
Halimbawa sa taumbayan
6 total reads
Mga Kapanalig, kinansela ni Vice President Sara Duterte ang halos isang linggo niyang biyahe sa Japan.
Hindi ito dahil tutulong siya sa pagtugon ng gobyerno sa mga kababayan nating nasalanta ng masamang panahon dahil sa habagat. Hindi ito dahil napagtanto niyang hindi angkop para sa isang mataas ng opisyal ng gobyerno na mamasyal sa ibang bansa habang lubog sa baha o natabunan ng gumuhong lupa ang maraming lugar.
Dahil ito sa pagsasapubliko ng Malacañang sa travel authority na ibinigay sa kanya.
Naka-schedule ang personál na biyahe ni VP Sara sa Japan mula August 19 hanggang 24. Kahit na sariling gastos ng bise presidente ang pagpunta niya sa ibang bansa, kailangan pa rin itong aprubahan ng Office of the President. Inilabas ng Palasyo ang travel authority dalawang araw bago ang kanyang pag-alis, bagay na napag-alaman matapos tanungin ng media sa isang press conference.
Hindi ito nagustuhan ni VP Sara. Kinabukasan, August 18, pinakansela ng kanyang opisina ang travel authority na ibinigay sa kanya. Nagbago na raw ang plano ng bise presidente, sabay paalala sa Office of the President na “serious concern” ang pagsasapubliko nito ng schedule ng pangalawang pangulo. Sinabi pa ni VP Sara sa isang pahayag na ang ginagawang ito ng Malacañang ay naglalagay sa kanyang personal na seguridad sa alanganin. Nalalantad daw siya sa panganib.
Dagdag pa niya, “Transparency and accountability should not be demanded from a single government office alone.” Dahil sa nangyaring ito, inaasahan daw niyang isasapubliko rin ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga pinahihintulutang biyahe ng Malacañang, kabilang na ang halaga ng gastos ng mga opisyal na binibigyan ng travel authority.
Tama naman si VP Sara: lahat ng opisyal ng gobyerno—mula kay Pangulong Bongbong Marcos hanggang sa mga iniluklok natin sa ating mga pamahalaang pambarangay—ay dapat na maging transparent at accountable. Transparent dapat sila; ibig sabihin, bukás sa publiko ang mga ginagawa nila. Walang itinatago sa taumbayan. Accountable dapat sila; ibig sabihin, dapat malinaw na naipaliliwanag ng mga opisyal ang mga desisyon at hakbang na ginagawa nila. Kung may nagawa silang mali o kapabayaan, obligasyon nilang sumagot at tanggapin ang kaukulang parusa.
Mas magiging tama si VP Sara kung siya mismo ang magiging halimbawa ng mga lingkod-bayang transparent at accountable. Lead by example, ‘ika nga.
Mahalaga para sa ating Simbahan ang pagiging mabuti at totoong halimbawa ng mga taong pinagkatiwalaan nating mamuno sa ating bansa. Ang kapangyarihang hawak nila ay hindi pribilehiyo; isa itong anyo ng paglilingkod. “True power is service,” sabi nga ng yumaong Pope Francis. Malinaw dapat sa mata ng publiko ang mga ginagawa ng ating mga lider. Tanggap nila ang pag-usisa sa mga ito: Saan ginagastos ang pera ng bayan? Sang-ayon ba sa batas at mga patakaran ang mga ito? Sinu-sino ang mga pinagbigyan nito? Totoong tao ba sila? Nakamit ba ang inaasahang mangyari? Maayos bang nakadokumento ang lahat ng transaksyon?
Kayang sagutin ang mga tanong na ito ng isang lider na transparent at accountable. Ang ganitong lider din ang may karapatang manitá sa kapwa nilang opisyal sa gobyerno—mula sa pinakamataas na posisyon hanggang sa mga nasa barangay. Ang transparent at accountable na lingkod-bayan ay handang humarap sa mga ligal at konstitusyunal na proseso ng pagpapanagot, gaya ng impeachment.
Mga Kapanalig, sabi nga sa 1 Pedro 5:2-3, “Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan.”
Sumainyo ang katotohanan.




