35,461 total views
Mga Kapanalig, hindi maaaring mawala ang kanin sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino, kaya mahalagang tiyaking sapat ang suplay ng bigas sa mga pamilihan. Pero sa halip na dumepende tayo sa suplay mula sa mga sakahan natin, bumubuhos ang imported o inaangkat na bigas mula sa ibang bansa.
Mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, umabot na sa mahigit 2.2 milyong metric tons ang inangkat na bigas ng Pilipinas. Mas mataas ito ng halos 15% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa Department of Agriculture, kinakailangan ito upang maiwasan ang kakulangan sa suplay matapos bumaba ng 6.3% ang lokal na produksyon ng palay sa unang apat na buwan ng taon. Umabot lamang ito sa 4.4 milyong metric tons, pinakamababang unang quarter output mula noong 2020. Pinangangambahang lalo pang lumiit ang ani dahil sa nagbabadyang Super El Niño, kung saan maaaring mawala ang tinatayang hanggang 700,000 metric tons ng produksyon dahil sa tagtuyot, bukod pa sa hanggang 600,000 metric tons na posibleng mapinsala ng mga bagyo.
Sa sitwasyong ito, kawawa ang ating mga magsasaka! Kapag bumubuhos ang imported na bigas sa merkado, bumababa rin ang presyo ng pagbili sa kanilang palay. Marami ang napipilitang magbenta sa mas mababang halaga upang makasabay sa murang imported na bigas. Sa huli, wala silang kikitain at hindi mababawi ang puhunan.
Nakakabahala pa ang naging pahayag ni Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa. Aniya, nag-aangkat tayo dahil sa inflation at sa mas murang presyo ng imported na bigas.
Bakit nga ba mas mura ang imported na bigas kaysa sa produktong pinaghirapan ng ating sariling mga magsasaka? Hindi ba dapat mas mura ang lokal na produkto dahil dito mismo ito itinatanim at inaani?
Ang sagot sa katanungang ito ay hindi matatagpuan sa ating mga magsasaka. Matatagpuan ito sa sistemang matagal nang nagpapabigat sa kanilang pasanin. Kulang na kulang ang suportang natatanggap nila mula sa pamahalaan–mula sa irigasyon at makabagong teknolohiya hanggang sa tulong upang mapababa ang gastos sa produksyon. Ang mga problemang ito ay hindi bago at hindi lingid sa kaalaman ng pamahalaan. Ngunit kahit malinaw na ang problema, pag-aangkat pa rin ng bigas ang pangunahing tugon ng pamahalaan sa tuwing may kakulangan sa suplay!
Ano na ang nangyari sa paalalang “support local” o ”tangkilikin ang sariling atin“? Tila mas matimbang sa gobyerno ang murang bigas mula sa ibang bansa kaysa sa ani ng sarili nating mga magsasaka. Ang tunay na pagpapahayag ng suporta sa lokal na agrikultura ay hindi lamang paghikayat na bumili ng produktong Pilipino. Ito ay ang pagtitiyak na may sapat at pangmatagalang suporta ang mga magsasaka upang mapababa ang gastos sa produksyon at maging abot-kaya rin ang kanilang mga produkto.
Wala namang masama sa pag-import, pero hindi lamang ito dapat maging pangunahin at pangmatagalang solusyon. Gagamitin lang ang importasyon kapag hindi na talaga kayang tugunan ng lokal na produksyon ang pangangailangan ng bansa.
Mga Kapanalig, sa Bibliya, kadalasang ginagawang simbolo ng sipag, tiyaga, at pananampalataya ang pagtatanim. Ngunit sinasabi rin dito, lalo na sa 2 Timoteo 2:6, ”ang magsasakang nagpapakapagod ang dapat na unang makinabang sa mga ani.” Paalala ito na maging ang mga nagtatanim para tayo ay may kainin ay nararapat lamang na makinabang din sa bunga ng kanilang paggawa. Kaya naman, tulad ng binigyang-diin ni Pope Francis, may pananagutan ang mga namumuno na magbigay ng malinaw at matatag na suporta sa kanila. Kung nais nating matiyak na may kanin sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino, kailangan nating tiyaking ang mga magsasaka natin ay may sapat na suporta, kakayahan, at pag-asang sila ay may aanihin sa pagtatanim nila.
Sumainyo ang katotohanan.




