181 total views
Hinimok ng mga Pari at Laykong Laudato Si ang mamamayan na makiisa sa gaganaping “Lakadasal” para sa buhay at kalikasan ngayong araw.
Ayon kay Fr. Raul Enriquez, layon nitong ipanawagan ang kumpirmasyon ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources.
Ipinaliwanag ng pari na mahabang panahon nang inalipin ng mga mining companies ang Pilipinas, at ngayon lamang nagkaroon ng kalihim ang pamahalaan na handang manindigan para sa kalikasan.
Iginiit ng pari na hindi ito ginagawa ng makakalikasang grupo para kay Lopez, kundi para sa pangangalaga ng kalikasan at ikabubuti ng mga residenteng apektado ng labis na pagmimina sa bansa.
“Tayo na ngayo’y hirap na hirap na sa ating inaamoy, sirang sira na ang kalikasan. Lasong- lason na ang samu’t saring buhay, wala na tayong tatakbuhan, may mga bagay na hindi natin kayang i-repair, o i-rehab, kailangan talagang yung atin pang masasalba ay gawin na natin ngayon.” Fr. Enriquez sa Radyo Veritas.
Ngayong ika-28 ng Pebrero ganap na alas-onse ng umaga magsisimula ang Lakadasal para sa Buhay at Kalikasan CCP Complex at lalakad patungong Senado upang magdaos ng banal na misa.
Bukas a-uno ng Marso, unang araw ng Abo ay muling magtitipon ang mga environmentalist sa C-C-P sa ganap na alas syete ng umaga at muling maglalakad patungong Senado upang magdaos ng banal na misa ng alas otso ng umaga.
Kabilang sa dadalo sa mapayapang protesta ang mamamayan mula sa mining affected communities, mga katutubo, at kaanak ng mga biktima ng environmental killings.
Nauna rito, naninindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na kakarampot lamang ang naaambag ng mining industry sa labor employment sa bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/mining-industry-kakarampot-lang-ang-trabahong-nilikha/
Magugunitang, plano ng Chamber of Mines of the Philippines na harangin ang kumpirmasyon kay Gina Lopez bilang kalihim ng DENR matapos nitong irekomenda ang pagpapasara ng 23 minahan at pagkansela sa 75 Mineral Production Sharing Agreement na nakatalagang mag sagawa ng operasyon malapit sa mga watershed.
Una na ring binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco Sa Ludato Si, ang pagkondena nito sa industriya ng pagmimina na sumisira sa kalikasan at nagpapahirap sa mamamayan.