Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Biyernes, Hunyo 27, 2025

SHARE THE TRUTH

 3,226 total views

Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (K)

Ezekiel 34, 11-16
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Pastol ko’y Panginoong D’yos
hindi ako magdarahop.

Roma 5, 5b-11
Lucas 15, 3-7

Solemnity of the Most Sacred Heart of Jesus (White)

UNANG PAGBASA
Ezekiel 34, 11-16

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinabi ng Panginoon: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saan man sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Titipunin ko sila mula sa iba’t ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang kailangan nilang pagkain.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Pastol ko’y Panginoong D’yos
hindi ako magdarahop.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos
hindi ako magdarahop.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Pastol ko’y Panginoong D’yos
hindi ako magdarahop.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Pastol ko’y Panginoong D’yos
hindi ako magdarahop.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay.
Doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos
hindi ako magdarahop.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 5, 5b-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:

Ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin.

Sapagkat noong tayo’y mahihina pa, namatay si Kristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid – bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya. Dati, tayo’y mga kaaway ng Diyos, ngunit ngayon, tinatanggap na niya tayong mga kaibigan alang-alang sa pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya’t tiyak ang pagkaligtas natin sa pamamagitan ng pagiging buhay ni Kristo. Hindi lamang ito! Nagagalak tayo’t nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo ng Diyos na mga kaibigan niya.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 11, 29ab

Aleluya! Aleluya!
Sabi ni Hesus na mahal:
“Dalhin n’yo ang aking pasan;
kaamuan ko’y tularan.”
Aleluya! Aleluya!

o kaya:
Juan 10, 14

Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 15, 3-7

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo at mga eskriba ang talinghagang ito: “Kung ang sinuman sa inyo ay may sandaang tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus

Makatatawag tayo sa ating Ama nang may pagtitiwala sapagkat binuksan niya sa atin ang kanyang puso dahil kay Kristo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin Mo kami ng iyong pagibig, Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y maging kapani-paniwalang tanda at kasangkapan ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mag-anak nawa’y mamuhay na mayroong tunay na pagmamahalan at pagkakaunawaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nahihirapan at nabibigatan sa mga pasanin sa buhay nawa’y makatagpo ng ginhawa sa mapagbigay na Puso ng ating Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makilala ang pag-ibig ni Kristo sa kanilang pakikiisa sa paghihirap ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kagalakan sa Puso ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming mahabagin, tanggapin mo ang mga panalanging ito na iniaalay namin kaisa ng tinusok ng sibat na Puso ng iyong Mahal na Anak na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Magkaayos Kaysa Maghiwalay

 15,697 total views

 15,697 total views Sa pagsisimula ng 20th Congress, muli na namang isinulong sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang divorce bill. Kailangan ba talaga

Read More »

Dagdag nga ba o bitin pa rin?

 53,537 total views

 53,537 total views Mga Kapanalig, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (o DOLE) na magkakaroon ng dagdag na ₱50 sa arawang minimum wage sa Metro

Read More »

Ka-tiwala, hindi ka-tiwali

 64,493 total views

 64,493 total views Mga Kapanalig, noong nakaraang Lunes ay nagsimula na ang termino ng mga nanalo sa nakaraang eleksyon. Maraming mga opisyal—mula sa mga senador hanggang

Read More »

50-PESOS WAGE HIKE

 89,853 total views

 89,853 total views 50-pisong dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earners. Dapat bang matuwa ang mga manggagawang Pilipino lalu sa National Capital Region? Sa

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Linggo, Hulyo 13, 2025

 155 total views

 155 total views Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Deuteronomio 30, 10-14 Salmo 68, 14 at 17. 30-31. 33-34. 36ab at 37 Dumulog tayo sa Diyos

Read More »

Sabado, Hulyo 12, 2025

 787 total views

 787 total views Sabado ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado Genesis 49, 29-32; 50, 15-26a

Read More »

Biyernes, Hulyo 11, 2025

 1,414 total views

 1,414 total views Paggunita kay San Benito, abad Genesis 46, 1-7. 28-30 Salmo 36, 3-4. 18-19. 27-28. 39-40 Nasa D’yos ang kaligtasan ng mga mat’wid at

Read More »

Huwebes, Hulyo 10, 2025

 2,059 total views

 2,059 total views Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) Genesis 44, 18-21. 23b-29; 45, 1-5 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod

Read More »

Miyerkules, Hulyo 9, 2025

 2,396 total views

 2,396 total views Miyerkules ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top