LINGO, PEBRERO 19, 2023

SHARE THE TRUTH

Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Levitico 19. 1-2. 17-18
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

1 Corinto 3, 16-23
Mateo 5, 38-48

Seventh Sunday in Ordinary Time (Green)

Pontifical Work of St. Peter the Apostle (Opus Sancti Petri)

UNANG PAGBASA
Levitico 19. 1-2. 17-18

Pagbasa mula sa aklat ng Levitico

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong Panginoon ay banal.’”

“Huwag kang magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, pangangaralan mo siya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kasamahan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ako ang Panginoon.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10. 12-13

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 3, 16-23

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayun din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Kristo, at si Kristo nama’y sa Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
1 Juan 2, 5

Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 38-48

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag ninyong labanan ang masamang tao. Kung may sumampal sa iyo sa kanang pisngi, iharap mo pa sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ninuman upang makuha ang iyong baro, ibigay mo sa kanya pati ang iyong balabal. Kung sapilitang ipapasan sa iyo ng manlulupig ang kanyang dala nang isang kilometro, pasanin mo ito nang dalawang kilometro. Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag mong pahindian ang nanghihiram sa iyo.

“Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Pinaaalalahanan tayo ni Hesus ngayon na ibigin ang bawat tao, pati na ang ayaw sa atin at nakasakit sa atin. Sa kahinaan nating makatugon sa hamon ng ganitong utos, hilingin natin ang tulong ng Diyos at manalangin:

Panginoon, turuan mo kaming magmahal na tulad mo!

Para sa Simbahan, na siyang sugo at kasangkapan ng pag-ibig na panlahat ng Diyos: Nawa manguna siya sa pagtataguyod ng kapayapaan at pakikipagtulungan sa lahat ng tao. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga Obispo, at lahat ng namumuno sa iba’t ibang Kristiyano: Nawa sila’y laging maging magagandang halimbawa ng pagkakasundo, pagpapatawad, at tapat na pagmamahal sa lahat. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinuno sa pamahalaan, lipunan, at edukasyon: Nawa tapat nilang itaguyod ang pakikipagtulungang mahalaga para sa isang mapayapa at maunlad na lipunan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng nahihirapang magpatawad sa mga nagkasala sa kanila: Nawa pagsumikapan nilang makapagpatawad at makatagpo ng lakas para rito sa grasya ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa kabataan ng ating bayan na sabik sa katarungan at kaunlaran: Nawa alalahanin nilang lagi na matatamo lamang ang tunay na kaunlaran at katarungan kapag mga plano natin ay itinataguyod ng pag-ibig at pagtutol sa karahasan at paghihiganti. Manalangin tayo!

Para sa ating mga mag-anak at pamayanan sa parokya: Nawa maging tapat ang ating pakikitungo sa lahat at handang magpatawad sa mga nagkasala sa atin. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Diyos ng pag-ibig at pagpapatawad, itulot Mo nawang huwag kaming mabuyo sa karahasan at paghihiganti, at lahat nawa ng aming isipan, plano, at gawa ay sunod sa inspirasyon ng pag-ibig na tulad ng kay Kristo. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Ang kalikasan ay may karapatan

Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas kundi isang

Read More »

Patibong ng kasamaan

Mga Kapanalig, hindi laging lantad ang kasamaan. Minsan nag-aanyo itong mabuti, maamo, at inosente. Ayon sa 2 Corinto 11:14, “…si Satanas man ay nagkukunwaring anghel

Read More »

Anyare sa ICI?

Mga Kapanalig, mahigit anim na buwan mula nang itatag ang Independent Commission for Infrastructure (o ICI), inanunsyo na ang pagbuwag nito sa darating na Martes,

Read More »

SYNODALITY

Synodality is the process and style of the Church’s life in which all members journey together, participate actively, and discern collectively in mission and governance.

Read More »

SOBRANG LUGMOK NA ANG MGA PINOY

Sa kasalukuyan, hindi na makakaagapay ang milyun-milyong Pilipino., lugmok na lugmok na! Sa nakalipas na buwan ng Pebrero 2026, hirap na hirap na ang mga

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Marso 7, 2026

Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Mikas 7, 14-15. 18-20 Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12 Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.

Read More »

Biyernes, Marso 6, 2026

Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod ang dakilang gawa

Read More »

Huwebes, Marso 5, 2026

Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 17, 5-10 Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa Panginoon tuwina.

Read More »

Miyerkules, Marso 4, 2026

Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 18, 18-20 Salmo 30, 5-6. 14. 15-16 Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

Read More »

Martes, Marso 3, 2026

Martes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Isaias 1, 10. 16-20 Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23 Ang masunurin sa Diyos ay

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top