105,819 total views
Kapanalig, marami sa atin sa technical and vocational education umaasa para magkaroon ng trabaho. Tinatayang umabot sa mahigit pa sa 1.2 million ang technical vocational education and training (tech-voc) graduates at halos isang milyon na rin ang certified skilled workers noong 2023.
Ang laking tulong ng tech-voc sa maraming pamilya. Dahil dito, nagkakaroon ng alternatibo ang mga mamamayan at mag-aaral. Maliban sa pormal na edukasyon, may tech-voc silang mapupuntahan para sa paghahanda sa kinabukasan.
Para mas marami pang matulungan ito, kailangan pa nating pag-ibayuhin ang tech-voc sa bansa. Una, kailangan ng job-matching. Kailangan ang curriculum ng tech-voc ay laging updated at sumasabay sa labor market. Kailangan tugma sa kailangan ng mga industriya ang mga kurso nito at maglaman ng praktikal na kaalaman at kasanayan na magagamit agad ng graduates.
Kailangan din maganda ang mga pasilidad ng mga paaralan at institusyon na nagbibigay ng tech-voc education. Kapag updated ang pasilidad, matitiyak natin na yung mga aktuwal na kagamitan na ginagamit sa industriya ang pinagsasanayan ng mga mag-aaral.
Pwede rin nating paigtingin ang partnership sa pribadong sektor sa loob at labas ng bansa upang mas malawak ang training ng mga mag-aaral, pati na rin ng mga oportunidad na magbubukas sa kanila. Sa ganitong partnership din, matitiyak natin na may mapupuntahan agad na trabaho ang graduates, na magiging incentive at motivation nila na gumaling pa at magtapos.
Ang isa pang dapat idagdag sa kurikulum ng tech-voc sa ating sa ating bayan ay ang cross-discipline at flexibility. Kapag ganito ang kurikulum, ang mga manggagawa ay hindi malilimitahan sa iisang industriya lamang. Maari siyang lumipat-lipat ng iba ibang industriya at trabaho at maporma ang kanyang karera o career sa paraang akma sa kanya. Importante dito ang life-long learning at ang availability ng mga kurso na pwedeng pag-aralan ng mga manggagawa kahit sa anong stage pa siya ng kanyang karera.
Napakahalaga ng trabaho, kapanalig, at napakahalaga ng tech-voc, lalo na sa ating bayan, para magkaroon ng trabaho ang marami nating mga mamamayan. Kapag pinag-iibayo natin ang impormal na edukasyon sa bansa, tinutulungan natin ang mga mamamayan na maabot ang kaganapan ng kanilang pagkatao. Sabi nga sa Sacramentum Caritatis: work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity and must always serve the common good. Ang impormal na edukasyon, gaya ng tech-voc, ay para sa kabutihan ng balana, kaya’t dapat pa natin itong pag-ibayuhin.
Sumainyo ang Katotohanan.