2,311 total views
Martes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 35, 1-15
Salmo 49, 5-6. 7-8. 14 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Marcos 10, 28-31
Tuesday of the Eighth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Sirak 35, 1-15
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Parang nang nag-alay ng maraming handog ang sumusunod sa Kautusan:
Sapagkat ang tumatalima sa mga utos ay para nang nag-alay ng mga handog na pinagsasaluhan;
ang tumatanaw ng utang-na-loob ay para nang naghandog ng mainam na harina,
at ang nagkakawanggawa ay para nang nag-alay ng handog ng pasasalamat.
Umiwas ka sa masama at kalulugdan ka ng Panginoon,
mag-ingat kang huwag makaapi at para ka nang nagbayad-puri para sa iyong sala.
Huwag kang haharap sa Panginoon ng walang dalang anuman,
sapagkat ang lahat ng handog na ito ay itinatagubilin ng Kautusan.
Kapag ang taong matuwid ay nag-alay ng kanyang handog,
ang bango ng taba na sinusunog sa dambana ay pumapailanlang hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan.
Kinalulugdan ng Panginoon ang handog ng taong matuwid sa kanya,
ito’y isang alaala na hindi niya malilimutan.
Parangalan mo ang Panginoon nang buong katapatan,
at huwag mong panghinayangan ang mga unang bungang inihahandog mo sa kanya.
Ialay mo ang iyong handog nang may ngiti sa mga labi,
at magbigay ka ng ikapu nang may galak sa puso.
Maghandog ka sa Panginoon nang ubos-kaya,
maging bukas-palad ka sa kanya, gaya ng ginawa niya sa iyo.
Ang Panginoon ay masaganang gumanti,
gagantihan ka niya nang pitong ibayo.
Huwag mong susuhulan ang Panginoon, sapagkat di siya tumatanggap ng suhol,
huwag kang aasa sa handog na galing sa masamang paraan.
Ang Panginoon ay Diyos ng katarungan,
wala siyang itinatanging sinuman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 5-6. 7-8. 14 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa tipan ko’t naghahandog niyong hain.
Ang buong kalangita’y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko’y unawain;
ako’y mayroong patotoo’t saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 28-31
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagsalita si Pedro kay Hesus, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” Sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang sinumang mag-iwan ng bahay, o mga kapatid, ina, ama, mga anak, mga lupa, dahil sa akin at sa Mabuting Balita, ay tatanggap ng makasandaang ibayo sa buhay na ito – mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupa – ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa kabilang buhay ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Mulat sa panganib ng ating pagtitiwala sa mga layaw ng mundong ito, itinataas natin ang ating mga puso sa maalab na pananalangin sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ikaw ang lahat-lahat sa amin.
Ang Simbahan sa buong sandaigdigan nawa’y maging matibay at tunay na tanda ng daan tungo sa walang katapusang kaligayahan at buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y matutong magtiwala sa mga espiritwal na pinahahalagahan na siyang nagpapayaman ng buo nating katauhan at hindi sa mga materyal na kayamanan na nagbibigay ng kawalang kasiyahan sa ating mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y hindi natin isara sa mga nangangailangan, at sa halip maging mulat tayo sa pakiisa sa mga gawain ni Kristo na nagpapagaling at nakapagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga may kapansanan nawa’y madama nila ang kalinga ng Panginoon sa pamamagitan ng pag-ibig ng kanilang mga kapitbahay at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nating mga kamag-anak at mga kaibigan nawa’y humimlay sa makalangit na kapayapaan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tingnan mo nang may habag ang mga nangangailangan. Liwanagan mo ng iyong katotohanan ang aming buhay at bigyan kami ng biyaya na mamuhay ayon sa mataas na pagpapahalaga sa amin ng iyong Anak na si Jesu-Kristo, siya na nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.