1,666 total views
Nakapahalaga ng buwis para sa kahit anong bayan, saan mang panig ng mundo. Ang buwis ay pundamental sa pagtataguyod ng bansa. Ito ay simbolo ng ating commitment at ambag sa kasulungan o development ng ating bayan.
Ang ating buwis ay ginagamit ng pamahalaan upang pondohan ang mga investments ng bayan sa human capital, sa pagpapagawa ng mga imprastruktura ng bayan, at mga batayang serbisyo para sa mamamayan. Kung maliit lamang ang nakokolektang buwis ng bayan, bitin ang mga serbisyo nito.
Sa ating bansa, maraming mga hamon sa pagbabayad ng buwis, pati na rin sa koleksyon ng buwis. Sa pagbabayad, siyempre, marami ang nagrereklamo sa taas ng binabayad, marami rin ang hirap at hindi alam ang proseso, at marami rin ang nanawagan para sa fair and equitable taxation. Siyempre, hindi dapat parehas ang pataw ng buwis sa halos walang kita o maliit ang kita sa mga mayayaman o kumpanyang malalaki ang kita. Sa koleksyon naman, marami ring hamon, gaya ng pagpalya ng mga indibidwal at mga negosyo sa pagbayad ng buwis, at mga kaso ng tax evasion at tax cheating.
Marami mang hamon sa pagbabayad at koleksyon ng buwis, mas marami namang natatakot na hindi maayos na magagamit ang binabayad nating buwis. Ayon nga sa isang speech ni Deputy Ombudsman Cyril Ramos noong Agosto 2019, maaring nawalan ang gobyerno ng halos P1.4 trillion dahil sa korupsyon noong 2017 at 2018. Ang perang ito, anya, ay maaring nagamit sana para sa pabahay ng maraming mamamayan o para sa medical o educational assistance.
Kapanalig, kailangan nating bantayan ang ating buwis. Kailangan natin masigurado na tunay na napupunta sa bayan ang mga buwis na pinaghihirapan nating lahat. Kailangan din na makita nating lahat na ang mga pampublikong serbisyo at mga imprastraktura ay hindi regalo mula sa mga pinuno ng bayan, mapa-lokal man o nasyonal. Ang mga ito ay mula sa kolektibo nating pinaghirapan at binuo – ang buwis.
Ang buwis na ating binabayad sa pamahalaan ay dapat bumalik sa atin sa pamamagitan ng mga serbisyo, imprastraktura, at pro-poor na pamumuhunan o investments. Paalala nga ng Rerum Novarum, kapanalig, “The foremost duty, therefore, of the rulers of the State should be to make sure that the laws and institutions, the general character and administration of the country, shall be such as of themselves to realize public well-being and private prosperity.”






