Sabado, Hunyo 28, 2025

SHARE THE TRUTH

 326 total views

Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria

2 Corinto 5, 14-21
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Lucas 2, 41-51

Memorial of the Immaculate Heart of Mary (White)

UNANG PAGBASA
2 Corinto 5, 14-21

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, sapagkat ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.

Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayun ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Kristo, ibinilang niya akong kaibigan – di na kaaway – at hinirang niya ako upang panumbalikin sa kanya ang mga tao. Ang ibig kong sabihin, ang tao’y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Kristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito.

Kaya’t ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8-9. 11-12

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.

Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.

ALELUYA
Lucas 2, 19

Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang matapat
sa pagsunod sa pahayag
ng D’yos na Tagapagligtas.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria

Idalangin natin sa Diyos na mapagmahal nating Ama na sa pagsunod natin sa halimbawa ni Maria, sa tuwina ay hanapin at tuparin natin ang kanyang kalooban.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ilapit mo kami sa Iyo, Ama.

Ang Simbahan nawa’y maipakita ang kababaang-loob ni Maria sa pamamagian ng kusang-loob na paglilingkod sa Diyos at sa tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Si Kristo nawa’y makatagpo ng isang bukas na tahanan sa puso ng mga tao katulad ng natagpuan niyang nakahandang tirahan kay Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang tunay na diwa ng pananalangin nawa’y tumimo nang malalim sa puso ng mga tao upang marinig nila ang daing ng mga dukha kung paanong lumagos ito sa Kalinis-linisang Puso ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga may karamdaman sa katawan at pag-iisip nawa’y makatagpo ng kagalingan at ginhawa sa makapangyarihang pamamagitan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nasa bingit ng kamatayan nawa’y umasa kay Maria bilang pinanggagalingan ng kanilang lakas at kaginhawahan ng loob katulad noong siya ay nakatayo sa paanan ng krus ng kanyang Anak, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na aming Panginoon at Guro, linisin mo ang aming puso upang tanggapin namin si Kristo na iyong Anak ayon sa diwa ng pananampalataya at pagsunod ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.


Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Pagmimisa sa Bisperas

Mga Gawa 3, 1-10
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Galacia 1, 11-20
Juan 21, 15-19

Vigil of the Solemnity of Sts. Peter and Paul, Apostles (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 3, 1-10

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, ikatlo ng hapon, oras ng pananalangin, nagpunta sina Pedro at Juan sa templo. Sa malapit sa tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking ipinanganak na lumpo. Dinadala siya roon araw-araw upang magpalimos. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, siya’y nanghingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabihan ni Pedro, “Tumingin ka sa amin!” Tumingin nga siya sa pag-asang siya’y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subalit may iba akong ibibigay sa iyo: sa ngalan ni Hesukristong taga-Nazaret, lumakad ka.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinindig. Pagdaka’y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; ito’y napalukso at nagsimulang lumakad. Paluksu-lukso siyang pumasok sa templo, kasama nila, at masayang nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya’y lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas sila nang makilala nilang siya ang pulubing dati’y nakaupo sa Pintuang Maganda ng templo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

IKALAWANG PAGBASA
Galacia 1, 11-20

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na hindi katha ng tao ang Mabuting Balitang ipinangaral ko. Hindi ko ito tinaggap mula sa tao, ni itinuro sa akin ng tao. Si Hesukristo ang nagpahayag nito sa akin.

Hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno.

Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumasangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa sa akin. Sa halip nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

Totoong lahat ang sinasabi ko sa sulat na ito. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 21, 17d

Aleluya! Aleluya!
Poon, tana’y iyong batid,
sa iyo ay hindi lingid;
ika’y aking iniibig.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 21, 15-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang muling napakita si Hesus sa mga alagad niya at nang makakain sila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat maikatlo siyang tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
San Pedro at San Pablo

Ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama nang may pananampalatayang katulad ng kina San Pedro at San Pablo, ng pananampalatayang katulad ng sa mangingisda kung kanino itinatag ang Simbahan, at ng pananampalataya ng guro ng napakaraming bansa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, maging bato ka nawa namin.

Ang Santo Papa Francisco, ang kahalili ni San Pedro, nawa’y hawakan ang mga susi ng Kaharian nang may karunungan at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y magkaroon ng sigasig ni San Pablo sa paghahatid ng Mabuting Balita, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating pananampalataya nawa’y mahalin natin at maging handang magbahagi nito sa iba, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya nawa’y makatagpo ng lakas sa dugong ibinuhos ng mga Apostol, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y gawing karapat-dapat sa korona ng kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos at Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito na natitipon ayon sa pananampalataya ng mga Apostol at natutulungan ng kanilang pamamagitan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Battle of uncertainty

 11,068 total views

 11,068 total views Napakahaba na ng kasaysayan ng government corruption sa Pilipinas. Napakatibay ng ugat nito, ito ang napaka-panget na katotohanan sa pamamahala ng pamahalaan. Nagsisimula

Read More »

Gawing viral ang katotohanan

 24,430 total views

 24,430 total views Mga Kapanalig, “The truth shall set us free! Not AI, not fake news!” Ito ang pahayag ni House of Representatives spokesperson Princess Abante

Read More »

Pakikiisa sa mga imigrante

 39,250 total views

 39,250 total views Mga Kapanalig, libu-libong taga-Amerika ang lumabas sa mga lansangan ng Los Angeles sa Estados Unidos bilang pagtutol sa mararahas na raids ng Immigration

Read More »

Lupain ng kapayapaan

 56,721 total views

 56,721 total views Mga Kapanalig, mahigit isang buwan nang Santo Papa si Pope Leo XIV. Noong Mayo 30, may ganito siyang pahayag: “the path to peace

Read More »

EARLY CHILDHOOD CARE AND DEVELOPMENT

 110,145 total views

 110,145 total views Napakaraming magagandang batas sa Pilipinas Kapanalig, pero marami sa mga ito ay hindi naipatupad ng maayos,palpak ang implementasyon… naging ugat ng katiwalian at

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Biyernes, Hunyo 27, 2025

 1,610 total views

 1,610 total views Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (K) Ezekiel 34, 11-16 Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6 Pastol ko’y Panginoong D’yos hindi ako

Read More »

Huwebes, Hunyo 26, 2025

 2,498 total views

 2,498 total views Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Genesis 16, 1-12. 15-16 Salmo 105, 1-2. 3-4a. 4b-5 Pasalamat tayo sa D’yos, kabutihan niya’y

Read More »

Miyerkules, Hunyo 25, 2025

 3,441 total views

 3,441 total views Miyerkules ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Genesis 15, 1-12. 17-18 Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9 Nasa isip ng Maykapal ang

Read More »

Martes, Hunyo 24, 2025

 4,247 total views

 4,247 total views Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista Isaias 49, 1-6 Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15 Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha

Read More »

Lunes, Hunyo 23, 2025

 5,904 total views

 5,904 total views Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Genesis 12, 1-9 Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21 Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top