301 total views
Hinikayat ni CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang lahat ng mananampalataya na gamiting oportunidad ang pag-uusig, paghihirap at pangangailangan ng kapwa para magkaroon ng gawain banal.
Sa pagdiriwang ng banal na misa sa Manila Cathedral bilang bahagi ng paglulunsad ng Aid to The Church in Need sa Pilipinas, sinabi ni Archbishop Villegas na ang pangangailangan ng mga inuusig at biktima ng karahasan dahil sa pananamplataya ay isang oportunidad para naman sa mga nais gumawa ng makabuluhan at banal na bagay.
Inihayag ni Archbishop Villegas na ang pagpapakabanal ay hindi lamang tanging nakakamit sa pagdarasal bagkus, ito ay dapat nilalakipan ng pagnanais na tumulong at magbahagi ng pagmamahal sa kapwa na mayroong pangangailangan at nakakaranas ng paghihirap.
Aniya, kapag tumutulong tayo sa atin kapwa ito ay nagsisilbing biyaya at ang pag-uusig sa mga Kristiyano ay isang daan para makatulong sa ating kapwa.
“When we Help our Brothers and sisters who are in need it becomes a blessing… The Church that [is in] persecution is just a channel for blessings,”pahayag ni Archbishop Villegas.
Ang pagdiriwang ng banal na Misa ay bahagi ng paglulunsad sa bansa ng Aid to the Church in Need, isang pontifical foundation na nais tulungan ang mga inuusig dahil sa kanilang pananampalataya o pananalig.
Sa kasalukyan ay mayroong programa ang nasabing organisasyon sa may 140 bansa sa mundo.
Batay sa datos ng ACN, tinatayang aabot sa 200 milyon indibidwal sa may 40 bansa ang nakararanas ng pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.
Dito sa Pilipinas, inamin ni CBCP-Episcopal Commission on Inter-Religious Dialogue chairman Jolo Bishop Angelito Lampon na mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakaisa at pag-uunawaan para sa matagumpay na dayalogo sa pagitan ng iba’t-ibang pananampalataya.
Ayon kay Bishop Lampon, kailangan ang pagkakaunawaan sa pagitan ng mga miyembro at tagapamuno ng mga relihiyon sa bansa upang maiwasan ang kaguluhan at pag-uusig sa pananamplataya ng bawat isa.
Aabot sa 80 porsyento ng populasyon sa bansa ay binunuo ng mga katoliko.