130,421 total views
Ang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis ay isa sa mga seryosong isyung kinakaharap ng Pilipinas ngayon. Taon-taon, dumarami ang mga kabataang babae, edad 10 hanggang 19, na maagang nagiging ina. Ang kalagayang ito ay may malalim na implikasyon sa kanilang personal na buhay, pati na rin sa kalagayan ng bansa sa kabuuan.
Nakaka-alarma, kapanalig, ang dami ng mga kabataang nabubuntis ngayon sa ating bansa. Tumaas nga ng 35% ang dami ng mga teenagers may edad 15 pababa ang nabuntis mula 2021 hanggang 2022.
Kapanalig, ang sitwasyon na ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pamilya. Napakahalaga ng tamang gabay mula sa pamilya. Kaya lamang, dahil sa maraming salik gaya ng kawalan ng oras at kahirapan, may mga kabataang hindi nakakatanggap ng sapat na malasakit o atensyon. Dahil dito, may mga kabataan na mas madaling mahulog sa mga relasyon kung saan may ilusyon ng pag-ibig at suporta. Dahil sa kanilang edad at kakulangan sa kaalaman at karanasan, nabubuntis sila kahit hindi pa handa.
Malawak at malalim ang epekto ng teenage pregnancy. Sa personal na aspeto, maraming mga kabataang babae ang napipilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa kanilang kalagayan. Ang pagiging batang ina ay nagiging balakid sa kanilang mga pangarap at mga oportunidad sa hinaharap. Nagiging mahirap para sa kanila na makipagsabayan sa kanilang mga kapwa kabataan na patuloy na nakakapag-aral at nakakapagpundar ng magandang kinabukasan.
Hindi rin biro ang mga pisikal na epekto ng teenage pregnancy. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga kabataang babae ay mas mataas ang tsansang magkaroon ng mga komplikasyon sa pagbubuntis, tulad ng pre-eclampsia o maging ang preterm birth, na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan at sa sanggol.
Ang maagang pagbubuntis ay may negatibong epekto rin sa ekonomiya ng bansa. Kapag ang isang kabataang ina ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral, nababawasan ang kanyang pagkakataon na magkaroon ng maayos at mataas na sahod na trabaho. Ito ay nagiging hadlang hindi lamang sa kanyang personal na pag-unlad, kundi pati na rin sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa kabuuan, ang teenage pregnancy ay hindi lamang isang personal na suliranin, kundi isang pambansang isyu na nangangailangan ng malawakang tugon. Ang pagkilos ng maraming sektor—pamahalaan, paaralan, simbahan, at pamilya—ay mahalaga upang mabigyan ng mas maliwanag na kinabukasan ang mga kabataang Pilipino at maiwasan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis sa bansa. Mahirap gawin ito lalo pa’t nationwide ang problema. Kailangang paigtingin ang mga rural health units pati mga parokya at mga pamilya upang makatulong dito. Ayon nga sa Gaudium et Spes: The well-being of the individual person and of both human and Christian society is closely bound up with the healthy state of the community of marriage and the family.
Sumainyo ang Katotohanan.