460 total views
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
Mga Pagbasa para sa Unang Misa
2 Macabeo 12, 43-46
Salmo 103, 8 at 10. 13-14. 15-16. 17-18.
Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.
Roma 8, 31b-35. 37-39
Juan 14, 1-6
Commemoration of All the Faithful Departed (All Soul’s Day) (Violet or White)
UNANG PAGBASA
2 Macabeo 12, 43-46
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Macabeo
Noong mga araw na iyon, nagpalikom si Judas, ang pinuno ng Israel, ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi’y magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling tapat ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 8 at 10. 13-14. 15-16. 17-18.
Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kaniya.
Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,
alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.
Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.
Ang buhay ng mga tao’y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na animo ay bulaklak;
kapag ito’y nahanginan, nawawala’t nalalagas,
nawawala mandin ito at hindi na namamalas.
Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.
Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan,
sa sinuman sa kanya’y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
Yaong magtatamo nito’y ang tapat sa kanyang tipan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 31b-35. 37-39
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinihirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo’y namamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak? Hindi! Ang lahat ng ito’y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi magkapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 25, 34
Aleluya! Aleluya!
Halina at inyong kamtan
ang langit na kaharian
pamana ng Amang mahal.
Aleluya! Aleuya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Karunungan 3, 1-9
Salmo 115, 15. 6; Salmo 116, 10-11. 15-16ak
Sa piling ng Poong mahal
ako’y laging mamumuhay.
Roma 6, 3-4. 8-9
Juan 6, 37-40
Commemoration of All the Faithful Departed (All Soul’s Day) (Violet or White)
UNANG PAGBASA
Karunungan 3, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Ang mga matuwid ay nasa kamay ng Diyos,
at di sila makararanas ng kamunti mang pahirap.
Sa akala ng mga hangal, ang mga matuwid ay namamatay;
iniisip nilang ang kamatayan ay kapahamakan,
at ang pagpanaw nila ay tuluyang paglaho.
Ngunit ang totoo, sila’y nananahimik na.
Bagamat sa tingin ng tao sila’y pinarusahan,
ngunit ang totoo, sila’y nasa buhay na walang hanggan.
Ang kaunting pagtitiis nila ay tutumbasan ng malaking pagpapala
napatunayan ng Diyos na sila’y karapat-dapat.
Sila’y kanyang sinubok, tulad ng ginto sa tunawan,
kaya’t sila’y tinanggap niyang parang handog na sinusunog.
Pagdating ng Panginoon para gantimpalaan ang mga banal,
magniningning silang parang ningas ng nagliliyab na dayami.
Sila ang mamamayani sa mga bansa sa daigdig,
at ang Panginoon ang maghahari sa kanila magpakailanman.
Ang mga nagtitiwala sa kanya ay makauunawa sa katotohanan ng kanyang pamamaraan.
At ang mga naging tapat sa kanya ay mamumuhay na kasama niya sa kanyang pag-ibig,
sapagkat siya’y mabuti at maawain sa kanyang mga hinirang.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 15. 6; Salmo 116, 10-11. 15-16ak
Sa piling ng Poong mahal
ako’y laging mamumuhay.
o kaya: Aleluya.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi magsasalita,
at hindi rin makikita, mga matang sadyang-sadya;
at hindi rin makarinig ang kanilang tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Sa piling ng Poong mahal
ako’y laging mamumuhay.
Laging buhay ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
bagamat ang aking sabi’y, “Ako’y ganap nang nalupig.”
Bagaman at ako’y takot, nasasabi ko kung minsan,
“Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”
Sa piling ng Poong mahal
ako’y laging mamumuhay.
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod;
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Sa piling ng Poong mahal
ako’y laging mamumuhay.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 6, 3-4. 8-9
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli ni Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.
Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 25, 34
Aleluya! Aleluya!
Halina at inyong kamtan
ang langit na kaharian
pamana ng Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 37-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinibigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano
Sumasampalataya tayo sa kasamahan ng mga banal. Taglay ang pananampalatayang ito, tulungan natin ng ating mga panalangin ang lahat ng namayapa, lalo na ang mga nangangailangan ng mga ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pakinggan mo ang aming mga panalanging bunga ng pag-ibig at pananampalataya.
Ang Simbahan nawa’y hindi kailanman malimutan sa lupa ang Simbahang naghihintay para sa kaluwalhatiang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong natatakot harapin ang kamatayan nawa’y makatagpo ng pag-asa kay Kristong Muling Nabuhay at sa kanyang nagpapalinis na pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagluluksa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay nawa’y maglubag ang kalooban sa kanilang pananalangin para sa kaluluwa ng kanilang minamahal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang habag na nahayag sa purgatoryo nawa’y magpatibay sa ating pagtitiwala kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kaluluwa ng mga hindi nakakilala kay Kristo noong sila ay nabubuhay pa nawa’y pagkalooban ng liwanag at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon ng buhay, inihahabilin namin sa iyong pangangalaga ang mga kaluluwa ng mga naghihintay na makabahagi sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ng iyong Anak, ang aming Manunubos, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.