344 total views
Martes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Corinto 2, 10b-16
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab. 13kd-14
Mat’wid ang Poong dakila
sa lahat ng kanyang gawa.
Lucas 4, 31-37
Tuesday of the Twenty-second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 2, 10b-16
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos. Walang nakaaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayun din naman, walang nakaaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang espiritu ng Diyos ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob niya sa atin.
Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami’y mga katotohanang espirituwal; mga pananalitang turo ng Espiritu at hindi ayon sa karunungan ng tao ang ginagamit namin. Sapagkat ang taong di nagtataglay ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila mauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng bawat bagay, ngunit walang nakauunawa sa kanya. Ganito ang nasasaad sa Kasulatan,
“Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit ang pag-iisip ni Kristo’y taglay natin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab. 13kd-14
Mat’wid ang Poong dakila
sa lahat ng kanyang gawa.
Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
Mat’wid ang Poong dakila
sa lahat ng kanyang gawa.
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihan ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Mat’wid ang Poong dakila
sa lahat ng kanyang gawa.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Mat’wid ang Poong dakila
sa lahat ng kanyang gawa.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat,
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Mat’wid ang Poong dakila
sa lahat ng kanyang gawa.
ALELUYA
Lucas 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 4, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagpunta si Hesus sa Capernaum, Galilea. Nagturo siya sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga at nagtaka sila sa kanyang pagtuturo, sapagkat may kapangyarihan kung siya’y magsalita. Naroon sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng demonyo o isang masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka ikaw ang Banal ng Diyos.” Subalit pinagwikaan siya ni Hesus, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa taong iyan!” At sa harapan ng lahat, ang tao’y inilugmok ng demonyo at iniwan nang hindi man lamang sinaktan. Nanggilalas silang lahat at nasabi sa isa’t isa, “Anong uri ng pangungusap ito? Makapangyarihan at mabisa! Pinalalayas niya ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!” At kumalat ang balita tungkol kay Hesus sa buong lupaing iyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Sa pamamagitan ng Ebanghelyo nagsasalita si Kristo sa atin ng mga wikang may walang hanggang kapangyarihan at mga gawang mapaghimalang nakapagpapagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may pananalig.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Iisang banal ng Diyos, basbasan Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na ituro ang katotohanan ni Kristo at tuligsain ang mga kasamaan sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mundo nawa’y itaguyod ang kabutihan sa kani-kanilang gobyerno at maging masidhi sila sa pagpuksa ng kasamaan sa kanilang mga lipunan na kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hindi manghinawa sa ating pananalangin upang hindi manaig ang mga masasamang espiritu sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y mapalaya sa kanilang mga paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y masiyahan sa pagsikat ng liwanag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, nagbubunyi kami sa nag-uumapaw mong pag-ibig sa amin. Itatag mo nawa ang iyong kapangyarihan sa amin at maging lagi ka naming kasama sa landas ng buhay. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.