344 total views
Paggunita kina San Andres Kim Taegon, pari at martir,
San Pablo Chong Hasang, at mga kasama, mga martir
Kawikaan 21, 1-6. 10-13
Salmo 118, 1. 27. 30. 34. 35. 44
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Lucas 8, 19-21
Memorial of St. Andrew Kim Taegon, Priest, and
St. Paul Chong Hasang, and Companions, Martyrs (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Kawikaan 21, 1-6. 10-13
Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan
Hawak ng Panginoon ang isip ng isang hari
at naibabaling niya ito kung saan igawi.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya ay wasto
ngunit ang Panginoon lang ang nakasasaliksik ng puso.
Ang paggawa ng matuwid at kalugud-lugod
ay higit na kasiya-siya sa Panginoon kaysa mga handog.
Ang masama ay alipin ng kapalaluan,
ang ganitong ugali ay kasalanan.
Ang mabuting pagbabalak ay pinakikinabangan
ngunit ang dalus-dalos na paggawa’y walang kahihinatnan.
Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
ay maghahatid sa maagang kamatayan.
Ang isip ng masama’y lagi sa kalikuan
kahit na kanino’y walang pakundangan.
Parusahan mo ang manlilibak at matututo ang mangmang,
pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kaalaman.
Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama
kaya siya’y gumagawa ng paraan upang sila’y mapariwara.
Ang hindi pumapansin sa hibik ng mahirap
daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1. 27. 30. 34. 35. 44
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ang lingkod mo ay turuang masunod ang kautusan,
sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral.
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod,
buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod.
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Sa pagsunod sa utos mo, ako’y iyong pangunahan,
sa utos mo’y naroroon ang ligayang inaasam.
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay.
Sa pagsunod sa utos mo,
Poon, pangunahan mo ‘ko.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 8, 19-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus, ngunit hindi sila makalapit dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; ibig nilang makipagkita sa inyo.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Ang pangaral ni Jesus sa Ebanghelyo at ang kanyang sariling buhay ang ating panuntunan sa pagnanais nating malaman ang kalooban ng Diyos. Manalangin tayo sa Diyos Ama upang makasunod tayo sa kanyan at maisabuhay ang kanyang pangaral.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Maging ganap nawa sa aming buhay ang Iyong kalooban, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y isabuhay ang espiritu ng Ebanghelyo at tuwinang hanapin ang kalooban ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapalalim ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa mga dukha, may kapansanan, at yaong mga kapuspalad, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging mga tunay na bahagi ng pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kalooban ng Diyos Ama sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang isabuhay sa araw-araw na pangyayari at kagapan ng ating buhay ang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamo ng walang hanggang liwanag at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, gawin mo kaming karapat-dapat na maging bahagi ng iyong pamilya sa pamamagitan ng aming pananampalatayang ipinahahayag sa mabubuting gawain. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.