Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LINGGO, MARSO 26, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,647 total views

Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A)

Ezekiel 37,12-14
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8

Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.

Roma 8, 8-11
Juan 11, 1-45
o kaya Juan 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45

Fifth Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 12-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos: “Magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8

Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.

Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon,
Panginoon, ako’y dinggin pagkat ako’y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong.

Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.

Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa ‘yo ay matakot.

Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.

Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon ay higit pa,
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos,
ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

Sa piling ng Poong Diyos
may pag-ibig at pagtubos.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 8-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:

Ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo si Kristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 11, 25a at 26

Pagkabuhay ako’t buhay,
nabubuhay na sinumang
ako’y pinananaligan
ay di magpapanaigan
ng kamatayan kailanman.

MABUTING BALITA
Juan 11, 1-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, may isang tao na ang ngala’y Lazaro. Nakatira ito sa Betania, kasama ng kanyang mga kapatid na sina Maria at Marta. Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang mga buhok sa mga paa ng Panginoon. Nagkasakit si Lazaro, kaya’t nagpasabi kay Hesus ang magkapatid, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” “Rabi,” sagot ng mga alagad, “hindi po ba’t kamakailan lamang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio? Bakit kayo pupunta na naman doon?” Sinabi ni Hesus, “Hindi ba may labindalawang oras sa maghapon? Hindi natitisod ang lumalakad kung araw, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito; natitisod ang lumalakad kung gabi, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.” Idinugtong pa ni Hesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Paroroon ako upang gisingin siya.” “Panginoon, kung gayun po’y gagaling siya,” tugon ng mga alagad. Ang pagkamatay ni Lazaro ang tinutukoy ni Hesus, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog ang tinutukoy nya. Dahil dito’y maliwanag na sinabi ni Hesus, “Patay na si Lazaro; ngunit dahil sa inyo, ako’y nagagalak na wala ako roon – upang kayo’y manalig sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.” Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagyaya sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, kahit sa kamatayan.”

Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro ang layo ng Jerusalem sa Betania, at marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin.

Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”

Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag si Maria at pabulong na sinabi, “Naririto na ang Guro, ipinatatawag ka.” Pagkarinig nito, nagmamadaling tumayo si Maria at sinalubong si Hesus. Hindi pa nakararating si Hesus sa nayon; naroon pa siya sa dakong kinasalubungan ng kanya ni Marta. Sinundan si Maria ng mga Judiong umaalis sa kanya nang siya’y nagmamadaling tumindig at lumabas. Akala nila’y pupunta siya sa libingan upang manangis.

Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Hesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. “Panginoon,” wika niya, “kung narito po lamang kayo, hindi na sana namatay ang aking kapatid.” Nahambal si Hesus nang makitang tumatangis si Maria, pati ng mga Judiong kasama niya, at siya’y napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa inyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.”

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Juan 11, 3-7. 17. 20-27. 33b-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nagpasabi kay Hesus ang mga kapatid na babae ni Lazaro, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”

Si Hesus ay napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa inyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.”

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-5 Linggo ng Kuwaresma

Nananalig sa nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Panginoon, lumapit tayo sa Kanya at idulog natin ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan natin at ng sangkatauhan. Maging tugon natin ay:

Panginoon ng Buhay, dinggin Mo kami!

Nawa ang Simbahan, ang Katawan ni Kristo, ay manatiling laging buhay sa pamamalagi ng Espiritu at magpagaling sa maraming sugat na likha ng ating pagkakasala. Manalangin tayo!

Nawa ang ating Santo Papa at mga pinunong espirituwal ay magamit ng Espiritu, gaya ng propetang Ezekiel, sa pagpapanumbalik ng buhay sa mga pamayanan at institusyong binabagabag ng mga iringan at pagkakahati-hati. Manalangin tayo!

Nawa ang mga mag-asawang nagdaraan sa mahigpit na krisis ay makatagpo sa kanilang pananampalataya ng lakas na lumimot sa mga hinanakit at magpanibagong simula sa kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Manalangin tayo!

Nawa ang mga nakalibing sa pagkakasala ay makatagpo kay Hesus at sa kanilang pamayanang Kristiyano ng tulong na kailangan nila para magsimulang mamuhay alinsunod sa Ebanghelyo. Manalangin tayo!

Nawa ang mga nahihirapan sa kanilang mga mapaniil na kapaligiran ay makahango ng inspirasyon at lakas ng loob sa mga Pagbasa para ngayon. Manalangin tayo!

Tahimik nating idalangin ang ating mga kahilingang pansarili. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, dumudulog kami sa Iyo nang sugatan sa dati naming pagkatalo ngunit matibay na nananalig sa Iyo. Gawin Mo sa amin ang kamanghaang ipinamalas Mo sa lambak ng mga kalansay at sa libingan ni Lazaro. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman! Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

kabaliwan

 1,229 total views

 1,229 total views Ito ang taguri ng Obispo ng Kalookan sa mga ahensiya ng gobyerno na kunwaring nababahala sa iligal na offshore gambling… ginagawa namang legal

Read More »

Magkaayos Kaysa Maghiwalay

 17,318 total views

 17,318 total views Sa pagsisimula ng 20th Congress, muli na namang isinulong sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang divorce bill. Kailangan ba talaga

Read More »

Dagdag nga ba o bitin pa rin?

 55,131 total views

 55,131 total views Mga Kapanalig, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (o DOLE) na magkakaroon ng dagdag na ₱50 sa arawang minimum wage sa Metro

Read More »

Ka-tiwala, hindi ka-tiwali

 66,082 total views

 66,082 total views Mga Kapanalig, noong nakaraang Lunes ay nagsimula na ang termino ng mga nanalo sa nakaraang eleksyon. Maraming mga opisyal—mula sa mga senador hanggang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Hulyo 13, 2025

 245 total views

 245 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Deuteronomio 30, 10-14 Salmo 68, 14 at 17. 30-31. 33-34. 36ab at 37 Dumulog tayo sa Diyos

Read More »

Sabado, Hulyo 12, 2025

 877 total views

 877 total views Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Genesis 49, 29-32; 50, 15-26a

Read More »

Biyernes, Hulyo 11, 2025

 1,504 total views

 1,504 total views Paggunita kay San Benito, abad Genesis 46, 1-7. 28-30 Salmo 36, 3-4. 18-19. 27-28. 39-40 Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at

Read More »

Huwebes, Hulyo 10, 2025

 2,117 total views

 2,117 total views Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Genesis 44, 18-21. 23b-29; 45, 1-5 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod

Read More »

Miyerkules, Hulyo 9, 2025

 2,454 total views

 2,454 total views Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top