190 total views
Sa kabila ng mga pagpaslang sa mga pari, naniniwala pa rin ang Simbahang Katoliko na patuloy na lalago ang pananampalataya at ng mga nais na pumasok sa bokasyon ng pagpapari at pagmamadre.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo-Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity, hindi mawawala ang bokasyon hangga’t nakikita ng kabataan ang mabuting gawain na dulot ng pagsusumikap ng mga pari.
Sa halip, sinabi ng Obispo na ang pagkamatay nina Fr. Richmond Nilo; Fr. Mark Anthony Ventura at Fr. Marcelito Paez ay magsisilbing hamon sa mga kabataan para pumasok sa bokasyon at pagtatalaga ng kanilang sarili sa Panginoon.
“Hindi naman mawawala ang bokasyon, magiging hamon pa nga sa kabataan ‘yan. Isang paraan din yan para masala na ‘yung talagang may tunay na bokasyon at wala,” ayon kay Bishop Pabillo.
Kasabay na rin ng nagaganap na karahasan laban sa mga pari, nataon din ang pagdiriwang ng simbahan ng ‘Year of the Clergy and Consecrated Persons’ na layong bigyang tuon ang kanilang gampanin sa lipunan at ang malaking bahagi para sa pagpapayabong pa ng pananampalataya.
Sa Pilipinas, tinatayang umaabot sa higit 10,000 ang bilang ng mga pari kabilang na ang 140 mga Obispo na siyang nangangasiwa sa 86 na diyosesis at arkidiyosesis.
At base rin sa 2017 Catholic directory, umaabot sa may 3,000 libo ang bilang ng mga seminarista sa buong bansa.
Kaugnay nito, inilabas ng Vatican ang Annuarium Statisticum Ecclesiae 2016 kung saan umaabot na sa 1.3 bilyon ang mga Katoliko sa buong mundo.
Base sa statistics ng Vatican, tumaas ng 1.1-porsiyento ang bilang ng mga Katoliko mula taong 2015 hanggang 2016.