4,345 total views
Huwebes ng Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Colosas 3, 12-17
Salmo 150, 1-2. 3-4. 5-6
Kayong lahat na may buhay,
papurihan ang Maykapal.
Lucas 6, 27-38
Thursday of the Twenty-third Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Colosas 3, 12-17
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid, kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kriso ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at ang mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 150, 1-2. 3-4. 5-6
Kayong lahat na may buhay,
papurihan ang Maykapal.
Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
purihin sa langit ang lakas na taglay;
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
Siya ay purihin, sapagkat dakila.
Kayong lahat na may buhay,
papurihan ang Maykapal.
Purihin sa tugtog ng mga trompeta,
awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
mga alpa’t plauta, lahat ay tugtugin!
Kayong lahat na may buhay,
papurihan ang Maykapal.
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
sa lakas ng tugtog siya’y papurihan;
purihin ang Poon ng mga nilalang!
Kayong lahat na may buhay,
papurihan ang Maykapal.
ALELUYA
1 Juan 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Sa pagmamahalan natin
ang D’yos ay ating kapiling.
pag-ibig n’ya’y lulubusin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 6, 27-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo, mga nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, idalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inaagaw ang iyong balabal, ibigay mo pati ang iyong baro. Bigyan mo ang bawat nanghihingi sa iyo: at kung may kumuha sa iyong ari-arian ay huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.
“Kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. At kung ang gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito! Kung ang pahihiramin lamang ninyo ay ang mga taong inaasahan ninyong makababayad sa inyo, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram din sa mga makasalanan sa pag-asang ang mga ito’y makababayad! Sa halip, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at gawan ninyo sila ng mabuti. Magpahiram kayo, na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayun, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo’y magiging mga anak ng Kataas-taasan. Sapagkat siya’y mabuti sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama.”
“Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Bumaling tayo sa Diyos Ama para sa tulong na ating kinakailangan upang sundin ang halimbawa ni Jesus na nagsasabi sa ating mahalin ang ating mga kaaway.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng pag-ibig, bigyan mo kami ng lakas.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magbigay saksi sa kanyang sambayanan sa pamamaraan ng pagpapatawad, pag-ibig, at kapatawaran upang masalamin ang kabanalan ng Diyos sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong may galit at pait sa kanilang kapwa nawa’y mapagtanto na naghihiwalay lamang sa kanila sa Diyos ang pagsunod sa kanilang hinananakit at suklam, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilyang pinaghiwalay at nahati dahil sa kanilang kawalang-bahala sa isa’t isa nawa’y mapanumbalik ang dating pagkakasundo at alab ng samahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y magkaroon ng kapayapaan ng isip na lumalago sa pagpapahalaga nila sa kanilang natatanging bahagi ng pakikiisa kay Kristo sa kanyang pagpapakasakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makibahagi sa kapayapaan at kaligayahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, alam mo kung ano ang mabuti para sa amin. Tanggalin mo nawa sa aming mga puso ang mga hinanakit at basbasan mo ang aming pagsusumikap na mahalin ang lahat ng aming kapwa. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.