Miyerkules, Hunyo 10, 2026

SHARE THE TRUTH

 5,647 total views

Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Hari 18, 20-39
Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Mateo 5, 17-19

Wednesday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Hari 18, 20-39

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, tinipon ni Acab sa Bundok ng Carmelo ang buong bayang Israel at ang kanyang mga propeta. Lumapit si Elias at sinabi sa bayan: “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. Muling nagsalita si Elias: “Ako na lamang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon. Samantala, may apatnaraa’t limampu ang mga propeta ni Baal. Bigyan ninyo kami ng dalawang toro. Pumili sila ng isa, katayin at ipatong sa ibabaw ng kahoy na sinalansan, ngunit hindi sisindihan. Ihahanda ko rin ang ikalawa sa ibabaw ng kahoy na sinalansan at hindi ko rin sisindihan. Tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman ang Panginoon. Ang tumugon sa pamamagitan ng apoy, iyon ang tunay na Diyos.”

At sumagot ang bayan: “Sang-ayon kami!”

Sa gayun, sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal: “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag kayong magpaparikit ng apoy.”

Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihandog. Mula sa umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng dambana. Ngunit walang sumasagot.

Nang katanghalian na’y nilibak na sila ni Elias. Wika niya, “Lakasan pa ninyo! Alam naman ninyo ang inyong diyos! Baka may ginagawa, o may pinuntahan! O baka naman natutulog. Kaya’t kailangang gisingin!” Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Sinugatan ang sarili sa pamamagitan ng sibat at tabak – tulad ng kanilang kinaugalian – hanggang sa sila’y maligo sa dugo. Lumampas ang tanghali at oras na ng paghahandog ng hain ngunit wala pa ring tugon kahit ano.

Nagsalita noon si Elias sa buong bayan: “Lumapit-lapit kayo,” wika niya. At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang dambana roon ng Panginoon na matagal nang gumuho. Pumili siya ng labindalawang bato katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ng Panginoon ng pangalang Israel. Ang mga bato’y ginawa niyang dambana para sa Panginoon. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na may lamang dalawang baldeng tubig. Isinalansan niya ang kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, nag-utos siya: “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Gayun nga ang ginawa nila. “Busan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binusan nila. “Minsan pa,” utos uli ni Elias. Makaitlo nga nilang binusan ang handog hanggang sa umagos ang tubig sa paligid ng dambana at umapaw sa kanal.

Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng dambana at nanalangin: “Panginoon, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat na ito pagkat ito ang inyong utos. Dinggin ninyo ako, Panginoon, upang matalastas ng bayang ito na kayo lamang ang Diyos at sila’y inyong pinapagbabalik-loob.”

Noon di’y nagpababa ng apoy ang Panginoon at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. Pagkakita sa nangyari, nagpatirapa ang buong bayan at sumigaw: “Ang Panginoon ang Diyos! Ang Panginoon lamang ang Diyos!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Silang bumaling sa ibang diyos, sulirani’y abut-abot,
sa pagsambang gawi nila, ako ay hindi lalahok.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras,
sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.

ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a

Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Ipinapangako ng Diyos ang kaligayahan sa mga sumusunod sa kanyang mga batas at sa mga naghahangad sa kanya nang buong puso. Manalangin tayo ngayon nang sama-sama at buong katapatan sa iisang pananampalataya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng kaayusan, manatili nawa kami sa iyong landas.

Ang Santo Papa at mga obispo, sa pamamagitan ng kanilang pagtuturo at pamumuhay nawa’y humikayat sa kawan na sumunod sa pamamaraan ng pag-ibig ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pamilya ng mga bansa nawa’y higit na magsumikap at maging masigasig upang makamit ang kapayapaan at matatag na mapanatili ito, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-asawa nawa’y makadama ng alab ng pag-ibig ng Diyos sa kanilang pagsasamahan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga matatanda nawa’y lumakas ang kalooban sa pamamagitan ng mga salitang nakaaaliw at may katiyakan mula sa mga kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y mamasdan “ang mga bagay na hindi nakikita ng mga mata at hindi naririnig ng mga tenga,” manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihan at walang hanggang Ama, nawa’y liwanagan ng iyong batas ng pag-ibig ang aming buhay at pamalagiin mo kaming nasa matuwid na landas patungo sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagsasapribado ng enerhiya para kanino?

 190,158 total views

 190,158 total views Mga Kapanalig, simula noong pumutok ang giyera sa Middle East, muling nabaling ang atensyon sa mga batas at patakarang sinasabing lalong nagpapahirap sa

Read More »

Lason sa utak ng kabataan

 220,380 total views

 220,380 total views Mga Kapanalig, nailibing na ang tatlong estudyanteng namatay sa malagim na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang high school sa Tacloban. Hustisya pa

Read More »

Suriin ang panawagan ng protesta

 247,026 total views

 247,026 total views Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA?

Read More »

INTELIHENSIYANG POLPOL

 341,999 total views

 341,999 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 350,698 total views

 350,698 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Hulyo 16, 2026

 158 total views

 158 total views Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Isaias 26, 7-9. 12. 16-19 Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21 Mula sa iyong

Read More »

Miyerkules, Hulyo 15, 2026

 1,610 total views

 1,610 total views Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan Isaias 10, 5-7. 13-16 Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15 Ang Poo’y di tatalikod

Read More »

Martes, Hulyo 14, 2026

 2,884 total views

 2,884 total views Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari Isaias 7, 1-9 Salmo 47, 2-3a. 3b-4.

Read More »

Lunes, Hulyo 13, 2026

 4,037 total views

 4,037 total views Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Enrico Isaias 1, 10-17 Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23

Read More »

Linggo, Hulyo 12, 2026

 4,678 total views

 4,678 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) Isaias 55, 10-11 Salmo 64, 10abkd. 10e-11. 12-13. 14 Nagbunga nang masagana, binhi sa mabuting lupa. Roma

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top