778 total views
Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Malakias 3, 19-20a
Salmo 97, 5-6. 7-8. 9a. 9bk
Poong Hukom ay darating,
taglay katarungan natin.
2 Tesalonica 3, 7-12
Lucas 21, 5-19
Thirty-third Week of Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 19-20a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
“Tandaan ninyo, darating ang araw na lilipulin ko ang mga palalo at masasama. Sa araw na yaon, matutupok silang gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ng Panginoon. “Ngunit kayo na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyo, gaya ng sinag ng araw.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 5-6. 7-8. 9a. 9bk
Poong Hukom ay darating,
taglay katarungan natin.
Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
ang Panginoo’y purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magbunyi tayo sa harap ng Panginoong s’yang Hari.
Poong Hukom ay darating,
taglay katarungan natin.
Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
Poong Hukom ay darating,
taglay katarungan natin.
Sa harap ng Panginoon masaya tayong umawit,
pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig.
Poong Hukom ay darating,
taglay katarungan natin.
Panginoo’y s’yang huhukom, tanan sa kanya’y lalapit,
taglay niya’y katarungan at paghatol na matuwid.
Poong Hukom ay darating,
taglay katarungan natin.
IKALAWANG PAGBASA
2 Tesalonica 3, 7-12
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica
Mga kapatid, alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami nahiyang magtrabaho nang kami’y nariyan pa. Hindi kami tumanggap ng anumang bagay kaninuman nang hindi namin binabayaran. Nagpagal kami araw-gabi upang hindi maging pasanin ng sinuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatang maghintay ng inyong tulong kundi upang kayo’y bigyan ng halimbawang dapat sundan. Nang kasama pa ninyo kami, ito ang tagubiling ibinigay namin sa inyo: “Huwag ninyong pakanin ang sinumang ayaw gumawa.”
Binanggit namin ito sapagkat nabalitaan naming may ilan sa inyo na ayaw magtrabaho at walang inaatupag kundi manghimasok sa buhay ng may buhay. Sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, mahigpit naming ipinagtatagubilin sa mga taong ito na sila’y maghanapbuhay at mamuhay nang maayos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Lucas 21, 28
Aleluya! Aleluya!
Naririto, malapit na
ang kaligtasang pag-asa
upang ating matamasa.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 5-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilan sa mga tao ang templo – ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.”
Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?”
Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesiyas!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.
“Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PAGNINILAY
“Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.” (Lucas 21, 5-19)
Napakalungkot na pangitaain ang nasaad sa ating Ebanghelyo ngayon. Ang paglindol, pananalasa ng bagyo at pagsabog ng bulkan ay ilan lamang sa mga sakuna na naranasan ng aming pamilya. Akala ko katapusan na at mamamatay kaming buong pamilya. Nakakapag-alala, nakakabahala ang mga pangyayari. Paano na ang aking mga mahal sa buhay?
Ano ang pwede kong gawin sa harap ng sakuna? Magtiwala lang sa Panginoon! Manalig sa kanyang pamamaraan at ibibigay niya ang nararapat. Wala ka namang ibang magagawa sa ganitong pagkakataon kung hindi ang magdasal sapagkat si Jesus ay nasa atin. Siya ay nasa piling natin.
Sa ganitong pagkakataon tanging ang pananalig sa Diyos ang magbibigay sa atin ng lakas para makatayo at harapin ang mga pinakamalalang pangyayari sa ating buhay.
Sa bawat sakuna, maniwala tayong mga sumasapalataya kay Jesus na darating ang kaligtasan at maihahango Niya tayo sa hinagpis. Nakalahad ang kanyang mga palad para sa tulong na kaloob ng Diyos.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sa papalapit na pagtatapos ng taong liturhiko habang tayo’y namumuhay sa masalimuot nating mundo, idulog natin sa Panginoon ang ating mga kahilingan para sa lahat nating mga mahal sa buhay. Tugon natin ay:
Panginoon, pangalagaan Mo kami!
Para sa Simbahang Panlahat, na ating Ina at Guro: Nawa siya’y maging tanda ng pag-asa’t pagkakaisa para sa lahat ng bansa. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, at kura paroko: Nawa patnubayan nila ang bayan ng Diyos sa kanilang pagiging inspirasyon sa kanilang kabanalan, karunungan, at lakas ng loob. Manalangin tayo!
Para sa mga pinuno nating pambayan at pampamahalaan: Paghandaan nawa nila ang araw ng pagtutuos sa pamamagitan ng paglilingkod nang buong katapatan. Manalangin tayo!
Para sa mga biktima ng terorismo sa lahat ng panig ng mundo: Nawa tanggapin sila ng Panginoon sa Kanyang kapayapaan at pagkalooban ng kasiyahan at lakas ang kanilang mga mahal sa buhay. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan, lalo na sa mga may mahirap na pinagdadaanan: Nawa, sa ating pakikiisa, matagpuan nila ang tulong at kaginhawaang hanap nila. Manalangin tayo! B.
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumahimik sandali.) Manalangin tayo!
Panginoong Diyos, payapain Mo ang aming mga puso. Pagkalooban Mo kami ng biyayang maging laging handang tumanggap sa Iyo sa pamamagitan ng tapat at malugod na pagtupad sa aming mga tungkulin. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!