
Implikasyon ng eleksyon sa Amerika
5,128 total reads
Mga Kapanalig, hindi pumabor sa kasalukyang administrasyon ni US President Donald Trump ang kinalabasan ng katatapos lamang na midterm elections doon.
Mayorya ng mga upuan sa kanilang House of Representatives at Senado ay nakuha ng mga kandidato mula sa Democratic Party; si Pangulong Trump ay mula naman sa Republican Party. Ang ibig sabihin nito, mas malakas na muli ang tinatawag na “legislative check” sa ehekutibong sangay. Sa mahabang panahon kasi, kontrolado ng mga kakampi at kapartido ni Pangulong Trump ang Kongreso doon, kaya natatabunan ang mga kumukuwestyon sa kanyang mga ginagawa. Ngayon, ayon sa mga analysts, magiging malaking hamon para kay Pangulong Trump ang pagkuha ng suporta ng mga kongresista at senador para sa mga gagawin niya sa nalalabing panahon ng kanyang termino.
Malayo man ang Amerika sa Pilipinas, ramdam na ramdam natin ang epekto ng mga ginagawa ng kanilang gobyerno. Pinakamatindi sa mga ito ang giyerang sinimulan ng Amerika sa Middle East, partikular na sa Iran, sa unang bahagi ng 2026.
Krisis na ngang maituturing ang pagsirit ng presyo ng langis, lalo pa’t 95% ng langis natin ay inaangkat mula sa Middle East. Dahil sa giyera, pahirapan ang paglabas ng langis sa rehiyon, at ang resulta nito ay mas kaunting suplay at mas mahal na presyo. Naaalala pa ba ninyo nang lumampas sa sandaang piso ang kada litro ng diesel? Napililtan ang gobyerno natin na magdeklara ng national energy emergency. Sumunod dito ang pagtaas ng pamasahe, singil sa kuryente, at presyo ng mga pagkain. Dahil malaking bahagi ng kinikita ng mga ordinaryong pamilya ang napupunta sa mga bagay na ito, bumagsak sa kanila ang bigat ng krisis.
Marami rin sa mga overseas Filipino workers (o OFW) ay nagtatrabaho sa Middle East. Nasa 2.5 milyon ang OFW doon, kaya hindi biro ang bilang ng mga pamilya nila rito na umaasa sa kanilang remittances. Dahil malapit sila sa lugar kung saan may kaguluhan, may mga pinagtatrabahuhan sila na nagbawas ng operasyon o tuluyang nagsara. Depende sa bansang target puntahan ng mga Pilipinong manggagawa, may mga lugar na hindi pinapayagang pumasok ang mga bagong OFW. Maaari namang bumalik ang mga kababayan nating may umiiral na employment contracts, pero hindi man apektado ang kanilang trabaho, nalalagay naman sa panganib ang kanilang buhay.
Maliban sa giyerang sinimulan ng Amerika, apektado rin ang ating ekonomiya ng mas matass na buwis na ipinapataw sa mga produktong ine-export natin. Maswerte pa rin tayo kumpara sa mga kapitbahay natin na pinatawan ng mas mataas na tariff, pero ang patakarang ito ng Amerika ay nagpahina sa halaga ng piso laban sa dolyar. Kapag mas mahina ang piso—ibig sabihin, mas maraming piso ang kailangan para bilhin ang mga produktong dolyar ang halaga—nagiging mas mahal ang mga ini-import nating produkto gaya nga ng langis.
Ilan lamang ang mga epektong ito sa katotohanang kinikilala maging ng mga panlipunang turo ng Simbahan: na ang lahat ng tao ay magkakaugnay, at ang mga bansa ay dapat nakasalalay sa isa’t isa. Ang desisyong ginagawa ng mga makapangyarihang bansa katulad ng Estados Unidos ay may kaakibat na responsabilidad dahil may implikasyon ito sa mga bansang hindi nila kasinlakas o kasinlaki, gaya ng Pilipinas. Kapag ang isang malaking bansa ay gumagawa ng hakbang na hindi lang nagpapataas sa presyo ng langis kundi nagbabanta sa buhay ng mga mamamayan, nalalagay sa alanganin ang prinsipyo ng solidarity. Dapat tandaan ng mga tinaguriang global superpowers na hindi lang dapat sarili nilang interes ang kanilang itinataguyod.
Mga Kapanalig, gaya ng paalala sa 1 Timoteo 2:1-2, “idalangin [natin] ang mga may kapangyarihan, upang tayo’y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal.”
Sumainyo ang katotohanan.












