8,134 total views
Ika-23 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
Malakias 3, 1-4. 23-24
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14
Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.
Lucas 1, 57-66
23rd of December (Aguinaldo Mass) (White)
UNANG PAGBASA
Malakias 3, 1-4. 23-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Malakias
Narito ang pahayag ng Makapangyarihang Panginoon, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”
Ngunit sino ang makatatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makahaharap pag siya’y napakita na? Siya’y parang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang matapang na sabon. Darating siya para humatol at dadalisayin niya ang mga saserdote, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Sa gayon, magiging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon, at ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa kanya, tulad ng dati. Ngunit bago dumating ang nakahihindik na araw ng Panginoon, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakalapit ang loob ng mga ama’t mga anak. Kung hindi’y mapipilitan akong pumariyan at wasakin ang inyong bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4bk-5ab. 8-9. 10 at 14
Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.
Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan.
Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.
Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga sarili’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.
Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.
Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay
sa tumatalima sa utos at tipan.
Sa tumatalima, siya’y kaibigan,
at tagapagturo ng banal na tipan.
Itaas n’yo ang paningin,
kaligtasa’y dumarating.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Hari’t batong panulukang
Saligan ng Sambayanan,
halina’t kami’y idangal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.
Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya – gaya ng kanyang ama – ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipangangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapit-bahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
SIMBANG GABI – Ikawalong Araw
Ang kapanganakan ni Juan ay isang tiyak na hakbang sa ikatutupad ng ipinangakong Mesiyas na ipadadala ng Diyos. Taglay sa ating isipan ang katapatan ng Diyos, manalangin tayo para sa pagpapahalaga sa katangiang ito sa ating buhay:
Panginoon, gawin Mo kaming tapat na tulad Mo!
Nawa’y ang Simbahan, sa pamamatnubay ng Santo Papa, ay maging lalong tapat sa kanyang misyon bilang kasangkapan ng pagliligtas sa sangkatauhan. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng pari at relihiyoso ay maging maningning na halimbawa ng katapatan sa kanilang pangakong mamuhay alinsunod sa mahigpit na tagubilin ng Ebanghelyo. Manalangin tayo!
Nawa’y pairalin ng mga mag-asawa ang pagkakasundo ng kanilang mga mag-anak sa pamamagitan ng kanilang kata- patan sa isa’t isa alang-alang sa kapakanan ng kanilang mga anak. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng guro, katekista, at namumuno sa mga kabataan ay magpahalaga sa kanilang pangakong magsikap para sa wastong pagpapalaki sa kabataang nasa kanilang pangangalaga. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng nagtataguyod ng kapayapaan at katarungan ay umani ng bunga ng kanilang paghihirap. Manalangin tayo!
Para sa mga may malubha at permanenteng kapansanan: maging sentro nawa sila ng atensyon at pagkalinga ng buong mundo, manalagin tayo!
Panginoong Diyos, papagningasin Mo sa amin ang lalong taimtim na paghahangad na masaksihan ang katuparan ng Iyong pangako at ang kapasiyahang tumulad sa Iyo, Ikaw na laging tapat at nabubuhay at naghahari magpasa walang hanggan. Amen!