Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

SABADO, DISYEMBRE 16, 2023

SHARE THE TRUTH

 8,728 total views

Sabado ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon

Sirak 48, 1-4. 9-11
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Mateo 17, 10-13

Saturday of the Second Week of Advent (Violet)

UNANG PAGBASA
Sirak 48, 1-4. 9-11

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Noong mga araw na iyon, lumitaw si Elias na parang apoy,
parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
Sa pangalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!
Sino ang makatutulad sa mga ginawa mo?
Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipo-ipo,
lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagsunduin ang mga magulang at mga anak,
at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
at yaong mga namatay na umiibig sa Diyos,
sapagkat kami rin ay mabubuhay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16. 18-19

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Pastol ng Israel, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, at tubusin sa hirap!

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Ika’y manumbalik,
O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito’y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
Lumapit ka sana,
ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo’t iyong pinalakas!

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

Ang lingkod mong mahal
ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay iyong ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
At kung magkagayon,
magbabalik kami’t di na magtataksil sa ‘yo kailanman,
kami’y pasiglahi’t aming pupurihin ang iyong pangalan.

Akitin mo, Poong mahal,
iligtas kami’t tanglawan.

ALELUYA
Lucas 3, 4. 6

Aleluya! Aleluya!
Daan ng Poong nar’yan na
t’wiri’t ihanda sa kanya
Pagtubos n’ya’y makikita.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 17, 10-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Habang bumababa sila sa bundok, tinanong si Hesus ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Sumagot siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, ngunit hindi siya nakilala ng mga tao. At kanilang ginawa sa kanya ang gusto nila. Gayon din naman, pahihirapan nila ang Anak ng Tao.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Sabado

Isinugo ng Diyos sina Elias at Juan Bautista upang paalalahanan ang mga tao na nararapat nilang baguhin ang kanilang pamumuhay. Idalangin natin sa Diyos Ama na tulungan tayong magkamit ng tunay na pagbabagong-loob.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Emmanuel, dinggin mo ang aming panalangin.

Ang Santo Papa at mga obispo ng Simbahan nawa’y maging inspirasyon ng mga tao upang patuloy na manalig sa Diyos sa kabila ng mga dinaranas na mga paghihirap sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nagsisikap manampalataya nawa’y makita at madama ang Diyos na kumikilos sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang at guro nawa’y maipamana sa mga kabataan ang pananampalataya na ating kinagisnan sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo at magagandang halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makabahagi sa pag-asa at kagalakang hatid ng panahon ng Adbiyento, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang gantimpala sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, tulungan mo kaming ituwid ang aming mga daan sa panahong ito ng Adbiyento upang kami ay maging handa sa pagdating ni Kristo na aming Panginoon magpasawalang hanggan. Amen.


Ika-16 ng Disyembre
(Simbang Gabi)

Isaias 56, 1-3a. 6-8
Salmo 66, 2-3. 5. 7-8.

Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.

Juan 5, 33-36

16th of December (Aguinaldo Mass) (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1-3a. 6-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin.
Ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.
Mapalad ang taong gumagawa nito,
ang anak ng taong ang tuntuni’y ito.
Ginaganap niya ang marapat gawin sa Araw ng Pamamahinga,
sa gawang masama, ang kanyang sarili’y iniiwas.”
Di dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos,
na siya’y hindi papayagan ng Panginoon
na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ipinangako pa ng Panginoon,
sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
para mapabilang sa kanyang bayan.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 7-8

Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.

O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.

Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.

Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.

Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.

Nag-aning mabuti ang mga lupain,
pinagpala kami ng Poon, Diyos namin!
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.

Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Halina’t kami’y dalawin.
Kapayapaan mo’y dalhin
upang umiral sa amin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 5, 33-36

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio, “Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo’y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit sa patotoo ni Juan: ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap – iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI ?- Unang Araw

Sa pagsisimula ng Simbang Gabi, idulog natin ang ating mga kahilingan sa Panginoon nang may mga pusong puspos ng pag-asa at pagtitiwala:

Halina, Panginoon kailangan ka namin!

Para sa Inang Simbahan: Nawa’y matugunan niya ang panawagan ng Panginoon para sa pagbabago alinsunod sa ilaw ng Ebanghelyo upang maging inspirasyon sa sangkatauhan. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating Obispo, at lahat ng mga pari: Nawa’y, tulad ng mga propeta noong una, maipaalaala nila sa atin ang mga tunay na dapat pahalagahan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng Pilipinong nasa ibang bansa: Nawa’y ipagdiwang nila ang ganitong Nobena nang kasintaimtim ng kung sila’y narito sa sariling bayan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng walang trabaho, walang tirahan, maysakit o nagdurusa: Nawa’y pukawin sa kanilang pagsisimula ng Simbang Gabi ang matibay na pag-asa para sa magandang pagbabago. Manalangin tayo!

Para sa mga Pilipinong mag-anak, lalo na ang nahaharap sa iba’t ibang pagsubok: Nawa’y ang Nobenang Pamaskong ito’y maging bukal ng paggaling at pagpapalakas. Manalangin tayo!

Para sa ating mga kabataan: Nawa’y hindi sila maakit ng mga bagay na makamundo, sa halip ay pagsikapan nilang hanapin ang Panginoon ng buong puso upang sa bawat gawain sila ay gabayan ng katanungang: “Kung si Hesus ang nasa kalagayan ko, ano ang kanyang gagawin?” Manalangin tayo!

Para sa ating pamayanan: Nawa ang Nobenang ito’y maging isang pagkakataong lalong mapalapit sa Panginoon at muling magpahalaga sa ating pananampalataya. Manalangin tayo!

Para sa mga may malubha at permanenteng kapansanan: maging tampulan nawa sila ng atensyon at kalinga ng lipunan, manalangin tayo.

Panginoong Hesus, itulot mong ang Simbang Gabing ito’y maging panahon ng taimtim na pagbabagong espirituwal. Nawa’y makapaghanda kami para sa pagdiriwang ng iyong kaarawan. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 69,684 total views

 69,684 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 82,224 total views

 82,224 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 104,606 total views

 104,606 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 124,187 total views

 124,187 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 45,369 total views

 45,369 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 45,600 total views

 45,600 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 46,110 total views

 46,110 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 33,629 total views

 33,629 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 33,738 total views

 33,738 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top