72,808 total views
Mga Kapanalig, nagpapasalamat ang ating Simbahan sa mga VIPS.
Hindi po natin tinutukoy dito ang mga “very important persons”, isang katagang ikinakabit natin sa mga taong may mataas na katungkulan, may natatanggap na mga pribilehiyo, o mga sikat na personalidad. Pero maitutuing din na very important persons ang mga pinasasalamatan nating VIPS.
Ang VIPS na sinasabi natin ay ang mga volunteers in prison ministry or service. Ang pagkilala sa kanila ang tema ng pagdiriwang kahapon ng ika-37 na Prison Awareness Sunday. Ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang araw na ito tuwing huling Linggo ng Oktubre para pataasin ang kaalaman ng mga mananampalataya tungkol sa kalagayan at kapakanan ng mga kapatid nating bilanggo o persons deprived of liberty (o PDL). Sa Prison Awareness Sunday, ipinaaalala din sa ating alamin at unawawin ang mga hamong kinakaharap ng mga PDL. Ang pagdiriwang ay taun-taong pinangungunahan ng Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP).
Ang mga VIPS, sabi nga sa tema ng Prison Awareness Sunday, ay katuwang ng ating Simbahan sa “pagbabagong punung-puno ng pag-asa” ng mga PDL. Sa pagbibigay nila ng kanilang panahon at lakas para sa isa sa mga pinakaisinasantabi sa ating lipunan, dininig at isinapuso nila ang mga salita ni Hesus sa Mateo 25:36: “Ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.”
Hindi lang simpleng pagpunta sa kulungan ang ginagawa ng mga VIPS. Sa laki ng pagkukulang ng ating gobyerno para tugunan maging ang mga pangunahing pangangailangan ng mga PDL, napakahalagang papel ang ginagampanan ng mga VIPS. Wala tayong eksaktong bilang ng mga nagboboluntaryo at naglilingkod sa mga bilangguan, pero napakarami ng serbisyong inihahatid nila sa mga kapatid nating tumatahak sa landas tungo sa pagbabagong-buhay.
May mga nagbibigay ng pagkain at mga gamit panlinis ng katawan (o hygiene kits). May mga doktor at health practitioners na nagbibigay ng libreng konsultasyon para matiyak ang kalusugan ng mga bilanggo, lalo na ng mga matatanda at maysakit. May mga gurong nagtuturo sa mga PDL hanggang sa makatapos sila sa kanilang pag-aaral kahit pa nasa loob ng kulungan. May mga nagsasagawa ng mga livelihood projects upang tulungan ang mga bilanggong magkaroon ng mapagkakakitaan. Ang kanilang kinikita ay hindi lamang para makabili sila ng kailangan nila; may ilang nagbibigay pa sa kanilang pamilyang nasa labas. May mga VIPS din na nagbibigay ng espiritwal na paggabay sa PDL; talaga naman kasing napakalaki ng epekto ng pagkakakulong sa buhay-pananampalataya ng mga bilanggo.
Instrumento ang mga VIPS para malampasan ng mga bilanggo ang anumang hadlang sa pagkamit nila ng kanilang mga kailangan. Sa pamamagitan nila, nakikita at napahahalagahan ng mga bilanggo ang kanilang dignidad na hindi nabubura ng kahit anong pagkakamali sa buhay. Sa mensahe ni Bishop Oscar Jaime Florencio, chairman ng CBCP-ECPPC, ang misyon ng Simbahang kalingain ang mga bilanggo ay hindi epektibong maisasakatuparan kung wala ang mga volunteer. Dahil sa kanila, namamalas ng mga pinagkakaitan ng kalayaan ang pag-ibig at habag ng Panginoon. Ang mga VIPS ang nagsisilbing mukha ng pag-ibig at habag na ito.
Matinding hirap ang pinagdaraanan ng ating mga nakakulong na kapatid. Hanggang noong Hunyo 2024, aabot sa halos 127,000 ang bilang ng mga nasa bilangguang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (o BJMP). Sobrang siksikan ang kalagayan sa mga kulungan; pangatlo nga raw ang Pilipinas sa tinatawag na “jail and prison overcrowding”. Saksi ang mga VIPS sa problemang ito, at sa abot ng kanilang makakaya, iniibsan nila ang hirap na nararanasan ng ating mga PDL.
Mga Kapanalig, kulang ang anumang salita para pasalamatan ang mga volunteers in prison ministry or service. Mabuhay ang mga VIPS!
Sumainyo ang katotohanan.