61,325 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi ng Mahal na Birheng Maria o Immaculate Conception. Ang Birheng Maria ang pangunahing patrona ng ating bansa. Itinalaga ni Pope Pius XII ang Immaculate Conception bilang principal patroness ng Pilipinas noong taong 1942. Ngayong 2024 naman ang ika-170 taóng anibersaryo ng pagkakatatag ng kapistahang ito nang opisyal na ideklara ni Pope Pius IX ang Katolikong katuruan ukol sa Immaculate Conception.
Itinuturing ang ating bansa bilang “pueblo amante de Maria” o “bayang nagmamahal kay Maria.” Maraming parokya ang nakapangalan sa mga titulo ni Maria. Kaliwa’t kanan ang mga piyesta sa kanyang karangalan, lalo na tuwing Mayo. Nananalangin tayo ng rosaryo at laging may imahen o larawan ng ating Mahal na Ina sa maraming tahanan. Hindi maitatanggi ang pagmamahal natin sa Mahal na Birheng Maria bilang mga Katolikong Pilipino.
Kasabay ng mga pagpapahayag na ito ng ating pag-ibig sa Mahal na Ina, kinikilala rin natin ang papel ni Maria sa mga isyung pulitikal sa bansa. Para sa ating mga Katoliko, malaki ang naging papel ng ating Mahal na Ina noong People Power Revolution ng 1986. Maraming sumali sa mapayapang pag-aalsang iyon ang nagbitbit ng imahen ng Our Lady of Fatima, kasama ng mga bulaklak at rosaryo upang harangan ang malalaking tangke ng militar. Para sa ating mga Katoliko, naiwasan ang gulo at karahasan at nanaig ang kalayaan at kapayapaan ng EDSA People Power dahil sa presensya ni Maria. Kaya itinayo ang isa mga pinakakilalang Marian shrine sa Pilipinas—ang EDSA Shrine. Ang Birhen ay may titulong Our Lady, Queen of Peace.
Nitong mga nakaraang linggo, dumagsa sa EDSA Shrine ang ilang supporters ng pamilya Duterte bilang protesta sa panggigipit umano ng administrasyong Marcos Jr kay Vice President Sara Duterte at sa Office of the Vice President na nababalot sa anomalya dahil sa paggastos nito ng confidential funds. Iginiit ni Fr. Jerome Secillano, rektor ng EDSA Shrine, na hindi totoo ang mga alegasyong pinaalis o pinagbawalang pumasok at manalangin sa simbahan ang mga tagasuporta ng pamilya Duterte. Pero binatikos niya ang mga ginagamit lamang ang simbahan para sa pamumulitika. Dapat daw panatilihin ang kabanalan at kaayusan ng dambana.
Sa kabila ng ating pagiging isang sambayanang sumisinta kay Maria, nakalulungkot na ginagamit ng mga pulitiko ang diwa ng pananalangin at kapayapaan noong EDSA 1986 para sa kanilang pulitikal at makasariling interes. Nagiging malabnaw na ang mga ipinaglaban natin sa EDSA, kaya nagkakaroon ng kalituhan at gulo sa ating bayan.
Ito ang nagbunsod kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na maglabas ng isang pahayag. Pinaaalalahanan niya tayong manalangin upang magkaroon ng pagkakasundo, kababaang-loob, at karunungan ang dalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa. Nararapat at naaayon sa panlipunang turo ng Simbahan ang panawagan ni Cardinal Advincula: ang pag-ibig sa kapwa ay magdadala sa atin ng kapayapaan at pagkakasundo. Ganito rin ang sinabi ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti: “love, overflowing with small gestures of mutual care, is also civic and political, and it makes itself felt in every action that seeks to build a better world.”
Mga Kapanalig, sa kabila ng ating pagiging “pueblo amante de Maria”, bakit bigo at magulo pa rin ang sistema ng ating pulitika? Hinahamon tayo at ang ating mga pinuno na ipanalangin at maging aktibo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ating bansa. Sa tulong ng ating mahal na Ina, ang Our Lady of the Immaculate Conception at Our Lady, Queen of Peace, nawa’y manaig ang kaliwanagan at kabutihan sa ating bansa. Ayon nga sa Isaias 37:12, “ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan, at ito’y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.”
Sumainyo ang katotohanan.