Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Huwebes, Agosto 14, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,292 total views

Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir

Josue 3, 7-10a. 11. 13-17
Salmo 113 A, 1-2. 3-4. 5-6

Aleluya.

Mateo 18, 21 – 19, 1

Memorial of St. Maximillian Kolbe, Priest and Martyr (Red)

Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Josue 3, 7-10a. 11. 13-17

Pagbasa mula sa aklat ni Josue

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kay Josue: “Sa araw na ito’y padadakilain kita sa paningin ng buong Israel. Sa ganito makikilala nilang ako’y sumasaiyo, tulad ng ginawa ko kay Moises. Sabihin mo sa mga saserdoteng Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit hihinto pagtuntong ninyo sa tubig.”

At tinawag ni Josue ang mga tao: “Halikayo at pakinggan ninyo ang ipinasasabi ng Panginoon, ang inyong Diyos.” At sinabi niya sa mga tao: “Dito ninyo malalaman na sumasainyo ang Diyos na buhay. Pagdating ninyo roon, lilipulin niya ang mga Cananeo. Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon, ang Panginoon ng sangkalupaan ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. Kapag ang mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan ay tumuntong sa tubig, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar sa hulo.”

Sa pangunguna ng mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampamento ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan, tumigil ang agos sa hulo, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lungsod na nasa tabi ng Sartan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang buong Israel. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga saserdoteng may dala ng Kaban ng Tipan, samantalang tumatawid sa ibayo ang buong bayan; tuyo ang nilalakaran nila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 113 A, 1-2. 3-4. 5-6

Aleluya.

Ang bayang Israel
sa bansang Egipto’y doon inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan ay pawang lumikas;
magmula na noon
ang lupaing Juda’y naging dakong banal,
at yaong Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.

Aleluya.

Ang Dagat ng Tambo,
nang ito’y makita, ay tumakas na rin,
Magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan, noon ay humimpil.
Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.

Aleluya.

Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, wala nang dayuhan?
Ikaw naman, Jordan,
bakit ang tubig mo’y hindi na dumaloy?
Kayong mga bundok,
nanginginig kayong tupa ang kapara,
at ang mga burol,
natakot na parang maliit na tupa?

Aleluya.

ALELUYA
Salmo 118, 135

Aleluya! Aleluya!
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa ‘min.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 18, 21 – 19, 1

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus, “Panginoon, makailan pong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.

“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw — napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayun din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.”

Pagkatapos sabihin ni Hesus ang mga bagay na ito, siya’y umalis sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Manalangin tayo sa Diyos upang makapagdulot ng pakikipagkasundo sa daigdig ang kanyang bayan na nakadama ng kanyang pagpapatawad.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mahabaging hari, padaluyin mo ang iyong pagpapatawad sa amin.

Ang Bayan ng Diyos na pinalaya ng Dugo ni Kristo nawa’y hindi magkahiwa-hiwalay at mamuhay sila sa pagkakaunawaan at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may dinaramdam o sama ng loob bunga ng mga kalupitan at pagkakamaling ginawa sa kanila nawa’y huwag magkimkim ng hinanakit sa kanilang puso bagkus maging bukas sa kapayapaan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nahihirapang magpatawad nawa’y mapagtanto at maunawaan ang mayamang habag ng Diyos sa bawat isa at matutong makapagpatawad mula sa puso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nakadarama ng malalim na sugat ng pisikal at espiritwal na pagkakamali nawa’y makatagpo ng kagalingan sa pagpapatawad ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na namayapa nawa’y patawarin sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, masdan mo nang may habag ang aming mga pagkakamali, iadya mo kami sa katigasan ng puso at tulungan mo kaming maging handang makapagpatawad sa mga tinamo naming mga pasakit, upang mabuklod na muli ang nagkakahiwa-hiwalay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.


Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria

Pagmimisa sa Bisperas

1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

1 Corinto 15, 54b-57
Lucas 11, 27-28

Vigil of the Assumption of the Blessed Virgin Mary (White)

UNANG PAGBASA
1 Cronica 15, 3-4. 15-16; 16, 1-2

Pagbasa mula sa Unang aklat ng mga Cronica

Noong mga araw na iyon, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga saserdote at ang mga Levita.

Pinasan ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga pingga, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Iniutos din David sa mga pinunong Levita na pumili ng mga kasamang marunong umawit at tumugtog ng kudyapi, alpa at pompiyang.

Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David. Naghandog sila ng mga haing susunugin, at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos ang paghahandog, binasbasan ni David ang mga tao sa ngalan ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 131, 6-7. 9-10. 13-14

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

Aming nabalita
na nasa Betlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar naming nasumpungan.
Ang aming sinabi,
“Ang templo ng Poon ay puntahan natin
sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

Ang mga saserdote
bayaang maghayag ng ‘yong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
Sa lingkod mong David,
may pangako ikaw, Panginoon namin,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

Pinili ng Poon,
na maging tahanan ang Lungsod ng Sion.
Ito ang wika niya:
“Doon ako titira panghabang-panahon,
ang paghahari ko’y magmumula roon.”

Bumangon ka, D’yos na banal,
sa tronong Kaban ng Tipan.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 54b-57

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan: ganap na ang tagumpay!”

“Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”

Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo!

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan, at nagpasuso sa inyo! Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Agosto 15
Ang Pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria

Iniakyat ang katawan at kaluluwa sa kaluwalhatian, nagniningning si Maria bilang isang dakilang tanda ng ating walang hanggang hinaharap bilang Simbahan. Bilang mga mananampalatayang patuloy pa ring naglalakbay patungo sa Kaharian ng Langit, ihatid nating kasama ni Maria ang ating mga panalangin sa Diyos na ating Ama.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Pagpalain mo kami sa aming paglalakbay sa buhay, O Panginoon.

Bilang isang Simbahan nawa’y asamin natin ang Muling Pagkabuhay na ipinangako ng ating Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namumuno sa mundo nawa’y maging mga kasangkapan ng kapayapaan sa mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyano nawa’y makatagpo ng pagkakaisa sa paglapit kay Maria, ang abang lingkod na itinaas sa kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makabanaag ng pag-asa sa kaluwalhatian ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga patay nawa’y muling mabuhay kasama ni Kristo at magdiwang na kasama ni Birheng Maria at ng mga santo, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoon ng Langit at lupa, nakakarating sa iyo ang aming mga panalangin sa tulong ng aming niluwalhatiang Ina, ang unang mananampalatayang nakibahagi sa kaluwalhatian ng kanyang matagumpay na Anak na si Jesu-Kristo na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Awa at hustisya

 9,086 total views

 9,086 total views Mga Kapanalig, nagdesisyon na ang International Criminal Court (o ICC) hinggil sa apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na repasuhin ang

Read More »

Hanggang saan aabot ang ₱500 mo?

 48,797 total views

 48,797 total views Mga Kapanalig, bahagi na ng kulturang Pilipino tuwing Pasko ang noche buena. Naghahanda tayo ng espesyal na pagkain—kahit simple lang—para ipagdiwang ang kapanganakan

Read More »

PORK BARREL

 109,502 total views

 109,502 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 121,907 total views

 121,907 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 144,289 total views

 144,289 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 47,098 total views

 47,098 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 47,329 total views

 47,329 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 47,840 total views

 47,840 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 34,684 total views

 34,684 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 34,793 total views

 34,793 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top