2,103 total views
Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Bernardino ng Siena, pari
Mga Gawa 18, 23-28
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Juan 16, 23b-28
Saturday of the Sixth Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. Bernardine of Siena, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 23-28
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Matapos tumigil sa Antioquia nang kaunting panahon, si Pablo’y muling naglakbay. Ginaygay niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad.
Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos na ipinangangak sa Alejandria. Mahusay siyang magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Hesus, ngunit ang binyag na nalalaman niya ay ang binyag ni Juan. Siya’y walang takot na nagsalita sa sinagoga ng mga Judio. Narinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, kaya’t isinama nila ito sa bahay nila at doo’y ipinaliwanag na mabuti ang mga bagay na hindi pa niya alam tungkol sa Daan ng Diyos. At nang ipasiya niyang tumawid sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob. Sumulat sila sa mga kapatid doon na malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga nanampalataya sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos. Sapagkat walang magawa sa kanya ang mga Judio sa hayagang pagtatalo, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Hesus ang Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
o kaya: Aleluya!
Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
Siya’y naghahari sa sangkatauhan.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ng mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang madlang mga pamunuan
ng lahat ng bansa sa sandaigdigan;
ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na hari ng tanan.
Hari ng sangkalupaan
D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Juan 16, 28
Aleluya! Aleluya!
Mula sa Ama si Kristo
at naparito sa mundo
nang sa langit dalhin tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 23b-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad:
“Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko; humingi kayo, at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
“Ang mga ito’y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang gayun; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na yao’y hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan; at hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo, sapagkat iniibig nga kayo ng Ama. Iniibig niya kayo sapagkat ako’y iniibig ninyo at naniwala kayong nagmula ako sa Diyos. Ako’y mula sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo’y aalis ako sa sanlibutan at babalik sa Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado
Inaanyayahan tayo ni Jesus na ilapit ang ating mga kahilingan sa Ama sa pamamagitan niya at tinitiyak niya ang ating madaramang kagalakan bilang tugon sa ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mong lubos ang aming kagalakan.
Ang mga pinuno ng Simbahan, sa pamamagitan ng kanilang pangangaral at patnubay nawa’y umakay sa atin sa kaluwalhatian ng ating tahanan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nanunungkulan sa pamahalaan nawa’y pagkalooban ng biyayang makapaglingkod nang may katapatan at dangal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong naghihirap at may mabibigat na pasanin sa buhay nawa’y makatanggap ng lakas mula sa Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatanggap ng ginhawa at pagpapalakas ng loob mula sa kanilang mga mahal sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal sa buhay na namayapa na, ay maihatid nawa sa kagalakan at kaluwalhatian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, sa tuwina’y dinidinig mo kami at ipinagkakaloob ang lahat ng aming hinihiling sa pamamagitan ng mga kagalingan ng iyong Anak. Manatili nawa sa amin ang iyong Espiritu upang ituro sa amin kung ano ang nararapat naming hilingin sa Diyos at ibuhos ang iyong mga biyaya sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.