Miyerkules, Agosto 13, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,887 total reads

Miyerkules ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

o kaya Paggunita kina San Ponciano, papa, at San Hipolito, pari, mga martir

Deuteronomio 34, 1-12
Salmo 65, 1-3a. 5 at 16-17

Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay!

Mateo 18, 15-20

Wednesday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)

or Optional Memorial of Sts. Pontian, Pope, and Hippolytus, Priests, Martyrs (Red)

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 34, 1-12

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Noong mga araw na iyon, si Moises ay umahon sa Bundok ng Nebo, sa ituktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Doon ipinakita sa kanya ng Panginoon ang buong lupain. Mula sa Galaad hanggang Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa kanluran, ang Negeb at ang kapatagan, samakatwid ay ang kapatagan ng Jerico. Ang lungsod ng mga palaspas, hanggang Zoar. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.”

At si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab, ayon sa salita ng Panginoon. Inilibing siya ng Panginoon sa isang lambak sa Moab sa tapat ng Bet-peor, ngunit ngayo’y walang nakaaalam ng tiyak na lugar. Siya’y sandaa’t dalawampung taon nang mamatay ngunit hindi lumabo ang kanyang paningin. Ni hindi nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel.

Si Josue ay puspos ng kaalaman at kakayahan sa pamamahala pagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang mga kamay nito. At sinunod siya ng mga Israelita. Ginawa nila ang lahat ng utos ng Panginoon. Sa Israel ay wala nang lumitaw na propetang tulad ni Moises na naging tapat at nakakausap nang tuwiran sa Panginoon. Wala ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ng Panginoon sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. Wala ring nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 65, 1-3a. 5 at 16-17

Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.

Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
At purihin ang Diyos na may kagalakan;
wagas na pagpuri sa kanya’y ibigay!
Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga.”

Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.

Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan.
Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
Lapit at makinig, ang nagpaparangal
sa Diyos, at sa inyo’y aking isasaysay
ang kanyang ginawang mga kabutihan.
No’ng ako’y balisa, ako ay dumaing,
dumaing sa Diyos na dapat purihin;
handa kong purihin ng mga awitin.

Ang Diyos ay papurihan!
Ang buhay ko’y kanyang bigay.

ALELUYA
2 Corinto 5, 19

Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 18, 15-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siya sa iyo, ang pagsasama ninyong magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napapanumbalik mo siya sa Ama. Ngunit kung hindi siya makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siya makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyang Hentil o isang publikano.

Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.

Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Sinabi ni Jesus sa atin, “Kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit.” (Mt 18:19) Kaya manalangin tayo ngayon nang sama-sama,

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin nawa kami ng iyong presensya, Panginoon.

Ang mga miyembro ng Simbahan nawa’y maging malapit ang kalooban sa isa’t isa at mamuhay sa kapayapaan at pagkakasunduan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng bansa nawa’y igalang ang karapatan ng bawat tao at iwaksi ang pag-uusig at pananakit, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y makapagsalita ng katotohanan nang may katatagan at pagmamahal, at tanggapin ang anumang pagtatama ng iba nang may kagandahang-loob, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, matatanda, at ang mga nakaratay na sa kanilang tahanan nawa’y makita nila ang kaginhawahan at kasiyahan sa kagandahang-loob ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y maging malinis ang budhi at maihanda sa walang hanggang pakikiisa kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, kapiling namin ang iyong Anak, hinihiling namin na tulungan mo kaming manalig sa kabutihan ng bawat tao at maging mahinahon kami sa isa’t isa tulad ng pagiging mabuti mo sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Homily August 30, 2026

 264 total reads

22nd Sunday in Ordinary Time Cycle A
Jer 20:7-9 Rom 12:1-2 Mt 16:21-27

Sinabi si San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.” Ano ba ang takbo ng mundong ito? Maging makasarili. Ang sarili ay ang sentro. Ang hinahanap ay ang sariling kapakanan lang, ang sariling kasiyahan at kapakinabangan. Kaya nga sinabi ni Jesus sa ating ebanghelyo, “Kung sinumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Ipinagpatuloy pa niya: “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito.” Oo, mamatay sa sarili upang mabuhay sa Diyos. Iyan ang kahulugan ng binyag na tinanggap natin. Dito natin ginagaya si Jesus. Namatay siya at dahil dito nagkaroon siya ng bagong buhay.

Hindi madali na lumangoy tayo laban sa agos ng kalakaran ng mundo. Kaya kailangan natin ng makabagong pananaw. Pati si Pedro, ang apostol na pinili ng Ama na makilala si Jesus na Kristo at Anak ng Diyos, ang apostol na ginawa ni Jesus na bato na mapaninindigan ng simbahan, at taong binigyan ni Jesus ng susi ng langit – siya mismo, si Pedro, ay nadala din ng agos ng mundo. Tama ang pagkilala ni Pedro sa si Jesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos. Narinig natin ito noong nakaraang Linggo. Ngunit noong nagsasalita na si Jesus ng mangyayari sa kanya sa Jerusalem, na doon siya ay dadakpin, papasakitan at papatayin, itinabi siya ni Pedro at pinagsabihan na huwag siyang magsalita ng ganyan. Hindi iyan mangyayari sa kanya. Siya yata ang Kristo. Mali ang pag-unawa ni Pedro sa Kristong darating. Ang Kristong inaasahan ng maraming tao noon ay ang leader na ipadadala ng Diyos upang iligtas sila sa kalaban nila. Ang kaligtasan na kanilang inaasahan ay kaligtasan mula sa mga Romano na umaapi sa kanila. Ang kaligtasan na hinahanap nila ay sapamamagitan ng armed struggle – kapangyarihan ng armas. Diyan lamang nila mapapatalsik ang mga Romano. Iyan ang paraan upang magkaroon ang mga Hudyo ng kanilang sariling kaharian tulad noong panahon ni David. Ang isang galing sa angkan ni David ang mamumuno sa kanila sa ganitong paghihimagsik. Iyan ang Kristong inaasahan nila. Kaya kung si Jesus nga ang Kristo, hindi mangyayari na maaapi siya at siya ay papatayin. Iyan ang pananaw ng mga tao noon. Iyan din ang akala ni Pedro. Kaya siya ay pinagwikaan ni Jesus. Tinawag siyang satanas, na ang ibig sabihin ay manunukso. “Lumayo ka Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Ang pag-iisip ng ganito ay hindi lang kay Pedro o sa mga tao noong panahon. Hanggang ngayon marami pang mga tao, kahit na nga mga Kristiyano, na nag-iisip ng ganito. Wala tayong nakikita na kabutihan sa kahirapan. Inaayawan natin ito. Kaya ayaw nating magdasal araw-araw. Mahirap ito. Ayaw natin magbalik-handog ng ating yaman. Akin naman ito, bakit ko ba ibibigay sa iba? Ayaw nating magsakripisyo para sa iba. Mas gusto nating makatanggap kaysa tayo ang magbigay kahit na sinabi ni Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa ang tumatanggap.

Kaya ano ang dapat nating gawin upang huwag tayo madala ng kalakaran ng mundo? Tatlong salita ang nangingibabaw: TALIKDAN ANG SARILI, PASANIN ANG KRUS, SUMUNOD KAY JESUS.

Talikdan ang sarili. Huwag tayo magpadala sa ating makalamang kagustuhan, lalo na sa hilig sa mga hindi mabuti. Tanggihan ang pang-aakit ng bisyo. Iwasan ang pagiging sakim na ayaw nating mag-share. Huwag lang isipin ang sariling kapakanan. Darating na naman ang halalan – halalan sa barangay sa November. Ang boto kaya natin ay boto para sa ikabubuti ng pangkalahatan o dahil sa may natanggap tayo? Pati na nga sa barangay eleksyon ay may bigayan! Ibiniboto ba natin ang nararapat o ang kamag-anak o kabarkada lang?

Pasanin ang krus. Ang unang krus na pasanin natin ay ang ating responsibilidad sa buhay. Gawin nang maayos ang ating tungkulin bilang tatay, bilang estudyante, bilang kagawad, bilang manggagawa. Ang ating tungkulin ay ang krus na magpapabanal sa atin kung ginagawa natin ang mga ito ng may pag-ibig sa Diyos. Ang krus na ito ang naranasan ni propeta Jeremias sa ating unang pagbasa. Pinagtatawanan siya at kinukutya siya ng kanyang kababayan dahil pinapahayag niya ang Salita ng Diyos na ayaw nilang pakinggan. Nasabi ng propeta sa kanyang sarili: “Lilimutin ko na ang Panginoon at di na sasambitin ang kanyang pangalan.” Ngunit hindi man niya ito magawa dahil sa ang Salita ng Diyos ay parang apoy na lumalagablab sa kanyang dibdib. Hindi niya ito mapigilan. Kaya patuloy siyang nagpapahayag. Ginampanan niya ang kanyang pagiging propeta. Binuhat niya ang kanyang krus.

Ang isang krus na dapat din nating buhatin ay ang krus ng pagsasabuhay ng panawagan ng ating pananampalataya. Isang panawagan ng pananampalataya sa atin ngayon ay ang pagpapahalaga at pangangalaga ng ating kapaligiran. Ramdam na ramdam na natin ngayon ang pagbabago ng klima. Talagang umiinit na ang panahon. Nasa El Nino na naman tayo. Sa ibang mga bansa marami ang mga kagubatan na nasusunog at kasama na rito ay ang kanilang mga lungsod . Dito na atin, dumadami na rin ang baha. Epekto din ito ng El Nino. Tumataas na din ang lebel ng tubig dagat. Ito ay dala ng kagagawan ng tao na ang hinahanap lang ay ang pera tulad ng mga pagmimina at mga reclamation projects. Isulong po natin ang panawagan ng pangangalaga sa kalikasan lalo na ngayong darating na buwan ng Season of Creation, ang buwan ng Setyembre. Huwag tayo basta bastang magtapon ng plastic. Iwasan ang plastic sa ating pamimili. Simpleng bagay lang pero makakatulong tayo na pangalagaan ang kalikasan.

Sumunod kay Jesus. Ang layunin ng buhay Kristiyano ay maging tulad ni Jesus. Ilang beses nanawagan sa atin si Jesus na tularan natin siya. Tularan natin si Jesus, ang anak ng Diyos na naging tao, upang makapamuhay tayo na mga tunay na anak ng Diyos. Kunin natin ang kanyang ugali. Mapasaatin ang kanyang pananaw. Pagkaabalahan natin ang pagtatayo ng paghahari ng Diyos sa mundo na walang iba kundi ang paghahari ng pag-iibigan, ng katarungan, nga pagkakaisa sa ating mga tahanan, sa ating simbahan, sa ating kriska at sa ating sambayanan.

TALIKDAN ANG SARILI, PASANIN ANG ATING KRUS, SUMUNOD KAY KRISTO. Ito ang panawagan sa atin ngayon upang sa panahon ng pagdating muli ni Jesus kasama ng kanyang mga anghel, magagantimpalaan tayo ayon sa ating ginawa. Huwag tayong umayon sa mundong ito. Sa halip, gawin natin ang kalooban ng Diyos.

PAANO MAIWASAN ANG SCHOOL VIOLENCE?

 30,276 total reads

Kapanalig, ang nangyayaring school violence sa ating bansa ay hindi matutugunan ng isang simpleng paghihigpit sa seguridad sa mga paaralan. Hindi rin sagot ang live shooting drill sa mga school campus ng Department of Education.

Hindi rin lubos na epektibo, pero makakatulong din ang pagba-ban sa mga estudyante sa paggamit ng anumang gadget online sa loob ng silid-aralan.

Sa kanyang liham sirkular, iginiit ni Jose Cardinal Advincula, arsobispo ng Archdiocese of Maynila, na patatagin ang “culture of care, compassion, dialogue at accompaniment” upang ang karahasan at galit ay hindi mananaig sa loob at labas ng mga paaralan.

Para sa Kardinal, hindi dapat matapos sa pakikiisa at pakikiramay sa mga biktima ang pagtugon sa tuwing may nangyayaring school violence, kundi dapat itong humantong sa mas malalim na pag-unawa sa mga pinagdaraanan ng kabataan.

Kapanalig, marapat lamang na “We need to listen to them, not only when they speak loudly, but especially when they suffer quietly,”. Pakinggan at alamin ang kalagayan ng mga mag-aaral.

Sa isang pag-aaral ng mga Filipino researchers na inilathala ng Cambridge University Press, mas tumaas ang bilang ng mga kabataang nakararanas ng suliranin sa mental health, o isa sa bawat limang kabataang edad 15 hanggang 24 ang nakararanas ng moderate to severe depression.

Paano mapipigilan ang karahasan sa mga paaralan? Nararapat magtulungan ang mga magulang, guro at mga nangangasiwa sa paaralan na lumikha ng isang positibong school environment.

Purihin at kilalanin ang mga kabataan o mag-aaral sa kanilang magandang ugali o pag-aasal., sa kanilang mga achievements.

Maging mapagmatyag sa anumang senyales ng mararahas na pag-uugali ng bata, pakinggan at alamin ang kanilang kagalayan.

Sa mga magulang, laging ipakita at ipadama sa anak ang pagmamahal at pagtitiwala. Lagi kang nandoon sa oras na kailangan ka niya.

Kilalanin ang circle of friend’s ng iyong anak, ipaunawa at himukin ang anak na humingi ng mental health support kapag siya o sinuman sa kanyang mga kaibigan ay nahaharap sa problema.

May kasabihan Kapanalig, “it takes a village to raise a child”., sa paghubog ng isang mabubuti bata, bukod sa tahanan., kailangan niya makisangkot sa mga gawain sa pamayanan, sumali sa gawain sa paaralan, school safety programs. Kailangan ng bata na maramdaman na siya ay kabilang.

Kapanalig, mahalaga din sa isang bata o estudyante na maging bahagi ng extra-curricular activities sa mga paaralan, upang mapapalalim ang ugnayan at relasyon sa kapwa estudyante. Kailangang maramdaman ng bata na siya ay kabilang, siya ay mahalaga at mayroon siyang “safe space” sa paaralan at tahanan.

Sumainyo ang Katotohanan.

BASBAS NI NANAY

 5,976 total reads

Homiliya para sa araw ng paggunita sa kapistahan ni Santa Monica, ina ni San Agustin, 27 ng Agosto 2026, 1 Cor 1,1-9; Mateo 24:42-51.

Parang pinili talaga ang mga pagbasa natin para sa araw na ito ng paggunita kay Santa Monica, nanay ni San Agustin. Pero bago ko sabihin kung bakit, gusto ko munang ibahagi sa inyo iyung panaginip ko kagabi. Napanaginipan ko ang nanay ko.

Sa panaginip ko, binuksan ko daw ang gripo para maghilamos. Pero nagulat ako dahil ang lumabas na tubig sa gripo ay madumi. Hindi lang madumi, bulok at maitim na tubig at may kasama pang mga uod na—pagbagsak sa lababo, gumagapang kung saan-saan. Kaya napasigaw ako. Noon daw biglang dumating ang nanay ko at nagtanong, Bakit? Anong nangyari? Lumingon ako. Nakita ko siya, nakangiti. Inabot ko ang kamay niya at nagmano ako—“Mano po, ‘Nay.” Sabi niya, “Kaawaan ka ng Diyos.” Sabi ko, “Tingnan mo, Nay, grabe, ang dumi ng tubig na lumalabas sa gripo. May mga uod pa nga! Pero pagtingin kong muli sa gripo, ang dumadaloy na tubig ay malinis na! Wala na kahit tilamsik ng maduming tubig na una kong nakita, at wala na ring mga uod. Paglingon kong muli, wala na si nanay. Doon natapos ang panaginip.

Ewan ko kung ano kaya ang interpretasyon ng panaginip kong iyon. Pero siguro tinyempuhan ng nanay ko yung araw ng kapistahan ng isang nanay—si Santa Monica, na talagang gumawa ng lahat ng paraan upang mapalapit ang anak niyang si San Agustin sa Panginoong HesuKristo.

Kaya ang basa ko doon sa last paragraph ng ating first reading mula sa introduction ng unang sulat ni San Pablo sa mga taga-Korinto, parang mga salita na personal na ina-address ni Santa Monica sa anak niyang si San Agustin. Siyempre ang mga taga-Korinto ang kausap ni San Pablo kaya ina-address sila bilang KAYO (second person plural). Palitan natin ang second person plural ni St. Paul, gawin nating second person singular. At pakinggan natin na parang ang nagsasabi ay si Santa Monica kay San Agustin:

“Alam mo, lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa iyo sa pamamagitan ng iyong pakikipagkaisa kay Kristo Hesus. Dahil sa iyong pakikipagkaisa sa kanya, pinaunlad ka ng Diyos sa lahat ng bagay, sa pananalita at karunungan. Dahil dito, napatunayan sa iyo na ang mga itinuro ko tungkol kay HesuKristo ay totoo. Kaya hindi ka kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay mo ang pagbabalik ng ating Panginoong HesuKristo. Sana’y panatilihin ka niyang matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang ikaw ay maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. Tapat ang Diyos na tumawag sa iyo na makipagkaisa sa kanyang Anak na si HesuKristo na ating Panginoon.”

Ang ganda, di ba? Parang akmang-akma sa kapistahan ni Santa Monica, at sa lahat ng hinangad niya para sa anak niyang si Agustin, na sa kalaunan—dahil sa marubdob na panalangin niya ay dumanas ng conversion experience. Hindi lang siya na-convert dahil sa paggabay sa kanya ni San Ambrosio ng Milan at nabinyagan. Naordinahan siya sa pagkapari at naging obispo siya ng bayan ng Hippo.
Ewan ko kung anong pinagdasal ng nanay ko para sa akin. Ang alam ko lang, noong seminarista pa ako, proud na proud siya na magkaroon ng anak noon na nagpapari—na kung minsan kina-iirita ko naman. Kasi kapag bakasyon at nasa bahay ako, gusto niya pag magsimba siya, sasabayan ko pa siya ng lakad papunta sa simbahan. Pero nagkaroon ng punto na dahil sa pagka-irita, ayaw ko nang siyang sabayan.

I remember, minsan ginigising niya ako para magsimba. Sabi ko, “Inaantok pa ako, Nay. Ikaw na lang.”. Hinayaan naman niya ako at hindi nangulit. Di niya alam, habang nagbibihis siya, tumayo ako at nagbihis nang mabilis. Tumakbo ako at inunahan ko pa siya sa simbahan. Dumiretso ako sa sacristy at nagserve pa ako sa Misa. Pagdating niya sa simbahan at pagtingin sa altar, nagulat na lang siya at napangiti. Nakuha niya yung punto. Parang ang message ko sa kanya ay, “Nay, hindi naman ako magsisimba dahil sa’yo. Magsisimba ako kasi gusto ko rin talagang magsimba. So hindi mo ko kailangang kulitin.” Palagay ko naintindihan ‘yun ng nanay ko, dahil mula noon hindi na niya ako kinulit.

Sa tingin ko, parang ganyan din ang naging relasyon ni San Agustin sa nanay niya. Medyo may kakulitan din kasi si Santa Monica. Nagpursigi siya talaga para mailapit ang anak niya sa Panginoong HesuKristo, at hindi naman siya nabigo. Pero alam din ni Santa Monica kung kailan pwede na siyang tumabi. Kasi ang Panginoon na mismo ang kumikilos para dumaloy talaga ang kanyang grasya sa anak niya, na noong una’y nasasanay na sa maduming klase ng pamumuhay.

Ayun. Yun siguro ang interpretasyon ng aking panaginip. Noong una, maduming tubig ang dumadaloy. Sa kalaunan, luminis ito. Lumingon kasi ako at nagmano, humingi ng basbas sa kanya. At dumaloy nga ang grasya mula nang maipakilala niya sa akin si HesuKristo, ang bukal ng buhay na walang hangan.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PAANO MAIWASAN ANG SCHOOL VIOLENCE?

 30,277 total reads

 30,277 total reads Kapanalig, ang nangyayaring school violence sa ating bansa ay hindi matutugunan ng isang simpleng paghihigpit sa seguridad sa mga paaralan. Hindi rin sagot

Read More »

Halimbawa sa taumbayan

 115,259 total reads

 115,259 total reads Mga Kapanalig, kinansela ni Vice President Sara Duterte ang halos isang linggo niyang biyahe sa Japan.  Hindi ito dahil tutulong siya sa pagtugon

Read More »

Protektahan ang mga bata

 152,632 total reads

 152,632 total reads Mga Kapanalig, taos-puso tayong nakikiramay sa mga estudyante, guro, at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng malagim na pamamaril

Read More »

1,2,3 kanya-kanya na!

 183,891 total reads

 183,891 total reads Mga Kapanalig, kumusta kayo nitong mga nakaraang linggo na naging grabe ang pag-ulan?  Noong Agosto 17 lamang, umabot sa 201.7 millimeters ang ulan

Read More »

NEW NORMAL

 255,449 total reads

 255,449 total reads Kapanalig, sa nakalipas na dalawang lingo sa buwan ng Agosto 206., ating nasaksihan, ating naranasan kung paano naging “waterworld” ang maraming bahagi ng

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 1, 2026

 503 total reads

 503 total reads Martes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Corinto 2, 10b-16 Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab. 13kd-14 Mat’wid ang Poong dakila sa

Read More »

Lunes, Agosto 31, 2026

 1,974 total reads

 1,974 total reads Lunes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Corinto 2, 1-5 Salmo 118, 97. 98. 99. 100. 101. 102 Iniibig ko nang

Read More »

Linggo, Agosto 30, 2026

 3,488 total reads

 3,488 total reads Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Jeremias 20, 7-9 Salmo 62, 2. 3-4. 5-6. 8-9 Aking kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang. Roma 12, 1-2

Read More »

Sabado, Agosto 29, 2026

 4,616 total reads

 4,616 total reads Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, Martir Jeremias 1, 17-19 Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17 Patuloy kong isasaysay

Read More »

Biyernes, Agosto 28, 2026

 5,340 total reads

 5,340 total reads Paggunita kay San Agustin, obispo at pantas ng Simbahan 1 Corinto 1, 17-25 Salmo 32, 1-2. 4-5. 10ab-11 Awa’t pag-ibig ng Diyos sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top