289 total views
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir
Job 9, 1-12. 14-16
Salmo 87, 10bk-11. 12-13. 14-15
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
Lucas 9, 57-62
Memorial of St. Lorenzo Ruiz and Companions, Martyrs (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Job 9, 1-12. 14-16
Pagbasa mula sa aklat ni Job
Ang sagot ni Job sa kanyang mga kaibigan:
“Iyan ay dinig ko na noon pa mang una,
ngunit sinong tao kaya ang tatalo sa kanya?
Sino ang sa kanya’y maaaring mangatwiran?
Sa sanlibo niyang tanong, di masagot ang isa man.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
sino kaya ang sa kanya ay makalalaban?
Walang sabi-sabing inuuga yaong bundok,
sa tindi ng kanyang galit, ito’y kanyang dinudurog.
Itong sangkalupaan ay kanyang nayayanig.
At nauuga niya ang saligan ng daigdig.
Napipigil sa pagsikat ang silahis nitong araw,
At kanyang naitatago ang tala sa kalangitan.
Siya lamang ang lumikha sa sangkalangitan,
at sa bangis nitong dagat, walang ibang makasaway.
Ang “Malaking Diper” at “Orion” ay siya lamang ang may lalang,
pati na ang Pleyades at mga kumpol na bituin sa timugan.
Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
ang milagrong gawa niya sa dami ay di mabilang.
Siya’y nagdaraan ngunit di ko mamalas,
siya’y hindi ko makita, bagaman ay naglalakad.
Anuman ang gawin niya ay walang makahahadlang,
ni makapagtatanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?
Anong aking isasagot sa kanyang katanungan?
Kahit ako walang sala ang tangi kong magagawa’y
sa harap ng Diyos na hukom manikluhod akong tunay.
Kahit niya bayaang ako’y makapagsalita,
di ko rin natitiyak kung ako’y diringgin kaya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 87, 10bk-11. 12-13. 14-15
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
Panginoong Diyos,
tumatawag ako sa ‘yo araw-araw,
sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
Makagagawa ba
ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
para purihin ka niyong mga patay?
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
Ang pag-ibig mo ba
doon sa libinga’y ipinapahayag,
o sa kaharian
niyong mga patay ang ‘yong pagtatapat?
Doon ba sa dilim
ang dakilang gawa mo ba’y makikita,
o ang pagliligtas
sa mga lupaing wala nang pag-asa?
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
O sa iyo, O Poon,
ako’y nananangis at nananawagan,
sa tuwing umaga
ako’y tumatawag sa iyong harapan.
Di mo ako pansin,
O Panginoon ko, di ka kumikibo,
bakit ang mukha mo’y
ikinukubli mo, ika’y nagtatago?
Panginoon, ako’y dinggin
sa pagsamo ko’t dalangin.
ALELUYA
Filipos 3, 8-9
Aleluya! Aleluya!
Tana’y aking tatalikdan
upang si Kristo’y makamtan
bilang tanging pakinabang.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 57-62
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang naglalakad sina Hesus at ang kanyang mga alagad, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang akin ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz
at mga Kasama, mga martir
Sirak 2, 1-18
Salmo 115, 1. 2-3. 4-5. 6-7. 8-9.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
1 Pedro 2, 1-25
Mateo 5, 1-12
Memorial of St. Lorenzo Ruiz and Companions, Martyrs (Red)
UNANG PAGBASA
Sirak 2, 1-18
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Anak ko, kung nais mong maglingkod sa Panginoon,
humanda ka sa mga pagsubok
maging tapat ka at magpakatatag,
huwag kang masisiraan ng loob sa panahon ng kasawian.
Manalig ka sa Panginoon at huwag kang lalayo sa kanya,
kung nais mong tumiwasay habang nabubuhay.
Tanggapin ang anumang ipagkaloob niya sa iyo,
tiisin mo ang kadustaan kahit ano ang mangyari.
Kung ang ginto ay dinadalisay sa apoy,
ang banal ay sinusubok ng Panginoon sa apoy ng pagtitiis.
Magtiwala ka at tutulungan ka niya,
maging tapat ka sa kanya at makaaasa ka.
Kayong may takot sa Panginoon, maghintay kayo ng kanyang habag;
huwag kayong lalayo sa kanya nang hindi kayo mapahamak.
Kayong may takot sa Panginoon, magtiwala kayo sa kanya,
at walang pagsalang tatanggap kayo ng gantimpala.
Kayong lahat na may takot sa Panginoon, umasa kayo sa kanya.
Pagpapalain niya kayo, pasasaganain at paliligayahin magpakailanman.
Tingnan ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno:
may nagtiwala ba sa Panginoon na nasiphayo?
May nanatili bang naglilingkod sa kanya na kanyang pinabayaan?
May tumawag ba sa kanya na hindi niya dininig?
Sapagkat maawain at mapagpatawad ang Panginoon,
pinatatawad niya tayo sa ating kasalanan, inililigtas sa kagipitan.
Kawawa ang mahihinang-loob at mga tamad,
kawawa ang makasalanang mapagkunwari.
Kawawa ang mahihina ang loob! Ayaw nilang magtiwala,
kaya hindi naman sila tatangkilikin.
Kawawa kayong mga nawalan ng pag-asa at ayaw nang makibaka,
ano ang gagawin ninyo pag naningil na ang Panginoon?
Ang may takot sa Panginoon ay di sumusuway sa kanyang utos.
Ang mga umiibig sa kanya’y namumuhay ayon sa kanyang kalooban.
Ang mga may takot sa Panginoon ay nagsisikap na siya’y bigyang-lugod;
ang kanyang Kautusan ang umiiral sa buhay ng mga umiibig sa kanya.
Ang mga may takot sa Panginoon ay handang maglingkod sa kanya.
Nagpapakababa sila sa kanyang harapan.
Sabi nila,
“Ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa Panginoon sa halip na sa mga tao,
sapagkat kapantay ng kanyang kamahalan ang kanyang habag.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 1. 2-3. 4-5. 6-7. 8-9.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
Mahal ko ang Panginoon, pagkat ako’y dinirinig,
dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako’y kanyang dinirinig tuwing ako’y tumatawag,
kung ako ay tumatawag sinasagot niya agad.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
Noong ako’y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
Sa ganoong kalagayan, ang Poon ang tinawag ko,
at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
Mabuti ang Panginoon, siya’y mahabaging Diyos,
tunay siyang mahabagin, at mapagpahinuhod.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
Ang Poon ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo.
Noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
Manalig ka, O puso ko, sa Diyos ka magtiwala
pagkat siya ay mabuti’t di marunong magpabaya.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
Ako’y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
tinubos sa pagkatalo, at luha ko’y pinahiran.
Sa harap ng Panginoon doon ako mananahan,
doon ako mananahan sa daigdig nitong buhay.
Mahalaga sa Maykapal
ang kamatayan ng banal.
Maaaring laktawan ang kasunod na pagbasa.
IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 2, 1-25
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro
Mga kapatid, talikdan na ninyo ang lahat ng kasamaan: ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at paninirang-puri. Gaya ng sanggol, kayo’y manabik sa gatas ng espirituwal upang umunlad sa pananampalataya hanggang kamtan ang ganap na kaligtasan. Sapagkat tulad ng sinasabi sa Kasulatan: “Nalasap na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
Lumapit kayo sa kanya, sa batong buhay na itinakwil ng mga tao, ngunit hinirang ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Wari’y mga batong buhay, maging sangkap kayo ng isang templong espirituwal. At bilang mga saserdoteng nakatalaga sa Diyos, maghandog kayo sa kanya ng mga haing espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos dahil kay Hesukristo. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Masdan ninyo, itinayo ko sa Sion ang isang batong panulukan,
hinirang at mahalaga;
hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.”
Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga may pananalig.
Ngunit sa mga walang pananalig, matutupad ang nasa Kasulatan:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulukan,”
at
“Naging batong katitisuran at ikararapa ng mga tao.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ito ang itinalaga sa kanila.
Datapwa’t kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos, Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumatawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo’y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo’y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo’y sumasainyo ang kanyang awa.
Mga pinakamamahal, ipinamamanhik ko sa inyo, bilang mga dayuhang nakikipamayan sa daigdig na ito, talikdan na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa espiritu. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga walang pananampalataya. Kahit na pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating, kapag nakita nila ang inyong mabuting gawa.
Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan: sa Emperador, at pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador na sugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagagawa ng matuwid. Sapagkat ibig ng Diyos na pabulaanan ng inyong wastong pamumuhay ang sinasabi ng mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. Kayo’y malaya, subalit ang kalayaa’y huwag ninyong gagawing dahilan sa paggawa ng masama kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Kristo. Mamuhay kayong may takot sa Diyos at may paggalang sa Emperador.
Mga alipin, igalang ninyo at sundin ang inyong panginoon, hindi lamang ang mababait kundi pati malulupit. Sapagkat kalulugdan ng Diyos ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kanyang kalooban. Maipagkakapuri kaya ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit pagpapalain kayo ng Diyos kung kayo’y maparusahan sa paggawa ng mabuti. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkahirang sa inyo ng Diyos; sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumagawa ng anumang kasalanan o nagsinungaling kailanman. Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti. Nang siya’y pahirapan, hindi siya nagbanta. Nanalig siya sa Diyos na makatarungan. Sa kanyang pagkamatay sa krus, dinala niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo’y gumaling sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 5, 10
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:
“Mapalad ang mga aba na walang nang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad ang mga nahahapis,
sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”
“Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”
“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos,
sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.”
“Mapalad ang mga mahabagin,
sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”
“Mapalad ang may malinis na puso,
sapagkat makikita nila ang Diyos.”
“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo,
sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”
“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang
pagsunod sa kalooban ng Diyos,
sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”
“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayun din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Iniluluhog natin sa Diyos Ama ang ating mga pangangailangan dahil tinawag tayo ng kanyang Anak na si Jesus upang sundan siya. Manalangin tayo nang may pananalig para sa biyaya na tanggapin ang pagtawag na ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming ganap kay Kristo.
Ang mga pinuno ng Simbahan at lahat ng nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y masigasig na magpatuloy sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating komunidad nawa’y mapanibago sa araw-araw sa pamamagitan ng pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa mas maganda at mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nawalan na ng pag-asa dahil sa mga kasalanan nawa’y mapagtanto na kasama nating naglalakbay ang ating Panginoon at tinutulungan tayo sa pagpasan ng ating krus, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahina ng karamdaman o pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas-loob ng kasiyahang mula sa Diyos sa pamamagitan ng kalinga at pag-aaruga ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na sumunod kay Jesus sa buhay na ito nawa’y makapasok sa walang hanggang presensya ng Diyos sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa langit, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.