MARTES, HULYO 18, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,335 total views

Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Exodo 2, 1-15a
Salmo 68, 3. 14. 30-31. 33-34

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Mateo 11, 20-24

Tuesday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Exodo 2, 1-15a

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, may mag-asawang buhat sa lipi ni Levi na nagkaanak ng lalaki. Napakaganda ng bata kaya’t tatlong buwang itinago ng ina. Nang hindi na ito maaaring itago pa, kumuha siya ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, isinilid niya rito ang bata at inilagay sa talahiban sa gilid ng ilog. Ang ate naman ng bata ay lumagay sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.

Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya’t ito’y ipinakuha sa kanyang katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito’y anak ng isang Hebrea.”

Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung ibig po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa batang iyan.”

“Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa.

Umalis ang batang babae at tinawag ang kanyang ina. Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang batang ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang bata at inalagaan. Nang malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya’y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Napulot ko siya sa tubig, kaya Moises ang ipapangalan ko sa kanya.”

Nang binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. Luminga-linga siya. Nang walang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at ibinaon sa buhangin. Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”

“Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” ganting tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nalaman na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. Nakarating ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito’y nakatakas at nakarating sa Madian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 3. 14. 30-31. 33-34

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malaking along nagngangalit.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Naghihirap ako’t mahapdi ang sugat,
O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas.
Pupurihin ang diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
Lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.

Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.

ALELUYA
Salmo 94, 8ab

Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 11, 20-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinumbatan ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng maraming kababalaghan sapagkat hindi sila nagsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan. “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, malaon na sanang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo ang mga tagaroon upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang sasapitin ninyo kaysa sasapitin ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum, ibig mong mataas hanggang sa langit? Ibabagsak ka sa Hades! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, sana’y nanatili pa ito hanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa inyo kaysa dinanas ng Sodoma.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Matiisin ang Diyos at mulat sa ating mga paghihirap. Manalangin tayo sa kanya upang tulungan niya tayo sa daan ng pagbabalik-loob at pagbabagumbuhay.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panibaguhin Mo kami, Panginoon.

Ang Kristiyanong nananalig nawa’y tumugon sa tawag ng pananampalataya at pagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y bigyan ng Diyos ng katapangan na italaga ang ating sarili para maging malaya kay Kristo ang mga taong napipiit sa kanilang pagkamakasarili, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong may mga pusong hungkag at nanlalamig nawa’y makatagpo ng kaligayahan sa pag-ibig ng Diyos at ng kanilang kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may karamdaman sa isip at katawan nawa’y magkaroon ng ganap na kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y masiyahan sa maliwanag na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos ng habag at pag-ibig, pakinggan mo ang daing ng mundong nasusukol sa pagdurusa at pagkakasala. Palayain mo nawa kami sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagsasapribado ng enerhiya para kanino?

 175,996 total views

 175,996 total views Mga Kapanalig, simula noong pumutok ang giyera sa Middle East, muling nabaling ang atensyon sa mga batas at patakarang sinasabing lalong nagpapahirap sa

Read More »

Lason sa utak ng kabataan

 206,219 total views

 206,219 total views Mga Kapanalig, nailibing na ang tatlong estudyanteng namatay sa malagim na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang high school sa Tacloban. Hustisya pa

Read More »

Suriin ang panawagan ng protesta

 232,865 total views

 232,865 total views Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA?

Read More »

INTELIHENSIYANG POLPOL

 327,838 total views

 327,838 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 337,459 total views

 337,459 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Hulyo 15, 2026

 998 total views

 998 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Isaias 10, 5-7. 13-16 Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15 Ang Poo’y di tatalikod

Read More »

Martes, Hulyo 14, 2026

 2,272 total views

 2,272 total views Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari Isaias 7, 1-9 Salmo 47, 2-3a. 3b-4.

Read More »

Lunes, Hulyo 13, 2026

 3,483 total views

 3,483 total views Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Enrico Isaias 1, 10-17 Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23

Read More »

Linggo, Hulyo 12, 2026

 4,344 total views

 4,344 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 55, 10-11 Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14 Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa. Roma

Read More »

Sabado, Hulyo 11, 2026

 5,260 total views

 5,260 total views Paggunita kay San Benito, abad Isaias 6, 1-8 Salmo 92, 1ab. 1k-2. 5 Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika. Mateo 10, 24-33

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top