98 total views
Sabado ng Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Norberto, obispo
o kaya Paggunita na Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
2 Timoteo 4, 1-8
Salmo 70, 8-9. 14-15ab. 16-17. 22
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Marcos 12, 38-44
Saturday of the Ninth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Norbert, Bishop (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 1-8
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal, inuutusan kita sa ngalan ng Diyos at ni Kristo Hesus na hahatol sa mga buhay at mga patay: alang-alang sa kanyang pagparito at paghahari, ipangaral mo ang salita ng Diyos, napapanahon man o hindi; hikayatin mo, pagsabihan, at patatagin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig. Ibabaling nila sa mga alamat ang kanilang pansin at hindi na nila pakikinggan ang katotohanan. Kaya, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras. Pagtiisan mo ang mga kahirapang dumarating sa iyo. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Mabuting Balita. Tupdin mo ang iyong mga tungkulin, bilang tagapaglingkod ng Diyos.
Ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 8-9. 14-15ab. 16-17. 22
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Tunay akong nagpupuri, nagpupuri buong araw,
akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Ngayong ako’y matanda na h’wag mo akong babayaan,
katawan ko’y mahina na kaya ako’y h’wag iiwan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Pagkat ikaw, Panginoon, ay malakas at dakila,
ang taglay mong katangia’y ihahayag ko sa madla.
Sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Tutugtugin ko ang alpa’t pupurihin kitang tunay,
pupurihin kita, O Diyos, dahil sa ‘yong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko’y tutugtugin,
iuukol ko ang tugtog sa ‘yo, Banal ng Israel.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 12, 38-44
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”
Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikasiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Mayroon tayong iisang Ama sa lahat, at iisang Guro, ang kanyang bugtong na Anak. Dumulog tayo sa ating Ama para sa lahat ng kanyang mga anak sa mundo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, pakinggan mo ang aming panalangin.
Ang mga tumatanggap ng sakramento ng orden para sa banal na paglilingkod nawa’y maging tapat at totoo sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos at sa Simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y maibigay ang mabuti at magaling na serbisyo sa tao at hindi unahin at paglingkuran ang kanilang sariling kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kababaang-loob ni Kristo nawa’y pumigil at magpasuko sa kapalaluan at pagkukunwari ng mga taong may matayog na pagtingin sa sarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y tumanggap ng banal na pagbubunyag bilang mensahe ng Diyos sa bisa ng kanyang kapangyarihan at hindi ayon sa kaisipan lamang ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapayapaan sa Muling Nabuhay na Tagapagligtas, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos at Ama ng lahat ng sangkatauhan, itinataas namin sa iyo ang mga panalangin ng mga sumasampalataya sa iyo, gayundin ang mga hindi pa nakaririnig ng iyong banal na ngalan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

