8,155 total views
Ika-6 na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 12-17
Salmo 95, 7-8a. 8b-9. 10
Magalak ang kalangitan
at daigdig ay magdiwang.
Lucas 2, 36-40
The Sixth Day in the Octave of Christmas (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 2, 12-17
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat ipinatawad na ang inyong mga kasalanan, alang-alang kay Kristo. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa’y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat tinalo ninyo ang Masama. Sinulatan ko kayo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sinulatan ko kayo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa’y siya na. Sinulatan ko kayo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo ninyo siya, ang Masama.
Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan – ang nakapupukaw sa masamang pita ng laman, ang mga nakatutukso sa paningin, at ang karangyaan sa buhay – ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito; ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 7-8a. 8b-9. 10
Magalak ang kalangitan
at daigdig ay magdiwang.
Panginoon ay purihin ng lahat sa sandaigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal.
Magalak ang kalangitan
at daigdig ay magdiwang.
Dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay.
Kung Panginoo’y dumating, sa likas n’yang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
Magalak ang kalangitan
at daigdig ay magdiwang.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
Magalak ang kalangitan
at daigdig ay magdiwang.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Banal na araw sumikat:
halina’t sumambang lahat
sa nanaog na Liwanag!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 36-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, naroon sa templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa ng mga magulang ni Hesus ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang batang si Hesus ay lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Disyembre 30
Inialay ng propetang si Ana ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa Panginoon at hindi napagod sa pagsamba sa Diyos sa araw at gabi. Ialay natin sa Ama ang ating mga sariling panalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng aming mga pag-asa, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang Simbahan nawa’y makapag-alay ng karapat-dapat na pagsamba sa Diyos at maging tapat sa pagdulog sa Diyos ng mga pangangailangan ng mga tao sa pamamagitan ng panalangin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y makapaglingkod nang lubos sa kanilang mga nasasakupan bunga ng pag-ibig sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tinawag sa paglilingkod sa Simbahan nawa’y maglingkod sa Diyos nang buong pagtalima at walang pag-aalinlangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at pinag-uusig nawa’y ialay sa Diyos ang mga pagsubok at paghihirap na kanilang dinaranas bilang angkop na pagsamba, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maihanay sa mga banal at mga anghel sa kanilang pagsamba sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, nilikha mo kami para sa iyo. Tulungan mo kaming parangalan ka sa pamamagitan ng aming huwarang pamumuhay. Hinihiling namin ito sa pamamgitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.