Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Martes, Hulyo 1, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,173 total views

Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Genesis 19, 15-29
Salmo 25, 2. 3. 9-10. 11-12

Pag-ibig mong walang hangga’y
lagi kong inaasahan.

Mateo 8, 23-27

 

Tuesday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Genesis 19, 15-29

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, inapura ng mga anghel si Lot, “Madali! Ialis mo na ang iyong asawa’t mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lungsod.” Nag-aatubili pa si Lot datapwat sa habag ng Panginoon, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki, palabas ng lunsod. Pagkatapos, sinabi ng isa sa mga anghel, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa kapatagan! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”

Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na roon, Ginoo. Sabagay napakalaki na ang utang na loob ko sa inyo; iniligtas na ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon. Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”

“Oo, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. Kaya, madali ka! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga’t wala kayo roon.”

Maliit ang bayang iyon kaya tinawag na Zoar.

Mataas na ang araw nang sapitin ni Lot ang Zoa. Ang Sodoma at Gomorra ay saka pa lamang pinaulanan ng Diyos ng nagninigas na asupre. Tinupok ng Panginoon ang mga lunsod na iyon at ang buong kapatagan, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. Ngunit lumingon ang asawa ni Lot kaya’t siya’y naging haliging asin.

Kinabukasan, si Abraham ay nagmamadaling pumunta sa dakong pinagtagpuan nila ng Panginoon. Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong kapatagan. Nakita niyang pumapailanglang ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. Nang gunawin ng Diyos ang mga lungsod na iyon, hindi rin nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 25, 2. 3. 9-10. 11-12

Pag-ibig mong walang hangga’y
lagi kong inaasahan.

Poon, ako’y iyong siyasatin, ako’y ‘yong subukin,
hatulan mo ang iniisip ng sarili’t layunin.
Pag-ibig mong walang maliw ang kasama at kaakbay,
at ang iyong pagtatapat ang palagi kong patnubay.

Pag-ibig mong walang hangga’y
lagi kong inaasahan.

Sa parusa ng masama, h’wag mo akong idaramay,
ilayo rin sa parusa ng mahilig sa pagpatay.
Ilayo mo sa kanilang ang gawai’y kasamaan,
mga taong sa tuwina’y naghihintay ng suhulan.

Pag-ibig mong walang hangga’y
lagi kong inaasahan.

Ngunit ako, ang pasiya ko ay matuwid ang gagawin,
kaya naman iligtas mo at mahabag ka sa akin.
Ako’y ligtas sa panganib, panganib na ano pa man,
sa hayag na pagsamba ko’y pupurihin ang Maykapal!

Pag-ibig mong walang hangga’y
lagi kong inaasahan.

ALELUYA
Salmo 129, 5

Aleluya! Aleluya!
Poon, ikaw ang pag-asa,
ang Salita mo’y ligaya,
pag-asa ko sa tuwina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 8, 23-27

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad. Bumugso sa lawa ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog noon si Hesus. Kaya’t nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, tulungan ninyo kami!” sabi nila. “Lulubog tayo!” At sinabi niya sa kanila, “Ano’t kayo’y natatakot? Napakaliit naman ng pananalig ninyo!” Bumangon siya, sinaway ang hangin at ang dagat, at tumahimik ang mga ito. Namangha silang lahat at ang sabi, “Anong tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay tumatalima sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Sumusunod sa Anak ng Diyos maging ang hangin at alon. Mulat sa katotohanang ito, manalangin tayo nang may pananalig para sa katahimikan ng napakagulong mundo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ipagkaloob Mo sa amin ang Iyong kapayapaan.

Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga miyembro, nawa’y maging malakas sa pananampalataya higit sa lahat sa kanilang pagharap sa mga paghihirap at pagsubok sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naglalakbay sa karagatan, ang mga mandaragat, mga mangingisda, at yaong mga taong sa dagat nagmumula ang ikinabubuhay nawa’y makadama ng kasiguruhan at kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nanghihina sa kanilang pananampalataya nawa’y mapatatag sa pamamagitan ng tulong at suporta ng kanilang mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may kapansanan at mga nagdurusa sa matagal na karamdaman nawa’y makatagpo ng kapayapaan kay Kristong may kapangyarihang magpagaling, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makadama ng walang hanggang kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama sa Langit, patatagin nawa kami ng mga pagsubok at suliranin ng buhay na puno ng unos, at magdulot nawa ito ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 74,066 total views

 74,066 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 86,606 total views

 86,606 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 108,988 total views

 108,988 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 128,495 total views

 128,495 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 45,587 total views

 45,587 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 45,818 total views

 45,818 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 46,328 total views

 46,328 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 33,773 total views

 33,773 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 33,882 total views

 33,882 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top