2,435 total views
Sabado sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 28, 16-20. 30-31
Salmo 10, 4. 5. at 7
Poon, ang mga mabuti
ay kapiling mo parati.
Juan 21, 20-25
Saturday of the Seventh Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 28, 16-20. 30-31
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Pagdating namin sa Roma, si Pablo’y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan kasama ang isang kawal na pinakatanod niya.
Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lungsod. Nang magkatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, bagamat wala akong ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at isinakdal sa kinatawan ng pamahalaang Romano. Matapos akong litisin, ako sana’y palalayain na sapagkat wala naman akong ginawa na dapat parusahan ng kamatayan. Ngunit tumutol ang mga Judio, kaya’t napilitan akong dumulog sa Emperador, bagamat wala akong sakdal laban sa ating mga kababayan. Nagagapos ako ng tanikalang ito dahil kay Hesus, ang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.”
Humigit-kumulang sa dalawang taong nanirahan si Pablo sa Roma, sa bahay na kanyang inuupahan, at tinanggap niya ang lahat ng nagsadya sa kanya. Hayagan at walang sagabal na nangangaral siya tungkol sa paghahari ng Diyos at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 10, 4. 5 at 7
Poon, ang mga mabuti
ay kapiling mo parati.
o kaya: Aleluya!
Ang Panginoong Diyos ay matatagpuan sa banal na templo,
at doon naman sa mataas na langit, naroon ang trono;
at magbuhat doon ay pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maliligid anuman ang gawin ng lahat ng ito.
Poon, ang mga mabuti
ay kapiling mo parati.
Lahat ng mabuti pati ang masama ay sinisiyasat,
namumuhing lubos siya sa suwail na wala nang batas.
Ang Poon ay tapat, sa gawang mabuti siya’y nalulugod
at sa piling niya, mabubuhay silang sa kanya’y sumunod.
Poon, ang mga mabuti
ay kapiling mo parati.
ALELUYA
Juan 16, 7. 13
Aleluya! Aleluya!
Espiritung isusugo
totoo ang ituturo,
pangako ni Kristong Guro.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 21, 20-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Hesus – yaong humilig sa dibdib ni Hesus nang sila’y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” Nang makita siya ni Pedro, tinanong nito si Hesus, “Panginoon, ano po naman ang mangyayari sa taong ito?” Sumagot si Hesus, Kung ibig kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” Kumalat sa mga kapatid ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito, bagamat hindi sinabi ni Hesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung ibig kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo?”
Ito nga ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito, at alam naming tunay ang kanyang patotoo.
At marami pang ginawa si Hesus na kung susulating lahat, inaakala kong hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na masusulat.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Sabado
Si Jesus, na nakipamuhay sa mga tao upang maglingkod bilang pagsunod sa kanyang Ama, ay nagnanais na unahin natin nang higit sa lahat ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ikaw ang lahat sa amin.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging mga tunay na lingkod na kumikilos nang may pagmamalasakit na katulad ng ipinakita ni Kristo sa kanyang mga apostol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y maging tapat sa kanilang mga pananagutan at makatupad sa kanilang mga tungkulin ayon sa diwa ng pag-ibig at paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdaranas ng kahirapan nawa’y tumanggap ng lakas mula sa Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may karamdaman nawa’y maunawaan na ang kanilang pagdurusa, kung titiisin bilang pakikiisa kay Kristo, ay maaaring maging biyaya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga namayapang kamag-anak at mga kaibigan nawa’y magtamasa ng kapanatagan sa walang hanggang tahanan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, binigyan ng iyong Anak ng higit na pagpapahalaga sa lahat ang mga bagay na makalulugod sa iyo, kahit humantong pa sa kanyang pagpapakasakit para sa sangkatauhan. Loobin mo na lagi namin siyang maparangalan sa tuwing ginagawa namin siyang pinakamahalaga sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Linggo ng Pentekostes
Pagmimisa sa Sabado ng Hapon
Genesis 11, 1-9
o kaya Exodo 19, 3-8a. 16-20b
o kaya Ezekiel 37, 1-14
o kaya Joel 3, 1-5
Salmo 103, 1-2a. 24 at 35k. 27-28. 29bk-30
Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Roma 8, 22-27
Juan 7, 37-39
Vigil of Pentecost (Red)
UNANG PAGBASA
Genesis 11, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Sa simula’y iisa ang wika ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat, nagawi sila sa silangan, sa isang kapatagan sa Sinar. Dito sila huminto at namayan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuing mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Ngayo’y magtayo tayo ng isang lungsod na may toreng abot sa langit upang matanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak.”
Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lungsod at ang toreng itinatayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng kanilang mga binabalangkas; hindi magluluwat at gagawa sila ng anumang kanilang maibigan. Ang mabuti’y puntahan natin at guluhin ang kanilang wika upang huwag silang magkaunawaan.” At pinangalat ng Panginoon ang mga tao sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lungsod. Babel ang itinawag nila sa lungsod na iyon, sapagkat doo’y ginulo ng Panginoon ang wika ng mga tao. At mula roon, pinapangalat nga niya ang mga tao sa buong daigdig.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Exodo 19, 3-8a. 16-20b
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, si Moises ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ito ang sabihin mo sa buong angkan ni Jacob, sa buong Israel: ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tulad ng pangangalaga ng isang agila sa kanyang mga inakay, kayo’y aking kinupkop. Kung susundin ninyo ako at hindi kayo sisira sa pakikipagtipan ko sa inyo kayo ang magiging bayan kong hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo’y aking itatangi. Kayo’y gagawin kong bayan ng mga saserdote na maglilingkod sa akin, nakatalaga sa akin.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” Kaya tinipon ni Moises ang mga lider ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon. Sila nama’y parang iisang taong sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ng Panginoon.”
Kinaumagahan ng ikatlong araw, nagkukulog sa bundok at sala-salabat ang kidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng tambuli. Lahat ng tao sa buong kampamento ay nanginig sa takot. Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumaba ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumailanlang ang usak, tulad ng usok ng isang pugon, at ang mga tao’y pinagharian ng takot. Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog. Ang Panginoon ay bumaba sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Ezekiel 37, 1-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Noong mga araw na iyon, nadama ko ang kapangyarihan ng Panginoon at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay dinala niya ako sa isang lambak na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na yaong puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”
Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Panginoon?”
Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang Salita ng Panginoon. Ito ang ipinasasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Sa gayun, makikilala nilang ako ang Panginoon.”
Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako’y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila’y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinasasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila’y mabuhay.” Nagpahayag nga ako at pumasok sa kanila ang hininga. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila’y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Joel 3, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao:
isasaysay ang inyong mga anak ang aking mga salita;
sari-sari ang mapapanaginip ng matatandang lalaki
at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki.
Sa panahong iyan, ibubuhos ko ang aking Espiritu
pati sa mga alipin, lalaki’t babae.
Magbibigay ako ng mga babala sa araw na yaon
at ito’y makikita sa langit at sa lupa:
Dadanak ang dugo, magkakaroon ng apoy at makapal na usok.
Magdidilim ang araw at ang buwan ay pupulang animo’y dugo
bago dumating ang nakatatakot na Araw ng Panginoon.
Ngunit lahat ng hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas.
Gaya ng kanyang sinabi, may mga taong makapangungubli
sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem.
Yaong mga pipiliin ng Panginoon ay makaliligtas.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1-2a. 24 at 35k. 27-28. 29bk-30
Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Pinupuri ka Poong Diyos, nitong aking kaluluwa,
O Panginoong aking Diyos, kay dakila mong talaga,
ang taglay mong kasuuta’y dakila ri’t marangal pa.
Nababatbat ka, Poong Diyos, ng liwanag na maganda.
Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Sa daigdig, ikaw Poon, kay rami ng iyong likha.
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito nagawa.
Sa dami ng nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.
Purihin ang Panginoon. O purihin mo nga siya!
Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Lahat sila’y umaasa, sa iyo ay nag-aabang;
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro’n silang kasiyahan pagkat bukas ang ‘yong palad.
Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.
Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik.
Bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 22-27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid: Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap. Hindi lamang sila! Tayo mang tumanggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-aampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan. Ligtas na tayo at inaasahan natin ang kaganapan nito. Ngunit ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, ito’y hinihintay natin nang buong tiyaga.
Gayun din naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Espiritung aming Tanglaw,
kami’y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 7, 37-39
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Sa huli at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Hesus at malakas na sinabi: “Ang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’” Tinutukoy niya ang Espiritung tatanggapin ng mga nananalig sa kanya. Nang panahong iyon ay hindi pa naipagkakaloob ang Espiritu Santo, sapagkat hindi pa nagaganap ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Pentekostes
Batid na kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu sa pagharap sa mga hamon ng ating buhay Kristiyano, manalangin tayo:
Halina, Banal na Espiritu, kailangan Ka namin!
Nawa ang buong Simbahang Katolika ay laging maging kasangkapan ng pakikipagkasundo at tagapagtaguyod ng pagkakaisa ng mga tao. Manalangin tayo!
Nawa ang mga pinuno ng Simbahan ay patuloy na maging inspirasyon sa kanilang mga pinamumunuan. Manalangin tayo!
Nawa lahat ng guro ay makapagkintal ng mga tunay na pagpapahalaga sa kanilang mga tinuturuan. Manalangin tayo!
Nawa lahat ng mga pinunong pambayan sa buong mundo, lalo na sa ating bansa, ay gabayan ng malasakit sa kapakanang panlahat. Manalangin tayo!
Nawa ang mga binabalisa ng mga pagsubok ay makalasap ng ginhawa at lakas na dulot ng Banal na Espiritu. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling mga kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!
Espiritu ng buhay at kabanalan, gabayan Mo ang aming mga puso sa landas ng pagmamahalan at paglilingkod nang kami’y maging tunay na mga kasangkapan sa pagtatatag ng Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghaharing kasama ng Ama at ng Panginoong Hesus, iisang Diyos magpakailanman. Amen!