2,271 total views
Paggunita kay San Felipe Neri, pari
Mga Gawa 25, 13b-21
Salmo 102, 1-2. 11-12. 19-20ab
Panginoo’y may luklukang
matatag sa kalangitan.
Juan 21, 15-19
Memorial of St. Philip Neri (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 25, 13b-21
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Berenice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, inilahad ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo,” wika niya. “Nang ako’y nasa Jerusalem, isinakdal siya sa akin ng mga punong saserdote at ng matatanda ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko sila na hindi ugali ng mga Romano ang magparusa sa sinumang nasasakdal nang hindi muna nagkakaharap ang magkabilang panig, at nagkakaroon ng pagkakataong makapagtanggol sa sarili ang nasasakdal. Kaya’t nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko sa hukuman ang taong iyon. Nang magkaharap-harap sila, siya nama’y hindi nila ipinagsakdal sa anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipararatang nila. Ang pinagtatalunan lang nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang taong ang pangala’y Hesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya’y buhay. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito kaya’t tinanong ko siya kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol si Pablo at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasiya sa kanyang usapin. Kaya’t pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 11-12. 19-20ab
Panginoo’y may luklukang
matatag sa kalangitan.
o kaya: Aleluya.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Panginoo’y may luklukang
matatag sa kalangitan.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Panginoo’y may luklukang
matatag sa kalangitan.
Ang Poon nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha’y maghaharing walang hanggan.
O purihin ninyo siya, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya’y sumusunod!
Panginoo’y may luklukang
matatag sa kalangitan.
ALELUYA
Juan 14, 26
Aleluya! Aleluya!
Espiritu’y magtuturo
ng aral at pagkukuro
ni Hesus na ating Guro.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 21, 15-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Nang muling napakita si Hesus sa mga alagad niya at nang makakain sila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siya tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Bunga ng pagkaunawang isinugo tayo sa misyong katulad ng kay San Pedro, hilingin natin sa Diyos Ama na palakasin ang ating pananampalataya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain Mo ang iyong kawan.
Ang Santo Papa at lahat ng may katungkulan sa Simbahan nawa’y gabayan ng Banal na Espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa nawa’y magkaroon ng matalas na pakiramdam sa pangangailangan ng bawat isa at maging maligaya sa kanilang pagsasama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga makasalanan nawa’y makatagpo ng pag-asa at lakas ng loob sa pagpapatawad ng Panginoon kay San Pedro, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nababagabag nawa’y makaranas ng presensya ng Panginoon sa gitna ng kanilang mga pagdurusa at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong mahal natin sa buhay nawa’y makatanggap ng liwanag, kaligayahan, at kapanatagan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, isinugo mo ang iyong Anak upang iligtas ang mundo sa pamamagitan ng gawain ng iyong Simbahan. Palakasin nawa ang aming loob ng halimbawa ni San Pedro upang magsikap kami para sa paglaganap ng iyong Kaharian sa lupa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.