3,168 total views
Lunes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mga Unang Martir ng Banal na Sambayanan ng Diyos sa Roma
Genesis 18, 16-33
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 10-11
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Mateo 8, 18-22
Monday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (White)
or Optional Memorial of the First Martyrs of the Holy Roman Church (Red)
UNANG PAGBASA
Genesis 18, 16-33
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Nang umalis ang tatlong lalaki, inihatid sila ni Abraham sa labasan. Umahon sila sa isang dako na natatanaw ang Sodoma. Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, yamang pinili ko siyang maging ama ng isang makapangyarihang bansa. Lahat ng lahi sa daigdig ay pagpapalain ko sa pamamagitan niya. Pinili ko siya upang ipasunod niya sa kanyang lahi ang aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa nang matuwid at pagpapairal ng katarungan. Sa gayo’y matutupad ko ang aking pangako sa kanya.”
Kaya’t sinabi pa ng Panginoon, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Paroroon ako at aalamin ko kung ito’y totoo.”
Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit nanatili ang Panginoon sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, may kasalanan man o wala? Sakaling may limampung matuwid sa lungsod, wawasakin po ba ninyo iyon? Hindi ba ninyo patatawarin ang lungsod dahil sa limampung iyon? Naniniwala akong hindi idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at mabuti. Hindi ito mangyayari! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”
At tumugon ang Panginoon, “Hindi ko ipahahamak ang lungsod dahil sa limampung matuwid.”
“Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, pagkat alabok lamang ako. Kung wala pong limampu, at apatnapu’t lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lungsod?”
“Hindi, hindi ko wawasakin dahil sa apatnapu’t limang iyon,” tugon ng Panginoon.
Nagtanong na muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?”
“Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.
“Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang taong matuwid doon, hindi rin ninyo wawasakin?”
Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa tatlumpung iyon.”
Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu lamang ang matuwid na naroon?”
“Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa dalawampung iyon,” muling tugon sa kanya.
Sa katapusa’y sinabi ni Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon?
“Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa sampung iyon,” tugon ng Panginoon. Pagkasabi nito, umalis na siya at umuwi naman si Abraham.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 10-11
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang makapal na tao sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga kasama na maghandang tumawid sa ibayo. Nilapitan siya ng isang eskriba at sinabi sa kanya, “Guro, susunod po ako sa inyo saan man kayo pumaroon?” Sumagot si Hesus: “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Isa naman sa mga alagad ang nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ang aking ama?” Ngunit sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin, at ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Iluhog natin ang ating mga pangangailangan sa Diyos Ama, kung saan naroon ang kanyang Anak na nauna na sa atin at tumatawag sa atin na sundan siya. Manalangin tayo nang may pananalig sa biyaya sa pagtanggap sa pagtawag na ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, bigyan mo kami ng biyaya na sundan ang iyong anak.
Ang mga pinuno ng Simbahan at yaong mga nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y maging masigasig sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating komunidad sa araw-araw nawa’y mapanibago sa pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa isang mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nawalan ng pag-asa dahil sa mga pagkakasala nawa’y mapagtanto na kasa-kasama natin si Kristo, ang ating pinuno, at pinapasan ang ating mga suliranin, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahina ng pagkakasakit at karamdaman nawa’y mapanatag sa kasiyahan ng Diyos dulot ng kalinga at pagtulong ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y makasunod kay Kristo at makapasok sa walang katapusang presensya ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.