300 total reads
Mga Kapanalig, sisimulan na ngayong araw ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (o ICC). Siya ang kauna-unahang dating pinuno ng isang bansa sa Asya na haharap sa paglilitis dahil sa crimes against humanity.
Nahaharap siya sa mga kasong may kaugnayan sa tinawag ng mga hukom ng ICC na malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan. Saklaw nito ang mga pangyayaring naganap noong mayor siya ng Davao City at nang maging pangulo ng bansa. Susuriin ng korte ang 49 na insidente na nagresulta sa pagkamatay ng 76 katao at dalawang tangkang pagpatay. Halimbawa lamang ang mga kasong ito ng lawak ng karahasang naganap sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Sa araw na ito, babasahin ni Judge Joanna Korner ang mga kaso at tatanungin si Duterte kung nauunawaan niya ang mga ito at kung siya ay umaamin o hindi sa mga paratang. Susundan din ito ng mga pambungad na pahayag ng prosekusyon at mga kinatawan ng mga biktima.
Bago nito, naglabas ng paunang ulat ang Philippine Truth and Reconciliation Commission, isang grupong naglalayong alamin ang katotohanan tungkol sa drug war. Ayon sa kanilang ulat, hindi bababa sa 8,000 ang mga pinatay. Karamihan ay mga lalaki. Sa 46 na bangkay na hinukay para suriin, 24 ang may tama ng bala ng baril sa ulo.
Pero hindi lamang mga numero ang mga nasawi. Sa likod ng bawat bilang ay isang taong may sariling buhay, pamilya, at mga pangarap. Marami sa kanila ay mga ama, kapatid, at kaibigan. Hindi naging madali para sa kanilang mga pamilya ang paghahanap ng katarungan. May mga death certificates na nagsasaad na sakit ang sanhi ng pagkamatay gayong may tama ng bala ang mga biktima. May mga pamilyang pinilit ding pumirma sa waiver para hindi na ipa-autopsy ang kanilang kaanak o hindi na magsampa ng kaso kapalit ng mas mabilis na pagkuha sa labi ng kanilang yumao.
Ano kaya ang naramdaman ng mga magulang, asawa, at anak na dumaranas ng ganitong paglapastangan sa kanilang kapamilya?
Kaya marami sa mga pamilyang ito ang kumakapit sa pag-asang maibibigay ng ICC ang katarungang hindi nila matagpuan sa sariling bansa. Ayon sa isang ginang na namatayan ng asawa noong 2016, maliit ang pag-asang makamit ang hustisya sa Pilipinas dahil sa paraan ng pagkilos ng pamahalaan. Sa ICC, naniniwala siyang walang kinikilingan ang mga husgado roon. Dito niya nakikita ang pag-asa.
Kung tutuusin, masuwerte si Duterte dahil ibinibigay sa kanya ang mga bagay na ipinagkait sa marami niyang naging biktima: ang pagkakataong dumaan sa wastong proseso ng batas at ipagtanggol ang sarili.
Ayon kay Pope Leo XIV, “Justice assumes its central role in human coexistence when it safeguards the values that underpin social life.” Mahalaga ang hustisya dahil pinangangalagaan nito ang mga pagpapahalaga o values na nagpapatibay sa ating lipunan. Hinimok din niya ang mga nagpapatakbo ng sistemang pangkatarungan na higit sa pagpapatupad ng batas, isulong din nila ang hustisyang nangangalaga sa dignidad ng tao at nagtataguyod ng pagkakasundo at ng kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, paalala sa atin ng Awit 89:14: “Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.” Ipanalangin natin ang mga paglilitis sa ICC upang makamit ang hustisyang saligan ng kaharian ng Diyos—isang hustisyang hindi ituturing na estatistika lamang ang mga buhay na nawala, isang hustisyang kumikilala sa halaga ng buhay at dignidad ng bawat tao, isang hustisyang pinananagot ang mga nagkasala. Nawa’y maging daan ang paglilitis sa ICC upang makamit ng mga biktima ang hustisyang matagal nang hinihintay.
Sumainyo ang katotohanan.




