183 total views
Malaki ba ang papel ng social media sa pagkahalal ng mga kandidato tuwing eleksyon?
Maraming mga pagsasaliksik ang nagawa upang masagot ang tanong ito. May mga eksperto na nagsasabi na naging malaki ang bahagi ng social media sa Brexit Referendum sa Inglatera, pati na rin sa presidential election sa Estados Unidos. Dito sa ating bansa, marami ring eksperto ang nagsasabi na nagamit ang Facebook upang mapanalo ang ating kasalukuyang pangulo.
Makapangyarihan ng social media ngayon, kapanalig. Ang kapangyarihang nito ay mahahalintulad sa kapangyarihan ng radio at telebisyon nung panahon ng kanilang kahitikan. Hindi ba’t noong una, ang radio ang ating unang puntahan para sa balita at libangan, hanggang ito ay napalitan ng telebisyon. Ngayon, miski ang telebisyon at radio ay atin ng ma-a-access sa social media mismo. Kaya’t nararapat lamang na ating ma-monitor kung ang social media ba ay nagagamit para sa kabutihan at katotohanan. Ang lawak at ang dami ng naabot at naiimpluwensyahan nito.
Ang social media sa ating bansa ay maari maging weapon o sandata ng mga politiko – maari itong maging pugad ng kasinungalingan at paninira. Hindi natin dapat hayaang mangyari ito. Ang bulko ng mahigit 61 milyong botante ng ating bansa ay nasa edad 18-30, na siya ring bulko ng mga social media subscribers sa bansa. Ang maling impormasyon ay maaring makapagdulot ng maling desisyon para sa maraming Filipino.
Isipin natin, kapanalig, na maaring mas malawig pa ang abot ng social media sa ating populasyon kaysa sa educational system ng bayan. Dahil nga hindi naman lahat ng Filipino ay nakakapag-aral, lalo ngayon, ang social media na ang kanilang pangunahing nakukuhan ng impormasyon at kaalaman. Kung puro kasinungalingan ang kanilang makikita dito, hindi natin sila matutulungan umunlad.
Ang social media din ay ang pangunahing pinagkukunan ng balita ng mas maraming Filipino. Marami ng pagkakataon kung saan mga fake news ang nakikita ng ating mga mamamayan, na minsan, nanggagaling pa mismo sa mga opisyal ng bayan. Kung hindi tayo magpa-fact-check sa mga nababasa natin sa social media, madali tayong mabobola, at kalaunan, tayo ang ka-awa-awa.
Ngayong paparating na ang eleksyon, ang social media ay magiging battle ground, kapanalig. Hindi natin dapat payagan na ang mamayani sa mga platapormang ito ay mga trolls na walang ginagawa kundi takutin ang mga tao o magbigay ng maling impormasyon. Kailangan nating maging mapanuri! Ayon sa Gaudium et Spes, lahat ng mamamayan ay dapat may ambag sa pulitika. Ang pagbabantay ng katotohan sa social media kapanalig, lalo ngayong eleksyon, ay isang napakabuluhang ambag na dapat nating gawin.