

 2,892 total views Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 20, 17-27 Salmo 67, 10-11. 20-21 Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay

Read More »

Lunes, Mayo 18, 2026

 2,892 total views

 2,892 total views Lunes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Juan I, papa at martir Mga Gawa 19, 1-8 Salmo 67,

Read More »

Linggo, Mayo 17, 2026

 1,354 total views

 1,354 total views Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat (A) Mga Gawa 1, 1-11 Salmo 46, 2-3. 6-7. 8-9 Habang umaakyat ang D’yos, ang tambuli’y tumutunog. Efeso 1,

Read More »

Sabado, Mayo 16, 2026

 1,354 total views

 1,354 total views Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 18, 23-28 Salmo 46, 2-3. 8-9. 10 Hari ng sangkalupaan D’yos na

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top