90,088 total views
Kapanalig, buksan natin ang ating mga mata. Dito sa Metro Manila, napakarami ng mga Pilipinong sa kalye nananahan, at tinatayang mga 250,000 dito ay mga children in street situations o CISS.
Tahakin mo lang ang ilang major roads sa ating bayan, bubungad na agad sila. Mga Pilipinong nasa kalye ang hanapbuhay, at sa maraming pagkakataon, tumitira. Marahil napapansin mo ang mga kariton na nagsisilbing silong mga pamilya, o kaya ang mga karton sa bangketa, sa mga street islands, o abandoned buildings, na nagsisilbing higaan naman nila.
Ang dami nila, kapanalig, pero tila invisible sila. Hirap na hirap ang lipunan na lipunin sila, tulungan, at bigyang halaga.
Marami sa mga taong kalye ay mga mamamayang nawala at nahiwalay sa kanilang mga kaanak. Marami sa kanila, may pagkukulang sa isip, at kailangan ng aruga. Marami sa kanila, hindi na makikilala ng pamilya sa kapal ng dumi sa kanilang mga katawan at mukha. Hindi sila nabibigyan ng agarang atensyon dahil marami sa atin, natatakot na tulungan sila.
Marami rin sa mga street people ay mga slum settlers na nabiktima ng sunog o iba pang sakuna at wala ng tahanan pang uuwian. Said na ang kanilang kita at wala ng pang-gasta o pang-deposit sa bagong mauupahan. Tiis muna sa kalye hanggang maka-ipon ulit.
Marami ring mga street people ang mas pinipili manirahan sa kalye dahil nandito ang kita. Karamihan sa kanila ay namamalimos, nagtatawag ng mga sasakay sa jeep, o nagtitinda. Napakahirap ng ganitong gawain dahil delikado silang mabunggo ng mga oto at motor. Marami pa sa kanila ay bata na nae-exposed pa hindi lang sa panganib ng vehicular accidents, kundi sa mga masasamang impluwensya na magtutulak sa kanila sa droga, prostitusyon, at pagnanakaw.
Kapanalig, kailangan nating paigtingin pa ang mga private at public outreach sa mga street people. Isa sa mga programang ito ay ang Oplan Pag-Abot ng DSWD na naglalayon na i-reduce ang panganib na kinakaharap ng mga indibidwal na nananahan sa kalye. Sana ay may sapat itong pondo at tao upang ang programang ito ay hindi lamang gagalaw sa panahon ng mga sakuna. Kailangan regular itong kikilos upang mas marami pa ang natutulungan.
Ayon sa Gaudium et Spes, dapat laging unahin ang dignidad ng tao dahil siya ay kawangis ng Diyos, higit sa lahat ng nilalang, at may karapatan at tungkulin na dapat kinikilala. Hindi niya magagawa ang kanyang tungkulin at bokasyon kung wala silang access sa lahat ng bagay na nagbibigay dangal sa kanilang pagkatao, gaya ng maayos na pabahay at disenteng trabaho.
Sumainyo ang Katotohanan.