149,015 total views
Mga Kapanalig, nasa kustodiya na ngayon ng International Criminal Court (o ICC) si dating Pangulong Duterte. Ilang araw lang pagkatapos siyang ilipad patungo sa The Hague sa The Netherlands, humarap ang 79 anyos na dating presidente sa unang pagkakataon sa pre-trial hearing. Doon bineripika ang kanyang pagkakakilanlan. Ipinaliwanag din ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Inisa-isa rin ang kanyang mga karapatan bilang bilanggo. Maghihintay pa tayo hanggang Setyembre para sa susunod na pagdinig.
Mahaba-habang panahon pa ito, pero masuwerte si dating Pangulong Duterte dahil mananatili siya sa isang seldang napakalayo ng kalagayan sa mga kulungan natin dito sa Pilipino.
Ang pasilidad kung saan mananatili ang mga detainees na may kinakaharap na kaso sa ICC ay “safe, secure, and humane”—sa Filipino, ligtas sa anumang panganib at makatao. Hindi pangkaraniwang kulungan ang detention center ng ICC. May hiwalay na kuwarto ang bawat bilanggo. May sarili silang kama—malambot ang kutson, malinis ang unan at kumot, maginhawang higaán. May mesa, upuan, at mga kabinet para sa mga gamit. May lababo at sariling palikuran. May medical unit na maaaring tumugon anumang oras kung kinakailangan. Malamig ang panahon sa The Netherlands kaya hindi problema ang init. Kung taglamig o winter naman, may heater sa loob ng kuwarto. Kung nakita ninyo sa balita at social media ang mga video nagpapakita ng loob ng detention center ng ICC, maliit pero parang kuwarto sa isang hotel ang tinutuluyan ng dating pangulo.
Samantala, ang mga bilangguan natin ay mistulang sementeryo ng mga buháy. Ganito ilarawan ng ilang preso ang pasilidad na pinagdalhan sa kanila pagkatapos nilang masentensyahan. Ang pinakalamaki sa mga bilangguang ito ay ang New Bilibid Prison na matatagpuan sa Muntinlupa. Malawak ang lugar pero sa mga mismong kulungan, nagsisiksikang parang sardinas ang mga bilanggo. Ang Bilibid ay itinayo para sa anim na libong persons deprived of liberty (o PDL). Halos 30,000 na kababayan natin ang nagsisiksikan sa mga pasilidad ng Bilibid. Katumbas ito ng congestion rate na 350%! Para na silang isang barangay!
Kung makapapasok kayo sa selda ng mga bilanggo sa Bilibid, tiyak na manlulumo kayo sa kalagayan ng mga kapatid nating PDL. Dikit-dikit silang matulog. Madalas pa nga, kung walang espasyong matulugan, maghahalinhinan sila sa pagtulog. Hindi tuluy-tuloy ang tubig. Hindi laging malinis ang mga palikurang ginagamit nila nang sabay-sabay. Ang pagkain para sa buong araw ng bawat bilanggo ay nagkakahalaga ng ₱70 lamang! (Noong 2024 nga, natuklasan pang nabawasan ang badyet na ito—masuwerte na kung aabot sa ₱45 ang badyet para sa pagkain. Halos ₱800,000 ang napupunta sa bulsa ng mga food contractors.) Dahil dikit-dikit ang mga bilanggo, mabilis kumalat ang iba’t ibang sakit. Halos limang libo ang namamatay taun-taon dahil sa sakit na dala ng overcrowding.
Sa isang bansang ipinagmamalaki ang pagiging maka-Diyos, nakalulungkot ang pagtrato natin sa mga kababayan nating lumalabag sa batas, napatunayan man o hindi. Ipinakikita ng kalagayan sa ating mga bilangguan ang pagtalikod natin sa pagkilala sa dignidad ng tao, isa sa mga pinahahalagahan ng ating pananampalataya at sandigan ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Kumikiling tayo sa parusang marahas, pero tila may pinipili rin tayo kung sino ang papatawan nito. Ang malaking kaibahan sa kalagayan ng ating mga preso at ni dating Pangulong Duterte ay patunay ng ating sama-samang pagkukulang.
Mga Kapanalig, tinuligsa mismo ni Hesus sa Mateo 23 ang “[pagpapataw natin] ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw [nating] igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon.” Kung naaawa tayo sa dating pangulo, naaawa rin ba tayo sa mga kapatid nating bilanggo sa sarili nating bansa?