Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Pebrero 15, 2026

SHARE THE TRUTH

 113 total views

Ika-6 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Sirak 15, 16-21
Salmo 118, 1-2. 4-5. 17-18. 33-34

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

1 Corinto 2, 6-10
Mateo 5, 17-37

Sixth Sunday in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Sirak 15, 16-21

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Kung gusto mo, masusunod mo ang utos ng Panginoon,
Ikaw ang magpapasiya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi.
Naglagay siya sa harapan mo ng tubig at ng apoy,
kunin mo ang iyong maibigan.
Makapipili ka ng alinman sa dalawa: buhay o kamatayan,
ang iyong mapili ang siya mong tutunguhan.
Dakila ang Karunungan at kapangyarihan ng Panginoon
nakikita niya ang lahat ng bagay.
Nalalaman niya ang lahat ng ginagawa ng bawat tao,
at kinakalinga niya ang mga may takot sa kanya.
Kailanma’y wala siya inutusang magpakasama,
O pinahintulutang magkasala.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1-2. 4-5. 17-18. 33-34

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos,
upang aming talimahin at sundin nang buong lugod,
gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin ng buong ingat.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Itong iyong abang lingkod, O Diyos, sana’y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

Ituro mo, Panginoon, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako’y nabubuhay.
Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod,
buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod.

Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 2, 6-10

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Sa mga may sapat na gulang sa pamumuhay espiritwal, karunungan ang ipinangangaral namin, subalit hindi karunungan ng sanlibutang ito o ng mga tagapamahala sa ngayon na nakatakdang malipol. Ang tinutukoy ko ay ang panukala ng Diyos, na nalihim sa tao; itinalaga niya ito para sa ating ikadarakila, bago likhain ang sanlibutan. Isa man sa mga tagapamahala sa kapanahunang ito’y walang nakaunawa sa panukalang iyon. Sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan,
“Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga,
hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao,
ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya.”

Subalit ito’y inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.

Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.

“Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.

“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo sa tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

“Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisita sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-6 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Ipinapakita sa atin ng Salita ng Diyos ang kahalagahan at mahigpit na tuntunin ng Kautusan. Hilingin natin ang tulong ng Panginoon na ito’y sundin natin. Manalangin tayo:

Panginoon, gawin Mo kaming tapat sa iyong Kautusan.

Para sa buong Simbahan: nawa’y patnubayan nito ang lahat na pahalagahan at isabuhay ang mga aral ng Kautusan. Manalangin tayo.

Panginoon, gawin Mo kaming tapat sa iyong Kautusan.

Para sa Santo Papa, mga Obispo, at pari: nawa’y malinaw nilang maituro at isabuhay ang aral ng Kautusan ng Diyos. Manalangin tayo.

Panginoon, gawin Mo kaming tapat sa iyong Kautusan.

Para sa mga pinuno ng ating bansa: nawa’y makagawa at makapagpatupad sila ng mga batas ayon sa aral ng Kautusang moral ng Diyos. Manalangin tayo.

Panginoon, gawin Mo kaming tapat sa iyong Kautusan.

Para sa ating mga katekista, guro, at mga vloggers at media practitioners: nawa’y patuloy nilang isabuhay at itaguyod ang kanilang mahalagang misyon sa moral na paghubog ng bagong henerasyon. Manalangin tayo.

Panginoon, gawin Mo kaming tapat sa iyong Kautusan.

Diyos Ama namin, salamat sa pagkakaloob Mo kay Hesus bilang aming guro at huwaran. Ipagkaloob nawa sa amin ng Banal na Espiritu ang lakas upang isabuhay ang mga aral na aming natutunan. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Epal no more

 32,936 total views

 32,936 total views Mga Kapanalig, may tatanggalin na sa gobyerno—ang mga epal! Ito ay matapos maglabas ang Department of the Interior and Local Government (o DILG)

Read More »

Krisis sa pangingisda

 56,462 total views

 56,462 total views Mga Kapanalig, may krisis na kinakaharap ang sektor ng pangingisda sa bansa.  Taun-taon, tinatayang 45 milyong kilong isda ang nawawala sa ating karagatan.

Read More »

Disiplina sa Kongreso

 74,189 total views

 74,189 total views Mga Kapanalig, sa botong 238 na pabor, 10 na tutol, at 9 na abstain, nagpasyang muli ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na suspendihin

Read More »

ISANG MILYONG PISO KADA ARAW

 151,169 total views

 151,169 total views Kapanalig, ang masakit na katotohanan… ang isang karaniwang manggagawa sa National Capital Region (NCR) ay sumasahod lamang ng 695-pesos kada araw at mababa

Read More »

BAD ECONOMICS

 172,072 total views

 172,072 total views Kapanalig, (9) na taon ng patuloy sa pagbagsak ang ekonomiya ng Pilipinas. Kapag bagsak ang ekonomiya, dumarami ang naghihikahos na mga Pilipino, maraming

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Pebrero 14, 2026

 754 total views

 754 total views Paggunita kina San Cirilo, monghe, at San Metodio, obispo 1 Hari 12, 26-32; 13, 33-34 Salmo 105, 6-7a. 19-20. 21-22 Panginoong masintahin, ang

Read More »

Biyernes, Pebrero 13, 2026

 1,571 total views

 1,571 total views Biyernes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 11, 29-32; 12, 19 Salmo 80, 10-11ab. 12-13. 14-15 Tinig ko’y iyong pakinggan,

Read More »

Huwebes, Pebrero 12, 2026

 2,281 total views

 2,281 total views Huwebes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 11, 4-13 Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40 Panginoong masintahin, ang bayan

Read More »

Miyerkules, Pebrero 11, 2026

 3,251 total views

 3,251 total views Miyerkules ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 1 Hari 10, 1-10 Salmo 36, 5-6. 30-31. 39-40 Madiwa kapag nangusap ang mga mat’wid

Read More »

Martes, Pebrero 10, 2026

 3,936 total views

 3,936 total views Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga 1 Hari 8, 22-23. 27-30 Salmo 83, 3. 4. 5 at 10. 11 Ang templo mo’y aking mahal,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top