4,117 total views
Martes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos
Deuteronomio 31, 1-8
Deuteronomio 32, 3-4a. 7. 8. 9 at 12
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Mateo 18, 1-5. 10. 12-14
Tuesday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Frances de Chantal, Religious (White)
UNANG PAGBASA
Deuteronomio 31, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio
Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang sabi niya, “Ako’y sandaa’t dalawampung taon na ngayon at hindi na ako makagawa, tulad ng dati. Bukod dito, sinabi sa akin ng Panginoon na hindi ninyo ako makakasama sa ibayo ng Jordan. Siya mismo ang mangunguna sa inyo sa pamamagitan ni Josue. Pupuksain ng Panginoon ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila, tulad ng ginawa niya sa mg aharing Amorreo na sina Sehon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila’y ipabibihag niya sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila pagkat sasamahan kayo ng Panginoon. Hindi niya kayo pababayaan.”
Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng kapulungan ng Israel at sinabi ang ganito: “Magpakalakas ka at magpakatatag pagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa ating mga ninuno. Ang Panginoon ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya pababayaan, kaya’t huwag kang matatakot ni panghihinaan ng loob.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 3-4a. 7. 8. 9 at 12
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Ang ngalan ng Poon,
ay aking pupurihin
at ang inyong itutugon,
“Dakila ang Diyos namin!”
Siya ang Bato, manlilikha.
Walang kapintasan ang lahat niyang gawa.”
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw,
ang panahon ng inyong mga ninuno.
Itanong n’yo sa inyong ama, at ilalahad sa inyo.
Gayun din sa matatanda, at kanilang isasaysay.
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Nang hatiin ng Diyos itong sangkalupaan
at pagbubukud-bukurin ang mga bayan,
at nang itakda niya ang mga hanggahan,
Nasaisip na niya ang Israel na kanyang bayan.
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
Pagkat ito ang bayan na kanyang hinirang.
Si Jacob na itinanging maging kanya lamang.
Tanging ang Poon ang pumatnubay
at walng ibang diyos na sa kanila’y umakay.
Bayang hirang ng Poong D’yos
ay laan sa kanyang lubos.
ALELUYA
Mateo 11, 29ab
Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
Dalhin n’yo ang aking pasan
Kaamuan ko’y tularan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 1-5. 10. 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap.
Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.
Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung maligaw ang isa sa mga iyon? Hindi kaya niya iiwan ang siyamnapu’t siyam na nanginginain sa kaburulan upang hanapin ang naligaw? Sinasabi ko sa inyo: kapag nasumpungan niya ito, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayun din naman, hindi kalooban ng inyong Amang nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Manalangin tayo sa Ama upang gawin niya tayong karapat-dapat na maging kanyang mga minamahal na anak.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin nawa kami ng Iyong presenya, Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y maging epektibong instrumento sa pagpapalalim ng pananampalataya ng mga anak, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lider ng gobyerno nawa’y magpakita ng malalim na pagkalinga sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan ang mga bata, at upang ang mga maliliit na ito ay maging ligtas sa lahat ng uri ng pang-aabuso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y mapalaki nang mabuti ang kanilang mga anak ayon sa pinahahalagahang moral at mabigyan sila ng tamang paghuhubog at edukasyon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga matatanda, at yaong mga nakaratay na sa kanilang tahanan nawa’y mabanaag ang kalinga at kasiyahan ng Diyos mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y walang bahid ng kasalanan na makabalik sa tahanan ng Ama sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, pakinggan mo ang mga panalangin ng iyong mga anak na sumasampalataya sa iyo. Ipagkaloob mo sa amin ang kababaang-loob ng isang bata sapagkat sa mga tulad nila ang Kaharian ng Langit. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong ating Panginoon.