LUNES, PEBRERO 20, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,079 total views

Lunes ng Ika-7 ng Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Sirak 1, 1-10
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Marcos 9, 14-29

Monday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Sirak 1, 1-10

Ang simula ng aklat ni Sirak

Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan
at iyon ay taglay niya magpakailanman.
Sino ang makabibilang ng butil ng buhangin sa dagat,
O ng patak ng ulan, o ng mga araw,
sa panahong walang pasimula at walang katapusan?
Sino ang makasusukat sa taas ng langit, o sa lawak ng lupa?
Sino ang makaaarok sa kalaliman ng dagat
at sino ang makasasaliksik sa Karunungan?
Bago pa likhain ang alinmang nilalang,
nalikha na ang Karunungan,
at ang tunay na pagkaunawa,
bago pa nagsimula ang mga panahon.
Ang Karunungan ay nagmula sa salita ng Diyos
sa kataas-taasang langit,
at ang kanyang mga aral ay batas na walang hanggan.
Kanino ipinahayag ang simula ng Karunungan,
at sinong nakatatalastas ng kanyang pamamaraan?
Kanino ipinagkaloob ang makakilala sa Karunungan,
at sinong nakauunawa ng kanyang masaganang mga karanasan?
Iisa lamang ang talagang marunong;
dapat tayong gumalang na may paghanga
sa harap ng kanyang luklukan.
Ang Panginoon ang maylikha ng Karunungan,
kinilala niya ang kahalagahan nito
sa lahat ng kanyang nilalang.
Binahaginan niya ng Karunungan ang lahat ng tao,
ngunit higit na masagana ang bigay niya
sa mga umiibig sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at batbat ng kalakasan.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan
kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una.
Bago pa ang ano pa man, likas ika’y naroon na.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Panginoo’y naghari na!
Ang damit n’ya’y maharlika.

ALELUYA
2 Timoteo 1, 10

Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 9, 14-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, habang bumababa si Hesus sa bundok, kasama sina Pedro, Santiago at Juan, ay nakita nila ang napakaraming taong nakapaligid sa mga alagad na naiwan, at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa mga ito. Nagulat ang mga tao nang makita nila si Hesus. Sila’y patakbong lumapit sa kanya, at binati siya. Tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo at ng mga taong iyon?” Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya’y inaalihan ng masamang espiritu, at hindi makapagsalita. Tuwing aalihan siya nito, siya’y inilulugmok; bumubula ang kanyang bibig at nagngangalit ang kanyang ngipin, at siya’y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu, ngunit hindi nila napalayas ito!” Sinabi ni Hesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” At dinala nga nila ito sa kanya. Nang si Hesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata, anupa’t napalugmok ito sa kanya, at gumugulong-gulong na bumubula ang bibig. “Kailan pa siya inalihan ng masamang espiritu?” tanong ni Hesus sa ama. “Mula pa po sa kanyang pagkabata!” tugon niya. “Madalas siyang ihagis nito sa apoy at sa tubig upang patayin. Kaya kung may magagawa kayo, mahabag po kayo sa amin at tulungan ninyo kami.” “Kung may magagawa!” ulit ni Hesus. “Mapangyayari ang lahat sa may pananalig.” Kaagad sumagot nang malakas ang ama ng bata, “Nananalig po ako! Tulungan ninyo ako bagamat ako’y nagkulang.”

Nang makita ni Hesus na dumaragsa ang mga tao, pinagsabihan niya ang masamang espiritu, “Ikaw, espiritung nagpapapipi at nagpapabingi – iniuutos ko sa iyo: lumabas ka sa bata! At huwag ka nang papasok sa kanya!” Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinapangisay ang bata, at saka lumabas. Naging mistulang bangkay ang bata, kaya’t ang sabi ng marami. “Patay na!” Subalit siya’y hinawakan ni Hesus sa kamay at ibinangon. At tumindig ang bata.

Nang pumasok na si Hesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang espiritu?” Sumagot si Hesus, “Ang ganitong uri ng espiritu ay hindi mapalalayas kundi sa pamamagitan ng panalangin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagsasalita si Kristo nang may walang hanggang kapangyarihan at kumikilos sa kanyang mapagpalang mga gawa. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may pananalig.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan Mo kami sa aming kahinaan.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na magturo ng katotohanan ni Kristo at labanan ang kasamaan sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng daigdig nawa’y isulong ang kabutihan sa kanilang mga gobyerno at maging masigasig sa pagwawaksi ng kasamaan sa kanilang mga lipunan na kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y hindi manghinawa sa ating buhay panalangin upang hindi maghari ang mga masasamang espiritu sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at yaong mga nagdurusa sa bawat uri ng karamdamang pangkaluluwa at pangkatawan nawa’y lumaya mula sa kanilang mahirap at malungkot na kalagayan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y magkaroon ng kasiyahan sa masikat na liwanag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, patuloy mo kaming hilumin sa kasamaan; hayaan mong ang iyong kabutihan ang siyang magliwanag sa amin sa kapangyarihan ni Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagsasapribado ng enerhiya para kanino?

 50,671 total views

 50,671 total views Mga Kapanalig, simula noong pumutok ang giyera sa Middle East, muling nabaling ang atensyon sa mga batas at patakarang sinasabing lalong nagpapahirap sa

Read More »

Lason sa utak ng kabataan

 80,894 total views

 80,894 total views Mga Kapanalig, nailibing na ang tatlong estudyanteng namatay sa malagim na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang high school sa Tacloban. Hustisya pa

Read More »

Suriin ang panawagan ng protesta

 107,545 total views

 107,545 total views Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA?

Read More »

INTELIHENSIYANG POLPOL

 202,518 total views

 202,518 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 220,320 total views

 220,320 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Hulyo 11, 2026

 612 total views

 612 total views Paggunita kay San Benito, abad Isaias 6, 1-8 Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5 Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika. Mateo 10, 24-33

Read More »

Biyernes, Hulyo 10, 2026

 2,521 total views

 2,521 total views Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Oseas 14, 2-10 Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17 Pupurihin ko kailanman

Read More »

Huwebes, Hulyo 9, 2026

 3,911 total views

 3,911 total views Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga

Read More »

Miyerkules, Hulyo 8, 2026

 5,172 total views

 5,172 total views Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Oseas 10, 1-3. 7-8. 12 Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7 Hanapin ang Poon lagi,

Read More »

Martes, Hulyo 7, 2026

 5,994 total views

 5,994 total views Martes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Oseas 8, 4-7. 11-13 Salmo 113 B, 3-4. 5-6. 7ab-8. 9-10 Israel na bayan

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top