2,831 total views
Martes Santo
Isaias 49, 1-6
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Juan 13, 21-33. 36-38
Tuesday of Holy Week (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Makinig kayong mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
Ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa aking pagsisikap,
hindi nagtatagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunma’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita.
At sila’y ibalik sa bayang Israel.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat
ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
may mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Nagpupuri kami sa ‘yo,
Hari naming Hesukristo,
masunurin kang Kordero,
sa katubusan ng tao
hain sa krus ang buhay mo.
MABUTING BALITA
Juan 13, 21-33. 36-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, habang nakahilig kasama ng kanyang mga alagad, nagugulumihanang sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako’y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad; hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. Ang alagad na minamahal ni Hesus ay nakahilig na kalapit niya. Kinalabit siya ni Simon Pedro at sinabi, “Itanong mo kung sino ang tinutukoy niya.” Kaya humilig siya sa dibdib ni Hesus at tinanong: “Panginoon, sino po ba ang tinutukoy ninyo?” Sumagot si Hesus, “Ang ipagsawsaw ko ng tinapay, siya na nga.” At nang maisawsaw ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap na ni Judas ang tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi ni Hesus, “Gawin mo na ang gagawin mo!” Ngunit isa man sa mga kasalo niya ay walang nakaalam kung bakit niya sinabi ito. Sapagkat si Judas ang nag-iingat ng kanilang salapi, inakala nilang pinabibili siya ni Hesus ng kakailanganin sa pista o kaya’y pinapaglilimos sa mga dukha. Nang makain na ni Judas ang tinapay, siya’y umalis. Gabi na noon.
Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Hesus, “Ngayo’y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao; at mahahayag din ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan niya. At kung mahayag na ang karangalan ng Diyos, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at gagawin niya ito agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko sa mga Judio, ‘Hindi kayo makapupunta sa paroroonan ko.’”
“Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Hesus, “Sa paroroonan ko’y hindi ka makasusunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” “Bakit po hindi ako makasusunod sa inyo ngayon?” tanong ni Pedro. “Buhay ko ma’y iaalay ko dahil sa inyo.” Sumagot si Hesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, makaitlo mo akong itatatwa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Martes Santo
Buong kababaang-loob na idulog natin ang ating mga kahilingan sa Panginoon, habang laging inaalaala ang paghihirap na kanyang tiniis para sa ating kaligtasan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, sa pamamagitan ng Iyong pagpapakasakit para sa aming kagalingan, dinggin Mo kami.
Ang mga ipinagkanulo ng kanilang mga kaibigan nawa’y hindi magkimkim ng hinanakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga makasalanan nawa’y hindi panghinaan ng loob bagkus maghangad ng kapatawaran sa pamamagitan ng Sakramento ng Pagkukumpisal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa nawa’y magkaroon ng lakas upang tiisin ang kanilang mga pasanin sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y iugnay ang kanilang paghihirap kay Kristo upang maranasan nila ang kapayapaan ng loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y pagkalooban ng lugar sa Kaharian sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, sa iyong karunungan ay hinayaan mong magdusa ang iyong Anak para sa amin. Sa pamamagitan ng Espiritu, higit mo kaming ilapit sa iyo upang maipahayag namin ang taimtim na pasasalamat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.