321 total views
Lunes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Junuario (Jenaro), obispo at martir
Kawikaan 3, 27-34
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?
Lucas 8, 16-18
Monday of the Twenty-fifth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Januarius, Bishop and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Kawikaan 3, 27-34
Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan
Aking anak, ang kagandahang-loob ay huwag ikait sa kapwa,
kung ika’y may kakayahan na ito ay magawa.
Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
huwag nang sasabihing,
“Bumalik ka’t bukas ibibigay.”
Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
sa sa iyo’y umaasa, nagtitiwalang lubusan.
Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
Huwag kang mangingimbulo sa taong marahas
ni lalakad man sa masama niyang landas.
Pagkat ang Panginoon ay nasusuklam sa mga balakyot,
ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
Ang sumpa ng Panginoon di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
Ang mga palalo’y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinagigiliwan ang may mababang kalooban.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 14, 2-3ab. 3kd-4ab. 5
Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?
Yaong mga masunurin na sa iyo’y nakikinig,
at ang laging ginagawa’y naaayon sa matuwid,
kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
yaong gawang paninira’y hindi niya naiisip.
Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?
Kailanman, siya’y tapat makisama sa kapwa,
sa kaniyang kaibiga’y wala siyang maling gawa;
hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
At itinatampok niya ang matapat sa lumikha.
Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?
Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,
at kahit na anong gawi’y hindi siya masuhulan,
upang yaong walang sala’y patawan ng kasalanan.
Ang ganitong mga tao’y mag-aani ng tagumpay.
Sino kaya ang papasok
sa bahay mo, Poong Diyos?
ALELUYA
Mateo 5, 16
Aleluya! Aleluya!
Dapat kayong magliwanag
nang kabutiha’y mahayag
at D’yos ang s’yang matanyag.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 8, 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakluban ng banga o ilalagay kaya sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ito sa talagang patungan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di malalaman at mabubunyag.
Kaya pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig; sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-25 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo sa Diyos Ama upang magdulot sa lahat ng pag-asa at kapayapaan ang liwanag ng kanyang Anak na si Jesu-kristo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Luwalhatian ka nawa ng aming buhay, O Panginoon.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maging isang tulad ng dakilang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman sa pamamagitan ng kanilang pagtatatag ng isang higit na mabuting daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng ating bansa nawa’y makapagdala ng sinag ng pag-asa sa mga nagdurusa sa pamamagitan ng pagbibigay ng katarungan sa mga inaapi at dangal sa bawat tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y maging tulad ng liwanag sa taluktok ng bundok na gumagabay sa kanilang mga anak sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang huwarang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, ang mga nalulumbay, at ang mga may pusong sawi nawa’y matagpuan ang liwanag ni Kristo sa gitna ng kanilang pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang liwanag, kaligayahan, at kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama, bigyan mo kami ng bagong kamulatan at kalakasan upang aming maitalaga ang paglilingkod namin sa kapwa at maging ilawan kaming nagliliwanag sa kanila. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.